892 total reads
Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Leptospirosis sa ilang bahagi ng bansa kasabay ng patuloy na pag-ulan at pagbaha.
Sa panayam sa programang Veritas Pilipinas, sinabi ni DOH Undersecretary Gloria Balboa na nakitaan ng significant increase ng leptospirosis cases ang ilang lugar, kabilang ang National Capital Region, Regions 1, 3, 4A, 10 at 11.
Pinayuhan din ng opisyal ang mga lumusong sa baha na agad magpakonsulta sa health center upang mabigyan ng angkop na preventive treatment.
“Medyo itong week nga na ‘to, itong latest, medyo tumaas na po. Pero kasi nga meron tayong mga nakakakitaan ng significant increase sa iba pang rehiyon. Halimbawa, ang NCR, ang Regions 1, 3, 4A, 10, at saka 11. So in-expect naman po natin ‘yun dahil nga uulan pa at ang dami pa hong mga baha sa mga lugar, kaya expected po naman natin ‘yan.” Bahagi ng pahayag ni Balboa sa Radyo Veritas.
Ayon sa pinakahuling tala ng DOH, umabot na sa 6,253 ang naitalang leptospirosis cases mula Enero 4 hanggang Agosto 29, 2026, kung saan 378 na ang naitalang namatay.
Gayunman batay sa datos ng ahensya, mas mababa pa rin ito ng 12 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ibinahagi rin ni Balboa na nakapagbigay na ang DOH ng humigit-kumulang 1.2 milyong doses ng doxycycline sa mga lokal na pamahalaan at health centers bilang augmentation sa kanilang mga hakbang laban sa leptospirosis, habang ang mga LGU rin, partikular sa Metro Manila ay bumili rin ng karagdagang suplay ng gamot.
Ipinaliwanag din ng opisyal na mahalagang magpakonsulta agad ang mga taong lumusong sa baha o putik, lalo na sa loob ng 24 hanggang 72 oras matapos ang exposure upang agad na mabigyan ng naaangkop na preventive treatment.
“Kapag lumusong sa baha o kaya sa putik, ‘no, na after ng baha ang isang tao, importante po within 24 to 72 hours ay pumunta sa pinakamalapit na health center para makakuha nung libreng doxycycline.” Dagdag pa ni Balboa.
Maaari rin umanong magpakonsulta sa mga YAKAP Clinic, kung saan maaaring makakuha ng reseta at libreng gamot sa mga accredited pharmacy.
Ayon kay Balboa, mahalaga ang maagap na pagkonsulta dahil may incubation period ang leptospirosis bago lumitaw ang mga sintomas nito.
“Importante ‘yun para mapigilan ‘yung pagkakaroon niya ng leptospirosis na sakit dahil siyempre meron kasing incubation period pa ‘yan eh na 5 to 15 days. Ayun, doon lalabas ang mga sintomas kapag naapektuhan talaga.” Ayon pa kay Balboa.
Binigyang-diin ni Balboa na hindi pare-pareho ang prophylaxis para sa lahat ng lumusong sa baha. Nakadepende ito sa uri at tindi ng exposure, kabilang kung may sugat o scratch at kung gaano kadalas nalalantad sa baha.
“Kaya nga natin sinasabing kumonsulta kasi meron pong proper ‘yan na instruction depende sa assessment doon sa risk niya ng paglusong.” Ani Balboa.
Ipinaliwanag ng opisyal na maaaring magkaiba ang gamutan para sa taong minsan lamang lumusong at walang sugat, kumpara sa isang taong may sugat o madalas na lumulusong sa baha.
“Kasi kung minsan lang siyang naglusong tapos wala naman siyang sugat, ‘no, o scratch, ay kwan ‘yun, parang once a day lang ‘yun—one single dose ibig sabihin, ‘no? ‘Yung 200 mg. Tapos kapag lumusong naman kahit minsan lang at saka may sugat, iba din ang dosage niyon. Tapos ‘yung frequently na lumulusong, iba din.” Dagdag pa ni Balboa.
