Search

Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

SABADO, OKTUBRE 7, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,163 total views

Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Rosario

Baruc 4, 5-12. 27-29
Salmo 68, 33-35. 36-37

Dinirinig ng Maykapal
ang mga may kailangan.

Lucas 10, 17-24

Memorial of Our Lady of the Rosary (White)

Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

UNANG PAGBASA
Baruc 4, 5-12. 27-29

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Baruc

Lakasan ninyo ang inyong loob, mga kababayan. Dahil sa inyo, buhay pa ang bansang Israel. Ipinagbili kayo sa mga dayuhan hindi upang lipulin. Ipinasakop kayo sa iba pagkat ginalit ninyo ang Diyos. Nang maghandog kayo sa mga demonyo sa halip na sa kanya, nilait ninyo ang sa inyo’y lumikha. Kinalimutan ninyo ang Diyos na sa inyo’y nag-alaga sa pasimula, at dinulutan ng pighati ang Jerusalem na sa inyo’y nag-aruga. Nakita ng Jerusalem ang parusa ng Diyos sa inyo at kanyang sinabi, “Mga kalapit-bayan ko, ako’y pinararanas ng Diyos ng matinding hirap. Ang mga mamamayan ko’y ipinabihag ng Walang Hanggang Diyos sa kanilang mga kaaway. Maligaya ko silang pinalaki ngunit nanangis ako sa dalamhati nang sila’y kunin sa akin. Huwag sanang ikagalak ninuman ang aking kasawian. Naiwan akong nangungulila dahil sa pagkakasala ng aking mga mamamayan. Tinalikdan nila ang Kautusan ng Diyos at ako’y naging isang bayang wasak at tiwangwang.

“Lakasan ninyo ang inyong loob, mga anak. Tumawag kayo sa Diyos. Pinarusahan nga niya kayo, ngunit hindi niya kayo pababayaan. Noon, kayo ay lumayo sa kanya. Ngayon nama’y manumbalik kayo at maglingkod sa kanya nang buong pagsisikap. Ang Diyos na nagpadala sa inyo ng kahirapang ito ang siya ring magkakaloob sa inyo ng tuwang walang katapusan pag kayo’y iniligtas na niya.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 33-35. 36-37

Dinirinig ng Maykapal
ang mga may kailangan.

Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.
Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa,
maging karagata’t naroong nilikha.

Dinirinig ng Maykapal
ang mga may kailangan.

Ang Lungsod ng Sion, kanyang ililigtas,
bayang nasa Juda’y muling itatatag:
doon mananahan ang mga hinirang,
ang lupain doo’y aariing tunay.
Magmamana nito’y yaong lahi nila
may pag-ibig sa Diyos ang doo’y titira.

Dinirinig ng Maykapal
ang mga may kailangan.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 17-24

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, bumalik na tuwang-tuwa ang pitumpu’t dalawa. “Panginoon,” sabi nila, “kahit po ang mga demonyo ay sumusunod kapag inutusan namin, sa ngalan ninyo.” Sumagot si Hesus, “Nakita ko ang pagkahulog ni Satanas mula sa langit – parang kidlat. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tumapak sa mga ahas at mga alakdan, at yumurak sa kapangyarihan ng kaaway. Walang makapipinsala sa inyo. Gayunman, magalak kayo, hindi dahil sa suko sa inyo ang masasamang espiritu kundi dahil sa nakatala sa langit ang pangalan ninyo.”

Nang oras ding iyon, si Hesus ay napuspos ng galak ng Espiritu Santo. At sinabi niya, “Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at pantas ang mga bagay na ito at inihayag mo sa mga taong ang kalooba’y tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat gayun ang ikinalulugod mo.”

“Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak at yaong marapating pagpahayagan ng Anak.”

