355 total views
26th Sunday Cycle C
Amos 6: 1.4-7 1 Tim 6:11-16 Lk 16:19-31
Ang isang katangian ng ating mundo ngayon, na dahil sa technology, ay ang mabilis na pagkalat ng balita. Alam kaagad natin ang nangyayari sa bansa at sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Marahil marami sa inyo ay sumubaybay sa libing ni Queen Elizabeth. Madali natin masubaybayan ang laro ng PBA o ng NBA. Nababalitaan agad natin ang mga kalagayan tungkol sa ating mga paboritong artista. Pero kahit na ganito kabilis ang pagkalat ng balita, marami ay nagwawalang kibo sa kalagayan ng mga mahihirap, ng mga may sakit at sa mga biktima ng digmaan at ng karahasan. Nababahala ba tayo na mayroon pang digmaan na nangyayari sa Ukraine at sa Central Republic of Congo sa Africa? Marami pa ang mga tao na namamatay doon. Siguro alam natin, pero nababahala ba tayo sa milyong-milyon na apektado ng baha sa Pakistan? Alam ba natin na patuloy pa ang pang-aabuso ng mga military sa Myanmar sa kanyang mga mamamayan? Nababahala ba tayo sa patuloy na pagkasira ng kalikasan at ang patuloy na global warming? Marami ang naaapektuhan na matit
inding baha, ng tagtuyo, at ng mga bagyo.
Hindi kaya alam ng mga tao ang mga pangyayaring ito? Maaaring alam natin kasi well-informed na tayo ngayon dahil sa social media. Palaging dumadating sa atin ang mga “Breaking News.” Pero nababahala ba tayo? Maaaring alam natin, pero nakikialam ba tayo? May ginagawa ba tayo – at least magdasal man lamang, upang mabago ang masasamang pangyayari? Walang pakialam – iyan ang isang bagay na kinasusuklaman ng Diyos at magdadala ng kapahamakan sa atin.
Sa ating unang pagbasa tinukoy ni propeta Amos ang mga tao sa Samaria, ang Capital City ng bayan ng Israel, na walang pakialam sa nangyayari sa kanilang bayan. Ang bayan ng Israel noon ay maunlad economically, pero maraming mga mahihirap ay naaapi at naaalipin pa. Pero ang mga mayayaman sa lunsod ay walang pakialam. Nag-go-good time lang sila. Umiinom ng mamahaling alak, kumakain ng masasarap na mga karne, pahiga-higa lang sa mga mamahaling mga kama, patugtog-tugtog lang sa mga gitara at mga lira at gumagawa ng mga awitan, parang sila daw ay si haring David. Pero wala silang pakialam sa kabulukan ng kanilang bayan, na maraming mga mahihirap ay naaapi, na ang kaunlaran nila ay dahil sa pagsasamantala sa mga maliliit na tao, na ang batas ni Moises ay hindi na sinusunod. Ang mga taong ito ay magiging mga bihag at ipapatapon sa ibang mga bansa. Ganyan nga ang nangyari. Pagkaraan ng ilang taon ang bayan ng Israel at ang lunsod ng Samaria ay bumagsak sa ilalim ng mga taga-Assyria at ang mga mayayaman ay binihag at
pinatapon sa malalayong bansa at namatay sila sa mga dayuhang lugar. Ang kasalanan nila ay sila ay walang pakialam at naging pabaya sa kalagayan ng bayan. Kaya wala silang ginawa upang maituwid man ang mga kasamaan na nangyayari noon sa kanilang bayan.
