Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

LINGGO, HULYO 23, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,593 total views

Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Karunungan 12, 13. 16-19
Salmo 85, 5-6. 9-10. 15-16a

Poon, ikaw ay mabuti
sa lahat ng nagsisisi.

Roma 8, 26-27
Mateo 13, 24-43

Sixteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
World Day of Grandparents and the Elderly

UNANG PAGBASA
Karunungan 12, 13. 16-19

Pagbasa mula sa aklat ng Karunungan

Lahat ng bagay ay nasa ilalim ng iyong pangangalaga,
at walang ibang diyos na dapat mong pagsulitan ng iyong mga hatol.
Sa iyong lakas nagmumula ang iyong katarungan,
at maaari kang magpakita ng habag kaninuman
sapagkat ikaw ang Panginoon ng lahat.
Ipinamamalas mo ang iyong lakas sa nag-aalinlangan sa iyong ganap na kapangyarihan,
at pinarurusahan mo ang sinumang nakatatalastas nito ngunit nangangahas na di ka pansinin.
Walang hanggan ang kapangyarihan mo ngunit mahabagin ka kung humatol.
Maaari mo kaming parusahan kailanma’t ibigin mo,
ngunit sa halip ay pinamamahalaan mo kami nang buong hinahon at pagtitimpi.
Sa pamamagitan ng ginawa mong iyan ay itinuro mo sa mga taong makatarungan
na dapat din silang maging maawain.
At binigyan mo naman ng pag-asa ang iyong bayan,
sa pagkakaloob sa kanila ng pagkakataong makapagsisi.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 85, 5-6. 9-10. 15-16a

Poon, ikaw ay mabuti
sa lahat ng nagsisisi.

Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
Pakinggan mo, Poon, ang aking dalangin,
tulungan mo ako, ako’y iyong dinggin.

Poon, ikaw ay mabuti
sa lahat ng nagsisisi.

Ang lahat ng bansa na iyong nilalang,
lalapit sa iyo’t magbibigay galang;
sila’y magpupuri sa ‘yong kabutihan.
Pagkat ikaw lamang ang Diyos na Dakila
na anumang gawin ay kahanga-hanga!

Poon, ikaw ay mabuti
sa lahat ng nagsisisi.

Ngunit ikaw, Poon, tunay na mabait,
tapat at totoo, wagas ang pag-ibig;
lubhang mahabagi’t banayad magalit.
Ibaling sa akin ang awa mo’t habag,
iligtas mo ako at bigyan ng lakas.

Poon, ikaw ay mabuti
sa lahat ng nagsisisi.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 26-27

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita. At nauunawaan ng Diyos na nakasasaliksik sa puso ng tao, ang ibig sabihin ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu’y lumuluhog para sa mga banal, ayon sa kalooban ng Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 13, 24-43

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, inilahad ni Hesus ang talinghagang ito sa mga tao. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo sa triguhan. Nang tumubo ang trigo at magkauhay, lumitaw rin ang masasamang damo. Kaya’t lumapit ang mga alipin sa puno ng sambahayan at sinabi rito, ‘Hindi po ba mabuting binhi ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga iyon?’ ‘Huwag,’ sagot niya. ‘Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani: Tipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo’y inyong tipunin sa aking kamalig.’”

Isa na namang talinghaga ang inilahad ni Hesus sa kanila. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong nagtanim ng isang butil ng mustasa sa kanyang bukid. Pinakamaliit ito sa lahat ng mga binhi, ngunit kapag natanim na at lumago ay nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay. Ito’y nagiging punongkahoy, anupat napamumugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”

Nagsalaysay pa siya ng ibang talinghaga. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad ng lebadura na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, at umalsa ang buong masa.” Sinabi ni Hesus sa mga tao ang lahat ng ito sa pamamagitan ng talinghaga at wala siyang sinabi sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ng propeta:

“Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga,
ihahayag ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula nang likhain ang sanlibutan.”