Humarap si Hesus sa mga alagad at sinabi, na di naririnig ng iba: “Mapalad kayo, sapagkat nakita ninyo ang inyong nakikita ngayon! Sinasabi ko sa inyo maraming propeta at mga hari ang nagnasang makakita ng inyong nakikita ngunit hindi nila nakita. Hinangad din nilang mapakinggan ang inyong naririnig ngunit hindi nila napakinggan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Mahal na Birheng Maria ng Rosaryo

Manalangin tayo sa ating Ama sa tulong ng makapangyarihang pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, Reyna ng Banal na Rosaryo.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, pagpalain mo kami sa pamamagitan ng mga panalangin ng Birheng Maria.

Tulad ni Maria nawa’y pagnilayan ng Simbahan ang misteryo ng buhay at pag-ibig ng Diyos na nahayag kay Kristo at sa mga pangyayari ng ating panahon, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa halip na tustusan ng mga bansa ang kanilang mga sandatang pandigma at pangwasak nawa’y higit nilang paglaanan ang mga kagamitan para sa pagtataguyod ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Kaisa ni Maria tayo nawa’y magpatuloy sa pananalangin at pagsisikap na matupad ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ng maka-inang pangangalaga ni Maria, ang mga maysakit at nagdadalamhati nawa’y makatagpo ng paghilom at paglubag ng kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumaong tapat sa Panginoon nawa’y magtamasa ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin para sa rosaryo at sa mensahe ng kapayapaan na hatid ni Maria sa aming mundo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

INTELIHENSIYANG POLPOL

 8,088 total views

 8,088 total views Kapanalig, kada taon kapag tinatalakay ang pambansang badyet, naririndi tayong mga Pilipino sa bilyun-bilyong pisong intelligence fund. Lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kahit

Read More »

Kapayapaan na ba sa wakas?

 30,154 total views

 30,154 total views Mga Kapanalig, kalagitnaan ng buwan ng Hunyo nang pirmahan nina US President Donald Trump at Iranian President Masoud Pezeshkian ang kasunduang naglalayong tuldukan

Read More »

Ang PAPA Leave Act

 45,850 total views

 45,850 total views Mga Kapanalig, maaaring magkaroon ng hanggang 105 araw na paid paternity leave ang mga tatay kapag maging batas ang House Bill No. 9891

Read More »

Hindi solusyon ang kriminalisasyon

 54,022 total views

 54,022 total views Mga Kapanalig, kabubukás pa lamang ng mga klase nitong Hunyo, sinusubok na agad ang ating mga paaralan ng mga insidente ng karahasan.  Noong

Read More »

APAT NA DEKADA

 117,644 total views

 117,644 total views Mag-aapat na dekada nang ipag-utos ng 1987 Philippine constitution o Saligang Batas ng Pilipinas sa mga mambabatas (Congressmen/Senador) na isabatas ang anti-political dynasty

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Sabado, Hulyo 4, 2026

 1,082 total views

 1,082 total views Sabado ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay Santa Isabel na taga-Portugal o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing

Read More »

Biyernes, Hulyo 3, 2026

 2,431 total views

 2,431 total views Kapistahan ni Apostol Santo Tomas Efeso 2, 19-22 Salmo 116, 1. 2 Humayo’t dalhin sa tanan Mabuting Balitang aral. Juan 20, 24-29 Feast

Read More »

Huwebes, Hulyo 2, 2026

 4,342 total views

 4,342 total views Huwebes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Amos 7, 10-17 Salmo 18, 8. 9. 10. 11 Matuwid ang kahatulan ng Panginoon ng

Read More »

Miyerkules, Hulyo 1, 2026

 5,308 total views

 5,308 total views Miyerkules ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Amos 5, 14-15. 21-24 Salmo 49, 7. 8-9. 10-11. 12-13. 16bk-17 Ang masunurin sa Diyos

Read More »

Martes, Hunyo 30, 2026

 6,409 total views

 6,409 total views Martes ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita sa Mga Unang Martir ng Banal na Sambayanan ng Diyos sa Roma Amos

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top