Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

LINGGO, OKTUBRE 1, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,647 total views

Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Ezekiel 18, 25-28
Salmo 24, 4kb-5. 6-7. 8-9

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Filipos 2, 1-11
Mateo 21, 28-32

Twenty-sixth Sunday in Ordinary Time (Green)
Mission Day for Religious Sisters

UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 25-28

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4kb-5. 6-7. 8-9

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos,
ituro mo sana sa aba mong lingkod;
ayon sa matuwid, ako ay turuan,
ituro mo, Poon, ang katotohanan;
Tagapagligtas ko na inaasahan.

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas,
at ang kabutihang noon pa’y nahayag.
Patawarin ako sa pagkakasala,
sa kamalian ko nang ako’y bata pa;
pagkat pag-ibig mo’y hindi magmamaliw,
ako sana, Poon, ay alalahanin!

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Mabuti ang Poon at makatarungan,
sa mga salari’y guro at patnubay;
sa mababang-loob siya yaong gabay,
at nagtuturo ng kanyang kalooban.

Poon, iyong gunitain
wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 1-11

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid:
Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayon, lubusin ninyo ang aking kagalakan – maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili. Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus:

Na bagamat siya’y Diyos,
hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos,
bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos,
nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin.
Nang maging tao,
siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan,
Oo, hanggang kamatayan sa krus.
Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod
At sasamba sa kanya.
At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon,
sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya: Maikling Pagbasa
Filipos 2, 1-5

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid:
Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayun, lubusin ninyo ang aking kagalakan — maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili. Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Juan 10, 27

Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan;
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 21, 28-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan: “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.’ ‘Ayoko po.’ tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya’y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayun din ang kanyang sinabi. ‘Opo’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y mauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Hinahamon pa rin ng Diyos ang lahat ng taong magpaunlak sa Kanyang paanyayang magtrabaho sa Kanyang Kaharian. Batid ang ating kahinaang tumugon sa magagandang pananalita lamang, hilingin natin ang Kanyang pagpapala’t tulong habang nananalangin tayong:

Panginoon, dinggin mo kami!

Para sa pamayanan ng lahat ng mga nananalig sa buong daigdig: Nawa manguna ito sa pag-ayon sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagtalima sa matuwid at makatarungan. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat nating pinunong espirituwal: Nawa maganyak tayo ng kanilang mabuting halimbawa sa pagtupad sa plano ng Diyos para sa ikalalago ng Kaharian. Manalangin tayo!

Para sa ating mga pinuno sa pamahalaan at iba pang nanunungkulan: Nawa manguna sila sa pagsunod sa batas ng bayan at sa gayo’y patnubayan tayo sa pagsulong ng kapakanang panlahat. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mga guro: Pahalagahan nawa nila ang bokasyong kaloob ng Diyos at magturo di lamang sa pamamagitan ng salita kundi pati rin sa magandang halimbawa ng kanilang buhay, dedikasyon, at pagmamahal sa kanilang mga mag-aaral. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng misyonero: Nawa’y magpakumbaba sila, maging masunurin sa Banal na Espiritu, at buong tapang na ipahayag ang Mabuting Balita sa kanilang salita at gawa hanggang sa ang lahat ay lumuhod at magpahayag na si Hesukristo ang Panginoon. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat, lalo na sa kabataan: Nawa gawin natin ang ating mga tungkulin ng buong-husay at, sa pagtugon sa Mahal na Birhen ng Fatima, dasalin ang Rosaryo araw-araw para sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan at kapayapaan sa mundo. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Ama naming mapagmahal, patnubayan Mo ang aming mga hakbang sa buhay nang maging laging kalugud-lugod sa Iyo ang aming mga asal gaya ng kasiyahan Mo kay Hesus na Iyong Anak. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon.

Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

FILIPINO GRADUATES, MAHINA SA RESEARCH

 50,984 total views

 50,984 total views Good News…. Patuloy na dumarami ang mga paaralan sa Pilipinas na nakapasok sa global o international rankings. Sa inilabas na Quacquarelli Symonds (QS)

Read More »

NAGUGUTOM NA PINOY

 73,816 total views

 73,816 total views Tama bang isisi ng kasalukuyang administrasyon sa nararanasang kalamidad ang pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na dumaranas ng involuntary hunger? Ang involuntary

Read More »

Trahedya sa Bais Bay

 98,216 total views

 98,216 total views Mga Kapanalig, noong ika-26 ng Oktubre, nagkaroon ng wastewater spill sa Bais Bay sa Negros Occidental.  Ang wastewater spill ay nanggaling sa pasilidad

Read More »

Pagsusulong ng just energy transition

 117,036 total views

 117,036 total views Mga Kapanalig, nagsimula na ngayong araw ang ika-30 na Conference of the Parties o COP30 ng United Nations Framework Convention on Climate Change

Read More »

Silipin din ang DENR

 136,779 total views

 136,779 total views Mga Kapanalig, nakapangingilabot ang kinahinatnan ng maraming lugar sa probinsya ng Cebu matapos dumaan doon ang Bagyong Tino.  Mistulang binura sa mapa ang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 34,410 total views

 34,410 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 34,641 total views

 34,641 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 35,136 total views

 35,136 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 25,460 total views

 25,460 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 25,569 total views

 25,569 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top