170 total views
Nararapat lamang ang pagsasampa ng kaso ng Office of the Ombudsman kay dating Vice-President Jejomar Binay.
Kinatigan ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP ang paghahain ng Office of the Ombudsman ng kasong katiwalian laban kay Binay sa sandaling bumaba ito sa puwesto.
Iginiit ni CBCP-Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo na kailangan ihabla sa husgado ang mga opisyal ng pamahalaan na nasasangkot sa katiwalian kung seryoso ang bagong administrasyon sa kampanya laban sa corruption.
Inihayag ni Bishop Pabillo na hindi lamang si VP Binay ang dapat kasuhan kundi maging mga kaalyado ni Presumptive President Rodrigo Duterte na nasasangkot sa katiwalian.
Naninindigan ang Obispo na sa pamamagitan nito, makikita ng mga bagong opisyal ng bayan na talagang may accountability sa kanilang ginawa.
“Kung sinong may kasalanan, dapat siya masampahan ng kaso. Iyong nakaraang administrasyon na may mga kasalanan ay dapat sa masampahan ng kaso hindi lang si Binay pati ‘yung ibang opisyal diyan maging pro-administration para matakot ‘yung tao na dapat gawin nila ng maayos ang panunungkulan nila kasi mayroong accountability,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas
Isa sa mga kasong kinakaharap ni VP Binay ay ang 2.8-bilyong pisong overpriced na pagpapagawa ng parking sa Makati City hall.
Hinamon din ng Obispo ang bagong administrasyon na panagutin sa batas ang mga nasa likod ng pork barrel scam.
Matatandaang mahigit sa 100 mga mambabatas, tatlong miyembro ng gabinete ng dating Pangulong Arroyo ang sinasabing kasabwat ni Janeth Napoles sa 10-billion pesos pork barrel scam.