Ganyan din ang nangyari sa mayaman sa ating ebanghelyo. Siya ay araw-araw nagpipiesta – marami at masasarap na pagkain. May mga bago at branded na damit siya. Pero alam niya na sa may pintuan niya nandoon ang isang pulubi na si Lazaro. Alam niya ito at kilala pa niya si Lazaro. Pinansin lang niya ito noong nagdurusa na siya sa impiyerno at pinapakiusap kay Abraham na utusan si Lazaro ang bigyan siya kahit na isang patak lamang ng tubig. Kilala niya si Lazaro pero wala siyang binigay na tulong kay Lazaro – itong pulubing ito na halos hubad at puno ng sugat ang kanyang balat, itong pulubi na masaya na sanang makakain ng kahit mumo lang na nalaglag sa kanyang hapag. Pero hindi niya ito pinansin. Pero nabaliktad ang kanilang kalagayan pagkamatay nilang dalawa. Lahat naman ay mamamatay – ang mayayaman at mahihirap. Ang nasa taas noon ay nasa baba na, at ang nasa baba ay nasa taas. Si Lazaro ay nandoon sa kandungan ni Abraham at ang mayaman – na hindi natin kilala ang kanyang pangalan – ay nandoon sa impiyerno sa g
itna ng matinding apoy. Iba talaga ang kalagayan natin sa paningin Diyos. Sa mundong ito kilala ang mga pangalan ng mayayaman. Nababanggit sila sa balita at sa social media. Pero ang mga mahihirap ay hindi kilala. Iba sa harap ng Diyos. Si Lazaro ay kilala, ang mayaman ay walang pangalan.
Ang malaking agwat ng mayaman at mahirap sa lupa ay naging agwat na hindi madudugtong sa kabilang buhay. Sa totoo lang, hindi naman talaga malaki ang agwat ng mayaman kay Lazaro. Nasa tabi lang ng pintuan niya si Lazaro. Naging malaki ang agwat kasi hindi niya ito pinansin. Wala siyang pakialam sa kanya.
Kailangan nating pansinin ang ating kapwa, lalo na ang kapwa na nangangailangan. Ito ay nakalagay na sa batas ni Moises sa Lumang Tipan. Kung hindi natin ito sinusunod, kahit na may patay pa na muling nabuhay, hindi rin natin ito susundin. At totoo iyan. May patay na nga na muling nabuhay – si Jesus mismo, pero marami pa rin ang hindi pumapansin sa mahihirap. At lalong dumadami ang mahihirap pero hindi sila pinapansin ng mayayaman. Kaya patuloy ang takbo ng ekonomia na ang mayayaman ay lalong yumayaman, at dumadami naman ang mahihirap.
Kahit na sa Pilipinas. Ang mga mambabatas natin ay galing sa mayayaman. Sa sistema ng ating eleksyon na bilihan ng boto, ang mga mayayaman lang ang maluluklok sa politika. Pero sa kalakaran sa pamahalaan, ang mas nabibigyan ng pabor ay ang mayayaman. Sila ang mas pinapansin at mas pinagtatanggol. Makikita natin ito sa mga balita, hindi lang sa Pilipinas ngunit sa buong mundo. Kapag may gulo, ang mga pulis at ang mga militar ay ginagamit upang supilin ang mga tao, at hindi upang dakpin at panagutin ang mga politiko at mayayaman na siyang dahilan ng mga corruption at pagsasamantala sa mga tao. Kaya umaaklas ang mga tao dahil sa mga politiko at mga mayayaman, pero ang sinusupil ng mga pulis ay ang mga tao. Sila ang nakikitang magulo at hindi ang mga politiko at mayayaman.
Mabuti na lang at may Diyos. Mabuti na lang at mamamatay tayong lahat. Haharap tayo sa Diyos, at doon ay wala nang favoritism. Pananagutin tayo ng Diyos. Doon papahiran ng Diyos ang mga luha at pawis ng mga mahihirap. Doon mamamahinga ang tayong mahihirap kasama ng mga banal. Doon pananagutin ang mga mayayaman at mayayabang. Ang kanilang mga good time ay mapapalitan ng matinding kahirapan. Makatwiran ang Diyos. May gantimpala sa ating kahirapan at may parusa sa ating kapabayaan at pagwawalang kibo sa kahirapan ng iba.
Sabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: Lay hold of the eternal life to which you are called. Huwag natin kalimutan ang buhay na walang hanggan. Panghawakan natin ito! Kaya ngayon pagdugtungin na natin ang mga agwat na naghihiwalay sa atin sa iba upang sa kabilang buhay hindi naman tayo mahiwalay sa Diyos.