Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

MIYERKULES, ABRIL 19, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,334 total views

Miyerkules sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Gawa 5, 17-26
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

Juan 3, 16-21

Wednesday of the Second Week of Easter (White)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 5, 17-26

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Noong mga araw na iyon, inggit na inggit ang pinakapunong saserdote at ang mga kasamahan niya na kaanib na sekta ng mga Saduseo, kaya’t kumilos sila. Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. Ngunit kinagabiha’y binuksan ng anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, “Pumaroon kayo sa templo at mangaral tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” Sumunod naman ang mga apostol, kaya’t nang magbubukang-liwayway, pumasok sila sa templo at nagturo.

Nang dumating ang pinakapunong saserdote at ang mga kasama niya, tinawag nila ang lahat ng matatanda ng Israel sa pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol. Ngunit pagdating doon ng mga bantay, wala na ang mga iyon. Kaya’t nagbalik sila sa Sanedrin at ganito ang ulat: “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang bilangguan at nakatayo ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” Nabahala ang mga punong saserdote at ang kapitan ng mga bantay sa templo nang marinig ito, at di nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol. Ngunit may dumating at nagbalita sa kanila, “Ang mga lalaking ikinulong ninyo ay naroon sa templo’t nagtuturo sa mga tao.” Kaya’t ang kapitan ay pumunta sa templo, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi gumamit ng dahas dahil sa pangambang sila’y batuhin ng mga tao.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

o kaya: Aleluya!

Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila’y iniligtas sa hirap at dusa.

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t naligtas
ay maituturing na taong mapalad.

Dukhang sa D’yos tumatawag
ay kanyang inililigtas.

ALELUYA
Juan 3, 16

Aleluya! Aleluya!
Kay laki ng pagmamahal
ng Diyos sa sanlibutan
kaya’t Anak n’ya’y binigay.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 3, 16-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

Hindi hinahatulang maparusahan ang nananampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos; ngunit hinatulan nang parusahan ang hindi nananampalataya sa kanya. Hinatulan sila sapagkat naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masama ang kanilang mga gawa. Ang gumagawa ng masama ay ayaw sa ilaw, at hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanyang mga gawa. Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw; sa gayon, nahahayag na ang kanyang mga ginagawa’y pagsunod sa Diyos.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Miyerkules

Taglay ang pagtitiwala, ilapit natin ang ating mga alalahanin sa Diyos Ama na labis na nagmahal sa mundo kaya’t ibinigay ang kanyang bugtong na Anak upang hindi na mawala ang mga naniwala sa kanya, bagkus ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa ngalan ni Jesus, basbasan Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y laging maging buhay na tanda ng pag-ibig at habag ng Diyos sa mga panahon ng kadiliman at kawalan ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa ating pamumuhay, nawa’y maipadama natin sa kapwa ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga ginagawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang pag-ibig ng Diyos nawa’y maghatid ng kapayapaan sa ating mga puso at pagkakasundo ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y makaunawa na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng pangangalaga at pagkalinga ng kanilang pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga mahal natin sa buhay na namayapa nawa’y makabahagi sa kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, tunghayan mo nang may pag-ibig ang iyong mga anak at patnubayan mo kami sa aming paglalakbay patungo sa kaligtasan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

DESTABILIZATION

 70,650 total views

 70,650 total views Kapanalig, hindi dapat ipinagsasawalang bahala ang “destabilization plots”., ito ay paanyaya ng violence, pangpahina ng pamahalaan., pananabotahe sa gobyerno., pagkompromiso sa social fabric

Read More »

POWER OF PURSE

 135,778 total views

 135,778 total views Kapanalig, taon-taon…tayo ay nagpapakahirap sa pagta-trabaho, obligado tayong nagbabayad ng buwis., umaasang gagamitin ng pamahalaan sa tama ang ating pinaghirapang pera. Pinapaniwala tayo

Read More »

Huwag kalimutan ang mga EJK victims

 96,398 total views

 96,398 total views Mga Kapanalig, habang nakatuon ang atensyon ng publiko sa nagpapatuloy na kontrobersya sa mga flood control projects, huwag sana nating kalimutan ang mga

Read More »

Taun-taong pagsubok sa agrikultura

 158,079 total views

 158,079 total views Mga Kapanalig, maraming sakahan ang nalunod at nasira dahil sa pagbahang dulot ng Super Typhoon Uwan, at labis na naapektuhan ang ani ng

Read More »

Victim-blaming sa gitna ng delubyo

 178,036 total views

 178,036 total views Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo, sa kasagsagan ng pananalanta ng Super Typhoon Uwan, nag-viral sa social media si Pangasinan Second District representative Mark

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 39,143 total views

 39,143 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 39,374 total views

 39,374 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 39,880 total views

 39,880 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 29,206 total views

 29,206 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 29,315 total views

 29,315 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top