Dahil dito, mariing hinikayat ng DOH ang publiko na huwag basta uminom ng gamot nang walang assessment mula sa health professional, kung saan ipinaliwanag din ni Balboa kung paano gumagana ang doxycycline bilang prophylaxis na pumipigil sa bacteria.
“’Yung sa prophylaxis na doxycycline, pipigilan niyon ‘yung, halimbawa nakapasok ‘yung Leptospira bacteria sa ating katawan, ‘no? Pipigilan niyon ‘yung pagdami o pag-reproduce para hindi magkaroon ng infection ‘yung isang tao.” Ayon pa kay Balboa.
Waterborne diseases, mino-monitor din.
Samantala bukod sa leptospirosis, patuloy ding mino-monitor ng DOH ang iba pang Waterborne diseases o mga sakit na maaaring tumaas ang kaso tuwing panahon ng tag-ulan at pagbaha.
Kabilang sa kanilang mino-monitor ang Waterborne diseases, Influenza-like illness, Leptospirosis at Dengue, na tinutukoy sa kanilang monitoring bilang WILD.

Ipinaliwanag ni Balboa na maaaring kumalat ang waterborne at foodborne diseases kapag nakontamina ng baha ang tubig at pagkain.
“’Yung sa waterborne diseases naman, ito ‘yung nakukuha doon sa mga contaminated na tubig, ‘yung ating iniinom, at foodborne, ganun din ‘yung mga pagkain natin na na-contaminate kasi nga, ‘di ba, ito tag-ulan, maraming baha, so diyan ‘yung contaminated itong tubig at pati ‘yung ating pagkain.” Dagdag pa ni Balboa.
Gayunman, sinabi niyang wala pa silang nakikitang pagtaas sa mga kaso ng waterborne diseases sa kasalukuyang monitoring ng ahensya.
“So far, dito sa ating pagmo-monitor, hindi pa naman… wala pa namang pagtaas nitong ating pagdudumi, ‘no, ‘yung ating waterborne diseases.” Ayon kay Balboa.
Kalinisan sa kapaligiran, mahalaga sa pag-iwas sa sakit
Binigyang-diin din ng DOH ang kahalagahan ng environmental sanitation at hygiene upang mapababa ang panganib ng leptospirosis.
Ayon kay Balboa, mahalagang mapanatiling malinis ang kapaligiran at mapigilan ang pagdami ng mga daga, na maaaring magdala ng Leptospira bacteria.

“Kasi nga, kahit naman nagbabaha talaga, kung malinis ang ating kapaligiran at walang mga daga—kasi siyempre ‘yung mga daga, ‘yun ‘yung… ‘yun nga, dumadami ‘pag madumi ang kapaligiran, ‘di ba? At sila nga ‘yung nagdadala nitong sakit na leptospirosis.” Paliwanag ni Balboa.
Aniya, mahalagang bahagi ng prevention ang pagkontrol sa populasyon ng daga dahil ang pag-iwas sa pinagmumulan ng infection ay makatutulong upang maprotektahan ang komunidad.
“Kasi ‘pag wala ho ‘yung nagdadala nung infection, eh hindi rin tayo magkakasakit.” Ayon kay Balboa.
Sa gitna ng patuloy na pag-ulan at pagbaha, patuloy na hinihikayat ng DOH ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran, umiwas hangga’t maaari sa baha, at agad na magpakonsulta sa health facility matapos ang exposure upang mabigyan ng tamang payo at preventive intervention.
Sa bahagi ng Simbahan, ang pangangalaga sa kalusugan ay mahalagang bahagi ng pagkalinga sa buhay at dignidad ng tao kung saan sa panahon ng pagbaha at iba pang kalamidad, ang pag-iwas sa sakit ay hindi lamang personal na pananagutan kundi isang anyo rin ng malasakit sa pamilya at komunidad.




