3,867 total views
Paggunita kina San Pedro Bautista, San Pablo Miki at mga Kasama, mga martir
Hebreo 12, 18-19. 21-24
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 9. 10-11
Awa mo’y nagunita ko
sa loob ng iyong templo.
Marcos 6, 7-13
Memorial of Sts. Pedro Bautista, Paul Miki and Companions (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Huwebes sa Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Hebreo 12, 18-19. 22-24
Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo
Mga kapatid, hindi kayo lumapit, gawa ng paglapit ng mga Israelita, sa isang bundok na nakikita sa Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, balot ng pusikit na kadiliman, may malakas na hangin, may tunog ng trumpeta, at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na ito’y marinig ng mga tao, isinamo nilang tumigil iyon ng pagsasalita sa kanila. Talagang nakakikilabot ang kanilang natatanaw, kaya’t pati si Moises ay nagsabi ng ganito, “Nanginginig ko sa takot!”
Ang nilapitan ninyo’y ang Bundok ng Sion at ang lungsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos. Lumapit kayo kay Hesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan at sa dugong nabubo, na ang isinisigaw ay kaiba sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 47, 2-3a. 3b-4. 9. 10-11
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
Dakila ang Poon, dapat papurihan,
sa lungsod ng Diyos, bundok niyang banal.
Ang Bundok ng Sion, tahanan ng Diyos
ay dakong mataas na nakalulugod.
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
Bundok sa hilaga na galak ang dulot,
sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
Sa banal na lungsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
Ang Panginoong D’yos, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lungsod na banal,
iingatan niya magpakailanman.
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
Sa loob ng iyong templo, O Diyos,
aming nagunita pag-ibig mong lubos.
Ika’y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila’y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
Awa mo’y nagunita ko sa loob ng iyong templo.
ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 7-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinan: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Sinabi rin niya sa kanila, “At sa alinmang tahanang inyong tuluyan – manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.” Kaya’t humayo ang Labindalawa at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Inaanyayahan tayo ng Diyos Ama upang maging mga lingkod niya sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Manalangin tayo para sa biyaya na ating maunawaan ang dignidad ng ating misyon at para sa kinakailangang lakas upang maisagawa ito.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Samahan mo ang iyong mga isinugo, O Panginoon.
Ang mga naglalakbay sa Simbahan nawa’y higit na humikayat ng mga tao upang magbagumbuhay sa pamamagitan ng pagiging saksi kay Jesu-Kristo sa kanilang salita at gawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga misyonero na nagpupunyagi sa ibang bansa nawa’y biyayaan ng Diyos ng mayamang ani, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y patuloy na magsumikap na ibahagi ang pananampalataya sa kanilang mga anak, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga taong nabibigatan sa mga kasawian sa uhay nawa’y maipakita nating lahat ang ating pag-aaruga, pakikiisa, pag-ibig, at pang-unawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y maging malaya sa mga alalahanin sa mundong ito at magkamit ng kasiyahan ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, nagtitiwala kami sa iyo. Pinili mo kami sa pamamagitan ni Kristo upang ipahayag ang pag-ibig na iyong ipinakita sa amin. Gawin mo kaming tapat sa mensahe ng Ebanghelyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.