Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

MARTES, ENERO 10, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,364 total views

Martes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Hebreo 2, 5-12
Salmo 8, 2a at 5. 6-7. 8-9

Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.

Marcos 1, 21b-28

Tuesday of the First Week in Ordinary Time (I) (Green)

UNANG PAGBASA
Hebreo 2, 5-12

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Hindi sa mga anghel ipinailalim ng Diyos ang sanlibutan na noo’y kanyang lilikhain – ang sanlibutang tinutukoy namin. Sa halip ay ganito ang patunay sa isang bahagi ng Kasulatan,

“Ano ang tao upang siya’y iyong alalahanin o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya’y pinababa mo kaysa mga anghel,
Ngunit pinagkalooban mo siya ng kadakilaan at karangalang marapat sa isang hari,
at ipinailalim mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”

Nang ipailalim ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Hesus, bagamat sandaling panahong pinababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob niya na si Hesus ay mamatay para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya’y pinapaging-ganap ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, upang makapagdala ng marami sa kaluwalhatian. Marapat lamang na gawin niya iyon sapagkat si Hesus ang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan.

Si Hesus ang nagpapabanal sa kanila, at iisa ang Ama ng nagpapabanal at ng pinapaging-banal. Kaya’t hindi niya ikinahiyang tawagin silang mga kapatid. Ganito ang kanyang sinabi:

“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
At aawit ako ng papuri sa iyo sa gitna ng kapulungan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 8, 2a at 5. 6-7. 8-9

Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.

Ikaw, O Poon, Panginoon namin,
laganap sa lupa ang iyong luningning.
Ano nga ang tao upang ‘yong alalahanin?
ay ano nga siya na sukal mong kalingain?

Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.

Nilikha mo siya, na halos kapantay
ng iyong luningning at kadakilaan!
Pinamahala mo sa buong daigdig,
sa lahat ng bagay malaki’t maliit.

Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.

Mga baka’t tupa, hayop na mabangis
at lahat ng ibong nasa himpapawid,
at maging sa isda, sa ilalim ng tubig.

Pinamahala sa Anak
ang ginawa niyang lahat.

ALELUYA
1 Tesalonica 2, 13

Aleluya! Aleluya!
Tanggapin n’yo ang salita
na di sa tao nagmula
kundi sa D’yos na dakila.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 1, 21b-28

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Sa lungsod ng Capernaum sa Araw ng Pamamahinga, si Hesus ay pumasok sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagturo siya sa kanila na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.

Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng masamang espiritu, at sumigaw: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita: ikaw ang Banal mula sa Diyos!” Ngunit iniutos ni Hesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinapangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumisigaw na lumabas. Nanggilalas ang lahat, kaya’t sila’y nagtanungan, “Ano ito? Bagong aral? Nauutusan niya pati ang masamang espiritu. At sinunod naman siya!” At mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes

Sa pamamagitan ng Ebanghelyo, nagsasalita sa atin si Kristo nang may walang hanggang kapangyarihan at mga himala ng pagpapagaling. Sa pamamagitan niya, manalangin tayo nang may matibay na paniniwala:

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na tunay na makapangyarihan, hipuin Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y patuloy na ituro ang katotohanan ni Kristo at labanan ang mga kasamaan sa ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno sa daigdig nawa’y isulong ang kabutihan sa kani-kanyang gobyerno at maging maalab sa pagbabaklas ng kasamaan sa lipunan na kanilang sinumpaang paglingkuran, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y hindi manghinawa sa ating buhay-pananalangin upang hindi manaig sa ating buhay ang masamang espiritu, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y maging malaya sa kanilang mga pisikal at espiritwal na paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga tapat na yumao nawa’y magtamasa ng maliwanag na bukang-liwayway ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, nagbubunyi kami sa yaman ng iyong pag-ibig sa amin. Pakatatagin mo ang iyong kapangyarihan sa amin at samahan mo kami sa landas ng aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

PORK BARREL

 96,303 total views

 96,303 total views Kapanalig, bakit katakam-takam ang Pork barrel funds? Bakit nababaliw ang mga mambabatas sa pork barrel? Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional

Read More »

THE CONDUCTOR

 108,843 total views

 108,843 total views Kapanalig, sinasabi ng Cambridge dictionary na ang “CONDUCTOR” ay “Person who directs the performance of musicians or a piece of music especially by

Read More »

Sakramento ng kasal

 131,225 total views

 131,225 total views Mga Kapanalig, paunti raw nang paunti ang mga nagpapakasal sa ating bansa. Iniulat ito noong isang linggo ng Philippine Statistics Authority (o PSA).

Read More »

Aktibismo, red tagging, at ang kalikasan

 150,329 total views

 150,329 total views Mga Kapanalig, hindi lamang ang mga aktibista ang napapahamak sa red-tagging o ang pag-uugnay sa kanila sa mga itinuturing na kalaban ng estado.

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 46,604 total views

 46,604 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 46,835 total views

 46,835 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 47,346 total views

 47,346 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 34,387 total views

 34,387 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 34,496 total views

 34,496 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top