Pagkatapos, iniwan ni Hesus ang mga tao at pumasok sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa masasamang damo sa bukid.” Ito ang tugon ni Hesus, “Ang Anak ng Tao ang naghahasik ng mabuting binhi. Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mga taong pinaghaharian ng Diyos ang mabuting binhi at ang mga taong pinaghaharian ng diyablo ang masasamang damo. Ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay walang iba kundi ang diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng daigdig, at ang mga anghel ang mga tagapag-ani. Kung paanong iniipon ang mga damo at sinusunog, gayon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at iipunin nila mula sa kanyang pinaghaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama, at ihahagis sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin. At magliliwanag na parang araw ang mga matuwid sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga pandinig ay makinig!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Mateo 13, 24-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, inilahad ni Hesus ang talinghagang ito sa mga tao. “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: may isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng masasamang damo sa triguhan. Nang tumubo ang trigo at magkauhay, lumitaw rin ang masasamang damo. Kaya’t lumapit ang mga alipin sa puno ng sambahayan at sinabi rito, ‘Hindi po ba mabuting binhi ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga iyon?’ ‘Huwag,’ sagot niya. ‘Baka mabunot pati trigo. Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang sa anihan. Pag-aani’y sasabihin ko sa mga tagapag-ani: Tipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin upang sunugin, at ang trigo’y inyong tipunin sa aking kamalig.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Kasabay ng pagpapasalamat sa Panginoon sa Kanyang pasiyensiya sa kabila ng ating pagiging di karapat-dapat, idulog natin sa Kanya ang ating mga kahilingan para sa lahat ng malapit sa ating puso. Maging tugon natin ay:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa lahat ng mananampalataya sa daigdig: Magpunyagi nawa sila sa paggawa ng mabuti sa kabila ng lahat ng samang nakapaligid sa kanila. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat nating pinunong espirituwal: Patuloy nawa silang maging inspirasyon natin at katulong sa pagpapalaganap ng pagmamahal ng Diyos sa mundo. Manalangin tayo!

Para sa mga biktima ng kasamaan sa lipunan: Maging kasiyahan at lakas nawa nila ang pananalig sa karunungan, habag, at katarungan ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa mga tila damong ligaw sa daigdig: Nawa maunawaan nilang ang pasiyensiya sa kanila ng Diyos ay hindi pampasigla sa kanilang magpatuloy sa kasamaan, kundi isang pagkakataon para sila’y magbalik-loob. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng taong may mabuting kalooban at nagsisikap sa pagsugpo ng kasamaan: Huwag nawa silang panghinaan ng loob, kundi magsumikap pang lalo sa paggawa ng mabuti. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Diyos ng awa at katarungan, tulungan Mo kaming lipulin ang sama sa aming mga puso at mag- sikap para sa pagbabalik-loob ng mga sumusunod sa masama. Lahat nawa kami’y magpunyagi sa paglilingkod sa Iyo hanggang marating namin ang Kaharian sa kaganapan nito kung saan Ka nabubuhay at naghahari nang walang hanggan. Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Pagnanakaw sa kinabukasan ng kabataan

 11,994 total views

 11,994 total views Mga Kapanalig, sa Senate budget hearing noong nakaraang linggo, iniulat ni DPWH Secretary Vince Dizon na 22 silid-aralan lamang sa target na 1,700 ang

Read More »

Disenteng bilangguan

 23,274 total views

 23,274 total views Mga Kapanalig, inilarawan ni Independent Commission for Infrastructure (o ICI) Commissioner Rogelio Singson bilang “decent” o disente ang pasilidad kung saan dadalhin ang

Read More »

Shooting the messenger

 34,089 total views

 34,089 total views Mga Kapanalig, eksaktong isang linggo na ang nakalilipas nang barilin ng hindi pa rin nahahanap na suspek ang local broadcaster na si Noel

Read More »

The Big One

 64,597 total views

 64,597 total views Nakakatakot, nakaka-pangangambang isipin ang “The Big One” Kapanalig, aminado ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na hindi mapipigilan at mangyayari ang

Read More »

Makatotohanang Anti-Corruption Crusade

 76,773 total views

 76,773 total views Kapanalig, ang kredibilidad ng anumang anti-corruption crusade ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tulad ng binuong INDEPENDENT COMMISSION for INFRASTRUCTURE(ICI) ay nakasalalay

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 19,786 total views

 19,786 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 20,017 total views

 20,017 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 20,493 total views

 20,493 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 13,356 total views

 13,356 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 13,465 total views

 13,465 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top