Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Miyerkules, Marso 12, 2025

SHARE THE TRUTH

 6,513 total views

Miyerkules sa Unang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Jonas 3, 1-10
Salmo 50, 3-4. 12-13. 18-19

D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.

Lucas 11, 29-32

Wednesday of the First Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Jonas 3, 1-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jonas

Sinabi ng Panginoon kay Jonas: “Pumunta ka sa Lungsod ng Ninive at ipahayag mo ang mga ipinasasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Ninive. Malaki ang lungsod na ito. Aabutin ng tatlong araw kung lalakaring pabagtas. Siya’y pumasok sa lungsod.

Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Ninive pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno sila at nagdamit ng sako bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.

Nang mabalitaan ito ng hari ng Ninive, bumaba siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit din ng sako, at naupo sa abo. At ipinasabi niya sa mga taga-Ninive: “Ito’y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang kakain isa man. Wala ring iinom, maging tao o hayop. Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng sako. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at talikdan ang masamang pamumuhay. Baka sa paraang ito’y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasiya at hindi na ituloy ang balak na paglipol sa atin.”

Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na itinuloy ang paggunaw sa Ninive.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 12-13. 18-19

D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Hugasan mo sana ang aking karumhan
dalisayin mo ang aking kasalanan!

D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.

Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.

D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Joel 2, 12-13

Magsisi tayong mataos,
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D’yos;
sa kanya tayo’y dumulog
at manumbalik na lubos.

MABUTING BALITA
Lucas 11, 29-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang mga tao, sinabi ni Hesus, “Napakasama ng lahing ito! Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas. Kung paanong naging isang palatandaan si Jonas sa mga taga-Ninive, gayun din naman, magiging isang palatandaan sa lahing tao ang Anak ng Tao. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at sila’y hahatulan niya ng kaparusahan. Sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto! Sa Araw ng Paghuhukom ay titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Kuwaresma
Miyerkules

Natuklasan ni Jonas na hindi maaaring takasan ang Panginoon. Tumawag tayo ngayon sa Diyos Ama upang hingin ang biyaya ng pagbabagumbuhay at matatag na pagtitiwala sa panawagan ni Kristo na magsisi sa kasalanan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama naming lahat, turuan Mo kami ng tunay na pagsisisi.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y maging puspusan sa kanilang pangangaral ng mensahe ng Diyos tungkol sa pagsisisi sa kasalanan sa mga naghahanap sa Panginoon nang buong puso, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang panahong ito nawa’y maging pagkakataon ng pagbabago at pagbabalik-loob sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Tulad ng mga mamamayan ng Ninive nawa’y itakwil natin ang masasamang gawi at lumapit sa Diyos nang may kababaang-loob at pagsisisi, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makadama ng kapanatagan at pagmamahal mula sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kapayapaan at kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama namin, ibinigay mo ang simbolo ni Jonas bilang pahiwatig sa pagdating ng iyong anak. Kung paanong simula sa kawalang hanggan ay niloob mo ang kanyang Muling Pagkabuhay, isama mo kami sa kanya magpakailanman. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

DESTABILIZATION

 25,021 total views

 25,021 total views Kapanalig, hindi dapat ipinagsasawalang bahala ang “destabilization plots”., ito ay paanyaya ng violence, pangpahina ng pamahalaan., pananabotahe sa gobyerno., pagkompromiso sa social fabric

Read More »

POWER OF PURSE

 90,149 total views

 90,149 total views Kapanalig, taon-taon…tayo ay nagpapakahirap sa pagta-trabaho, obligado tayong nagbabayad ng buwis., umaasang gagamitin ng pamahalaan sa tama ang ating pinaghirapang pera. Pinapaniwala tayo

Read More »

Huwag kalimutan ang mga EJK victims

 50,769 total views

 50,769 total views Mga Kapanalig, habang nakatuon ang atensyon ng publiko sa nagpapatuloy na kontrobersya sa mga flood control projects, huwag sana nating kalimutan ang mga

Read More »

Taun-taong pagsubok sa agrikultura

 112,675 total views

 112,675 total views Mga Kapanalig, maraming sakahan ang nalunod at nasira dahil sa pagbahang dulot ng Super Typhoon Uwan, at labis na naapektuhan ang ani ng

Read More »

Victim-blaming sa gitna ng delubyo

 132,633 total views

 132,633 total views Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo, sa kasagsagan ng pananalanta ng Super Typhoon Uwan, nag-viral sa social media si Pangasinan Second District representative Mark

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 37,718 total views

 37,718 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 37,949 total views

 37,949 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 38,450 total views

 38,450 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 28,006 total views

 28,006 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 28,115 total views

 28,115 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top