5,250 total views
Ang Mabuting Balita, 09 Marso 2024 – Lucas 18: 9-14
LUBHANG HINDI KRISTIYANO
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus ang talinghagang ito sa mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid at humahamak naman sa iba. “May dalawang lalaking pumanhik sa templo upang manalangin: ang isa’y Pariseo at ang isa nama’y publikano. Tumindig ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba – mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya – o kaya’y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita.’ Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito’y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.
————
Kung tunay tayong mabuti, hindi natin ikukumpara ang ating sarili sa iba na sa tingin natin ay hindi mabuting tao, para lamang iangat ang ating sarili. Ang gawin nating magmukhang mabuting tao ang ating sarili sa pamamagitan ng kapinsalaan ng iba ay LUBHANG HINDI KRISTIYANO, sapagkat hindi tayo ang maaaring humusga kung ano ang nasa puso ng isang tao. Ang Diyos lamang ang nakakakita nito, at nakikita din ng Diyos ang nasa puso natin. Malamang, makikita ng Diyos sa ating puso na hindi tayo TUNAY NA MABUTI! Tunay ngang ang drum na walang laman ang pinakamainggay!
Panginoong Jesus, panatilihin mo kaming mapagkumbaba at tulungan mong maalala namin na anumang kabutihan mayroon kami ay nanggaling lamang sa iyo!






