6,417 total views
Mga Kapanalig, patuloy bang mabibingi ang mundo sa iyak ng mga bata at mga babae na naiipit sa gulo sa Middle East?
Mahigit isang buwan na mula nang lumala ang tensyon doon dahil sa pag-atake ng US at Israel sa Iran at iba pang mga bansa. Tumitindi ang pangamba na maaari pa itong lumawak, magtagal, at magdulot ng isang humanitarian crisis.
Pinakamasakit sa lahat, mga bata ang lubhang naaapektuhan. Mahigit 300 na mga bata na ang namatay at libu-libo naman ang nasusugatan. Sa mga unang araw pa lamang ng digmaan, isang missile strike sa paaralan sa Iran ang kumitil sa buhay ng 168 na bata. Karagdagan sila sa mga inosenteng biktima ng gulo sa Middle East dahil naman sa paghihiganti ng Israel sa Palestine. Pero hindi lamang sila mga numero o statistics; ang pinag-uusapan natin ay mga buhay na hindi na maibabalik.
Samantala, libu-libong mga babae sa rehiyon ang patuloy na nagdurusa. Dahil sa mga pambobomba at pagkasira ng mga ospital, hindi nabibigyan ng sapat na atensyong medikal ang mga buntis at mga bagong panganak. May mga nanganganak nga sa mga delikadong lugar gaya ng tabi ng kalsada at mga shelters. Pasan din ng mga babae ang responsabilidad na alagaan ang kanilang mga anak at nakatatandang kapamilya sa isang kalagayang lubhang mapanganib.
Ayon kay UNICEF Executive Director Catherine Russell, ang mga bata at babae sa rehiyon ay nalalantad sa matinding karahasan habang ang mismong mga sistemang dapat nagpoprotekta sa kanila ay patuloy na inaatake. Dahil dito, agarang pagkilos ang kinakailangan mula sa lahat ng panig upang pangalagaan ang buhay ng mga sibilyan at itaguyod ang karapatan ng mga bata.
Ang epekto ng digmaan ay hindi lamang nararamdaman ng mga bata at babae sa mga lugar na direktang tinatamaan nito. Umaabot ito sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang Pilipinas. Ayon sa UNICEF, ang pagkaantala sa produksyon at transportasyon ng mahahalagang suplay ay maaaring magdulot ng hanggang anim na buwang delay sa paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan ng mga tao, at pinakaaapektado ang mga bata at babae. Tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at magdudulot ito ng pagmahal ng mga produktong tulad ng bakuna, at pagkain, pati na rin ng transportasyon.
Kahit matapos ang gulo sa Middle East, mahabang panahon ang kailangan para sa pagbangon ng mga mamamayang direktang naapektuhan nito. Bitbit ng mga nakaligtas—bata man o mga babae—ang matinding trauma at takot. Itatayong muli ang mga lungsod mula sa abo. Bubuuing muli ang mga sistemang panlipunan gaya ng edukasyon at serbisyong pagkalusugan. Mananatili sa alaala nila ang mga sugat ng digmaan.
Kaya nananawagan si Pope Leo XIV sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa, lalo na ang mga sangkot sa gulo sa Middle East, na buksan ang landas ng diyalogo at humanap ng mga solusyong nagtataguyod ng dignidad ng bawat tao. Binigyang-diin niya na ang karahasan ay hindi kailanman magdadala ng tunay at pangmatagalang kapayapaan. Walang sinuman ang dapat gumamit sa pangalan ng Diyos upang bigyang-katwiran ang kasamaan ang mga gawaing nagdudulot ng kamatayan at pagdurusa.
Mga Kapanalig, kung bingi ang mga pinuno ng mga bansang kumikiling sa karahasan sa iyak ng mga inosente, tayo, hindi dapat. Malinaw ang ating tungkulin: bilang mga Kristiyano, gayahin natin dapat ang pag-ibig ni Hesus. Tinatawagan tayong kumalinga at kumilos. Ang ating mga pinuno ay hinahamong piliin ang landas ng kapayapaan, at tayo namang mga mamamayan ay tinatawag na pangalagaan ang kapwa at manindigan laban sa kawalang-katarungan. Sa kabila ng lahat, piliin nating magmahal kahit mahirap, at umasa sa kabutihan kahit tila imposible.
Sumainyo ang katotohanan.






