26,728 total views
23rd Sunday of the Ordinary Time Cycle C
Wis 9:13-18 Phlm 9-10.12-17 Lk 14:25-33
“Sinong tao ang makatatarok ng kaisipan ng Diyos? Sino ang makaaalam ng kalooban ng Panginoon?” Ito ang tanong na narinig natin sa atin unang pagbasa. Ang sagot: wala, kung aasa lang tayo sa ating kakayahan bilang tao. “Ang ating kaluluwa ay binabatak na pababa ng ating katawang may kamatayan,” nakasulat sa Aklat ng Karunungan. Nahihirapan nga tayo na malaman ang nilalaman ng mga bagay sa paligid natin sa daigdig, ano pa kaya ang pag-unawa sa mga bagay na makalangit. Kaya walang nakakaalam ng kalooban ng Diyos at ng kanyang panukala kung hindi niya ito ipabatid sa atin. Mabuti na lang, ang Diyos natin ay hindi isang Diyos na tahimik o isang Diyos na malihim. Siya ay nagpapahayag. Pinapaalam niya sa atin ang kanyang plano at ang kanyang kagustuhan. At bakit? Dahil sa mahal niya tayo. Mahal niya tayo bilang kanyang mga kaibigan. Sabi ni Jesus na tinuturing niya tayo hindi bilang alipin. Hindi pinapaalam ng amo sa kanyang alipin ang kanyang mga balak. Tinuturing niya tayo bilang mga kaibigan, kaya pinapaabot niya sa atin ang plano ng ating Ama. Kaya nga ang Anak ng Diyos ay naging tao upang ipaalam at ipadama sa atin na mahal niya tayo. Tinuturuan din tayo ni Jesus paano tumugon sa pag-ibig ng Ama, kung papaano mahalin ang Diyos.
Sa ating ebanghelyo narinig natin na maraming mga tao ang lumalapit kay Jesus. Bakit? Marahil ang iba kasi gusto nilang mapagaling ni Jesus. May kahilingan sila sa kanya. May mga lumalapit naman kay Jesus kasi gusto nilang makinig sa kanyang aral. Ang iba nga ay kinikilala na nila siya na Panginoon. Pero sinabi din ni Jesus na hindi lahat ng tumatawag sa kanya na “Panginoon, Panginoon” ay makakapasok sa kaharian ng langit. Hindi dahil sa kilala na natin siya, o kaya naging kasama natin siya, o kahit na nakagagawa tayo ng kababalaghan sa ngalan niya, na tayo ay ligtas na. Pero, may iba na lumalapit kay Jesus kasi gusto nilang maging alagad ni Jesus. Sana nabibilang tayo rito. Hindi tayo lumalapit sa Diyos kasi may pangangailangan tayo, kasi tayo ay nabibiyayaan. Lumapalit tayo kasi gusto nating sumunod sa kanya. Pero may kondisyon siya Jesus upang maging alagad niya tayo. “Ang sinumang hindi magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin ay hindi maaring maging alagad ko.” At makakasunod tayo sa kanya araw-araw kung inuuna natin siya.
Kilala natin na si Jesus ay Diyos. Kaya mahalin natin siya ng buong puso at buong lakas natin. Unahin natin siya. Kung inuuna pa natin ang ating magulang, ang ating mga anak, ang ating trabaho, ang ating sariling gusto o ang sariling kapakanan, hindi tayo magiging alagad niya. Handa ba tayong itaya ang lahat sa kanya? Isipin na lang natin na itinaya din niya ang kanyang lahat para sa atin. Iniwan niya ang kanyang pamilya at ang kanyang tahanan para sa atin. Ang buong buhay niya ay buhay paglilingkod. Inalay niya ang buhay niya sa krus para sa atin. Ibinibigay niya ang kanyang sarili bilang pagkain sa Banal na Komunyon upang bigyan tayo ng lakas. Ang kanyang Espiritu ay binuhos niya sa atin. Kaya maaari siyang humingi ng lahat sa atin kasi ibinigay din niya ang kanyang lahat para sa atin.
May dalawang talinhaga ngayong araw tungkol sa pagbibigay ng lahat. Kung ang isang tao ay may malaking project, tulad ng pagtatayo ng tore, o kung ihahambing pa natin sa atin panahon ngayon, na magtatayo ng isang malaking bahay na bato, pag-iisipan niya muna kung kaya niyang ipatapos ang project na ito. Baka naman magsimula siya at kulang pala ang kanyang budget. Nakakahiya naman na nagsimula at hindi napatapos. At kung iyan ay malaking project dapat ang lahat ng pera niya at kayamanan ay ilagay niya sa kanyang project, kung hindi mabibitin siya sa budget. Magtitipid muna siya sa pamimili ng mga gamit o ng damit, hindi mula siya masyadong maglakbay, pati na sa pagkain niya, hindi muna siya bibili ng mamahalin at imported na pagkain, kasi may pinapagawa siyang malaking bahay. Kaya ba niyang ilaan muna ang lahat para mapatapos ang bahay?
Ang pangalawang talinhaga ay tungkol sa isang hari na makikipagdigma. Haharapin ba niya ang isang hari at sasagupain niya sa labanan na mayroon lang siyang sampung libong kawan at ang haring nagmamartsa laban na kanyang kaharian ay mayroong dalawampung libong sundalo? Handa ba siyang itaya ang lahat niyang kakayahan upang harapin ang haring ito? Kung hindi niya kaya, habang malayo pa ang kalaban, makipagkasundo na agad siya.
Ang ibig sabihin ng mga talinhangang ito ay hindi madali na maging alagad ni Jesus. Kailangan nating itaya ang lahat kung magpasya tayo na sumunod sa kanya. Kaya nasabi niya: “Hindi maaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay.”
Hindi lang naman ang mga pari o mga madre ang nagtatalaga ng sarili bilang alagad ni Jesus. Lahat tayo na binyagan ay inaanyayahang sumunod kay Jesus at maging alagad niya. Ang ibig sabihin nito ay dapat natin siyang unahin sa buhay natin. Piliin muna natin ang katotohanan, ang kabutihan, ang katarungan at hindi ang sariling layaw o gusto. Ano ang basihan ng ating mga pasya sa buhay, ang kagustuhan ba ng Diyos o ang sabi-sabi ng iba, o ano ang uso, o ano ang mas madali para sa atin?
Mahirap malaman ang kagustuhan ng Diyos, kaya nga niya ito sinasabi sa atin. Kaya nga mayroon tayong Salita ng Diyos na siyang basihan ng ating pag-iisip. Kaya nga mayroon tayong Simbahan na patuloy na gumagabay sa atin. Gumagabay ang simbahan sa atin hindi lang sa personal na gawain natin, pati na sa panlipunang desisyon natin – tulad ng sa election. Hindi naman tayo tinuturuan ng simbahan na bomoto sa masamang tao kundi sa mga taong maaasahan ng bayan. Hindi ang nagbigay sa atin ng ayuda sa eleksyon, o ang nagbigay ng pera ang talagang karapat-dapat na kandidato. Kaya nga sinasabi ng simbahan na huwag tayong magpadala sa ating natatanggap sa kanila.
Patuloy po tayo ginagabayan ng Diyos. Maniwala tayo sa kanya. Ginagabayan tayo ng kanyang karunungan sa pamamagitan ng Simbahan na nagpapatuloy ng misyon ni Jesus para tayo iligtas. Nalalaman natin ngayon ang kalooban ng Diyos para sa atin dahil sa simbahan.






