2,361 total views
Huwebes ng Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
2 Corinto 3, 15 – 4, 1. 3-6
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Sa ati’y mananatili
paglingap ng Poon lagi.
Mateo 5, 20-26
Thursday of the Tenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
2 Corinto 3, 15 – 4, 1. 3-6
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, hanggang ngayon, may talukbong pa ang isip ng mga Israelita tuwing babasahin nila ang aklat ni Moises. Ngunit pagharap ng tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong. Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at kung saan naroon ang Espiritu ng Panginoon, naroroon din ang kalayaan. At ngayong naalis na ang talukbong sa ating mukha, tayong lahat ang nagiging sinag ng kaningningan ng Panginoon. At ang kaningningan iyon na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang bumabago sa ating anyo upang maging lalong maningning, hanggang sa maging mistulang larawan niya.
Dahil sa habag ng Diyos, hinirang niya ako para sa gawaing ito kaya naman malakas ang aking loob. Kung may talukbong pa ang Mabuting Balitang ipinahahayag namin, ito’y natatalukbungan lamang sa mga napapahamak. Hindi sila sumasampalataya, sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng daigdig na ito. Sila’y binulag nito upang hindi nila makita ang liwanag ng Mabuting Balita tungkol sa kaningningan ni Kristo na siyang larawan ng Diyos. Si Kristo Hesus na ating Panginoon ang ipinangangaral ko at hindi ang aking sarili. Ako’y lingkod ninyo alang-alang kay Hesus. Sapagkat ang Diyos na nagsabing, “Mula sa karimlan ay sisilang ang liwanag” ay siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isip upang makilala ang kadakilaan ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Kristo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9ab-10. 11-12. 13-14
Sa ati’y mananatili
paglingap ng Poon lagi.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas,
sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Sa ati’y mananatili
paglingap ng Poon lagi.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Sa ati’y mananatili
paglingap ng Poon lagi.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Sa ati’y mananatili
paglingap ng Poon lagi.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 5, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.”
“Narinig ninyo na noong una’y inutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘Ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyerno. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.
“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo sa tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Manalangin tayo sa Diyos upang makapaghatid sa sanlibutan ng kaligayahan ng pakikipagkasundo tayong mga nakaranas ng kanyang pagpapatawad.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin mo kaming daluyan ng iyong kapayapaan.
Ang Simbahan nawa’y maging tunay na sakramento sa sandaigdigan sa pamamagitan ng pakikipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga taong sumumpang manungkulan para itaguyod nang matuwid ang katarungan at kalayaang pantao nawa’y hindi magparatang at maghimagsik, at sa halip ay kilalanin at supilin ang kasalanan sa kanilang sariling mga puso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawa na nagkalayo o naging malayo ang kalooban sa isa’t isa nawa’y matutong magpatawad, umunawa at kalugdang muli ang isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y hilumin sa ating pagmamataas at maging mapagkumbaba na tanggapin ang ating pagkukulang at pagkakamali para mamuhay tayo nang mapayapa na kapiling ang ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pumanaw nawa’y mabuhay sa walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ilayo mo kami sa katigasan ng puso at ipaubaya mo na lagi kaming maging handang lumapit sa pakikipagkasundo at hilumin ang anumang uri ng pagkakahiwa-hiwalay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.