47,122 total views
Mga Kapanalig, Disyembre na!
Magdiriwang na tayo ng Pasko sa loob ng ilang araw, pero bago nito, malamang may mga Christmas party tayong dadaluhan sa ating opisina, organisasyon, o kahit sa ating kapitbahayan. Hindi naman Kristiyanong tradisyon ang mga party na ito, pero naging bahagi na nga ito ng pagdiriwang natin ng Pasko—sayawan, kantahan, kainan, at exchange gifts.
Kung kayo ay nagtatrabaho sa isang opisina ng pamahalaan, may hiling para sa inyo si Pangulong Bongbong Marcos Jr. Inudyukan niya ang mga government agencies na gawing simple ang pagdiriwang ng Pasko. Sa halip na magkaroon ng bongga at marangyang Christmas party, i-donate na lamang daw ang kanilang gagastusin sa mga kababayan nating patuloy na naghihirap matapos ang sunud-sunod na mga bagyo. Paraan daw ito ng pagpapakita ng pakikiisa o solidarity sa mga pilit pa ring bumabangon mula sa nagdaang kalamidad.
Magandang panawagan ito, at sana nga ay totohanin ng ating pamahalaan, lalo na ng mga lider nating nasanay sa marangyang pagdiriwang. Mayroon nga sa kanilang nagpa-party sa opisyal nilang tirahan o nag-iimbita pa ng isang dayuhang banda. Hindi nga natin alam kung mula pa sa kaban ng bayan ang ipinaggastos nila sa mga ito.
Paglilinaw ng Civil Service Commission, hindi naman talaga pinahihintulutan ang mga ahensya ng gobyerno na magsagawa ng Christmas party sa mismong opisina nila. Kung may isinasagawa sila sa bandáng katapusan ng taon sa loob ng kanilang opisina, ito ay ang kanilang yearend assessment o pagbabalik-tanaw sa mga naging trabaho nila. May nakatakda pa ngang presyo ng pagkain para sa bawat empleyado, kaya mahirap na gawing engrande ang pagtitipong ito. Hindi rin dapat nila gamitin ang pondo ng gobyerno para sa Christmas party dahil wala ito sa tinatawag na “allowed expenditure” ng mga ahensya at opisina.
Kung gusto talaga ng isang opisina na mag-Christmas party, dapat daw itong gawin sa labas ng opisina at personal na gagastos ang mga sasali. Kung lalabag sila sa alituntuning ito, masisilip ito ng Commission on Audit (o COA) at mapapatawan sila ng kaukulang parusa.
Kung hindi naman kayo empleyado ng gobyerno, mainam din sigurong gawing payak ang pagdiriwang ng Pasko kasama ang ating mga katrabaho, kapitbahay, kaibigan, o kasama sa mga organisasyon, kabilang ang mga samahang kinabibilangan natin sa ating parokya. Tuloy na tuloy pa rin naman ang Pasko at ang pagdiriwang nito, pero alalahanin din sana natin ang mga kapatid nating nasiraan ng bahay, nawalan ng kabuhayan, o namatayan ng mahal sa buhay dahil sa mga dumaang bagyo. Ipadama natin sa kanila ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pag-aabot ng tulong sa kanila. Ipadama natin sa kanilang nakikiisa tayo sa pinagdaraanan nila kahit malayo tayo sa kanila.
Pero hindi sana matapos sa pagkakaroon ng simpleng Christmas party ang pagpapakita natin ng pakikiisa sa kanila—o solidarity, sa Ingles. Ang solidarity, ayon sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, ay hindi lamang tungkol sa pagkaawa sa iba o mababaw na pagkabalisa sa hirap ng ating kapwa. Ito ay isang matatag at matiyagang pagtatayâ para sa kabutihang panlahat o common good. Ang ating mga lingkod bayan sa gobyerno, pati ang mga nasa Simbahan, ang dapat magsilbing halimbawa ng prinsipyong ito. Ang mga patakaran o programa nila ay dapat magbunga sa pagkaalis ng mga kababayan natin sa mahirap nilang kalagayan.
Mga Kapanalig, sa gitna ng ating paghahanda para sa pagdiriwang natin ng araw ng Pasko—kasama ang mga Christmas party—maalala sana natin lagi ang mensahe sa Deuteronomio 15:11: “Kailanma’y hindi kayo mawawalan ng mga kababayang mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila.” Samatuwid, higit sa simpleng selebrasyon ng Pasko ang hinihiling sa ating lahat.
Sumainyo ang katotohanan.