193 total views
Personal na binisita ng kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang may 3-libong pamilya na nasunugan sa Parola compound Tondo, Maynila noong ika-7 ng Pebrero 2017.
Kasabay ng selebrasyon ng Kardinal sa ika-35 taon ng pagkapari kanyang binisita,kinumusta at kinalinga ang mga naging biktima ng sunog.
Naging mensahe ni Cardinal Tagle sa mga nasunugan na pag-alabin ang pag-ibig at pagtutulungan sa gitna ng krisis na kanilang nararanasan habang wala pang nalilipatang matitirahan.
Inaasahan ni Cardinal Tagle na matapos ang sunog ay muling bumangon ang mga biktima sa pagkakalugmok
sa problema at dinaranas na hirap sa evacuation center.
Hinimok ni Cardinal Tagle ang mga nasunugan na sa halip na apoy ang muling magliyab ay hayaang pag-ibig ang pag-alabin sa isa’t-isa at pagtutulungan upang sabay-sabay na makabangon sa trahedya.
“Meron po tayong kasabihan, kung saan ka nadapa doon ka babangon, doon tatayo. Kung saan po natupok ng apoy ang ating mga bahay, ang ating mga ari-arian doon din po natin itatayo. Mayroon pong apoy na kapag dumaan sa halip na makasira lalong nakakatatag, mayroong apoy na kapag dumaan sa halip na mawala ang lahat ay nagkakaroon ng sagana. Iyan ang apoy na bigay ng Espiritu Santo, ang apoy ng pag-ibig, pagdadamayan, pakikipag-kapwa tao, yan ang apoy na sana mas malakas pa kesa sa sunog”. mensahe ni Cardinal Tagle.
Tiwala ang Kardinal na mag-aalab sa mga biktima ng sunog ang pagdadamayan at pagtutulungan sa halip na pagkakanya-kanya.
“Nasunugan tayo pero sabihin natin sa mundo mayroon tayong apoy na mas malakas ang ating pag-ibig sa isat-isa.
Itayo po nating muli ang ating buhay, ang ating pamilya, ang ating sambayanan sa lakas ng pagdadamayan at pag-ibig. Huwag po kayong panghihinaan ng loob at huwag sana na ang ating karanasan sa sunog ay umuwi sa pagkanya-kanya. Lahat po tayo naghihirap kaya magtulungan, lahat tayo ay dapa huwag nang tapakan pa ang kapwa, tulungan na makatayo.”mensahe ni Cardinal Tagle
Hinikayat ni Cardinal Tagle ang mga nasunugan na ibahagi sa kapwa ang anumang sobra sa pangangailangan.
Kasabay nito ang pagtitiyak ng Kardinal na hindi sila pababayaan at pagkakaitan ng tulong ng Simbahan.
“Ako po ay pumunta hindi para batiin ninyo, ako ho ay pumunta rito dahil noong nagkaroon ng sunog ako ay nasa ibang bansa subalit ako naman po ay pinadadalhan ng mga mensahe ng ating mga pari, ng Caritas tungkol po sa nangyari.
Ibig po namin na ipabatid sa inyo na hindi kayo nakakalimutan ng simbahan. Ang simbahan po ay nandito para laging umagapay sa inyo. Hindi po namin kaya na ibigay ang lahat-lahat pero kung ano ang makakayanan ito ay hindi ipagkakait sa inyo”. pahayag ng Kardinal
Naunang nagpadala ng tuong ang Caritas Manila at Quiapo church ng tulong na nagkakahalaga ng 500-libong pisong halaga ng mga relief goods at pangunahing pangangailangan ng mga nasunugan.
Magpapatayo din ang Caritas Manila ng pabahay sa may 50-pamilya na biktima ng sunog.