LINGGO, OKTUBRE 22, 2023

SHARE THE TRUTH

 3,196 total views

Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Isaias 45, 1. 4-6
Salmo 95, 1 at 3, 4-5. 7-8. 9-10a at k

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

1 Tesalonica 1, 1-5b
Mateo 22, 15-21

Sunday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)
World Mission Sunday

UNANG PAGBASA
Isaias 45, 1. 4-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Hinirang ng Panginoon si Ciro
para maging hari
upang lupigin ang mga bansa
at alisan ng kapangyarihan ang mga hari.
Ibubukas ng Panginoon
ang mga pintong-bayan para sa kanya.
Sinabi ng Panginoon kay Ciro:
“Tinawag nga kita
upang tulungan si Israel na lingkod,
ang bayan kong hinirang.
Binigyan kita ng malaking karangalan
bagamat di mo ako kilala.
Ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba;
palalakasin kita,
bagamat ako’y di mo pa kilala.
Ginawa ko ito
upang ako ay makilala ng buong daigdig,
na makikilala nila na ako ang Panginoon,
Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1 at 3, 4-5. 7-8. 9-10a at k

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

Ang Poon ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya’y dapat katakutan.
Ang diyos ng sanlibuta’y pawang mga diyus-diyusan;
ang Poon lang ang may likha ng buong sangkalangitan.

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

Ang Panginoo’y purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at ang kanyang kabanalan!
Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo’t maghandog ng mga alay.

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

Kung ang Poon ay dumating, sa likas n’yang kabanalan,
Humarap na nanginginig ang lahat sa daigdigan.
“Ang Poon ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.

Dakilang kapangyarihan
ng Panginoo’y idangal.

IKALAWANG PAGBASA
1 Tesalonica 1, 1-5b

Ang simula ng unang sulat
ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo:
Sa simbahan sa Tesalonica – mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Hesukristo: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan.

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina’y isinasama namin kayo sa aming dalangin. Ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawang bunga ng pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal na udyok ng pag-ibig, at ang matibay ninyong pag-asa sa Panginoong Hesukristo. Nalalaman namin, mga kapatid, na kayo’y hinirang ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Filipos 2, 15d. 16a

Aleluya! Aleluya!
Sa daigdig ay laganap
liwanag na sumisikat
Salitang buhay ng lahat.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 22, 15-21

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at pinag-usapan kung paano nila masisilo si Hesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila sa kanya ang ilan sa kanilang mga alagad, kasama ang ilang tauhan ni Herodes. Sinabi nila, “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat, at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong pinangingimian sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na bumuwis sa Cesar, o hindi?” Ngunit batid ni Hesus ang kanilang masamang layon kaya’t sinabi niya, “Kayong mapagpaimbabaw! Bakit ibig ninyo akong siluin? Akin na ang salaping pambuwis.” At siya’y binigyan nila ng isang denaryo. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Hesus, “Sa Cesar po,” tugon nila. At sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Ipinaaalaala sa atin ngayon ang ating tungkuling pambayan at panrelihiyon. Sa pagdarasal natin para sa biyayang mahusay nating magampanan ang mga ito, alalahanin natin sa natatanging paraan ang lahat ng nahihirapan sa pagtupad dito. Maging tugon natin ay:

Panginoon, dinggin mo kami!

Para sa Simbahang panlahat: Nawa maging malaya siyang mag- pahayag at magtaguyod sa mga pagpapahalaga ng Ebanghelyo sa lahat ng lipunang pambayan. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, ating Obispo, mga kura paroko, at iba pang pinunong panrelihiyon: Nawa matagumpay nila tayong gabayan sa pinakamahusay nating pagtupad sa ating mga tungkuling pambayan at panrelihiyon. Manalangin tayo!

Para sa ating mga pinuno sa pamahalaan at lahat ng iba pang pinunong pambayan: Nawa gabayan nila tayo sa pamamagitan ng kanilang katapatan at karangalan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin sa Diyos at sa bayan. Manalangin tayo!

Para sa ating mga misyonero sa buong daigdig: Nawa itulot ng Diyos na magbunga ang kanilang mga pagsisikap, bigyan sila ng lakas para malampasan nila ang lahat nilang kahirapan, at gantimpalaan sila ng buhay na walang hanggan. Manalangin tayo!

Para sa ating pamayanan: Nawa lahat tayo’y laging makatupad sa ating mga tungkulin bilang mga mamamayang tapat at mabubuting Katoliko, at sa gayo’y makatulong sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos sa lupa. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, salamat sa paghirang Mo sa amin bilang mamamayan ng aming bansa at kaanib ng Iyong Simbahan. Pagkalooban Mo nawa kami ng higit na pagpapahalaga sa dalawang kaloob na ito at ibayong pananabik na makatulong para sa kapakanan ng dalawang ito sa pamamagitan ng ulirang pagganap sa aming mga tungkulin sa Diyos at sa bayan. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon.

Amen!

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Instrumento ng karahasan

 21,588 total views

 21,588 total views Mga Kapanalig, may panibago na namang bahid sa imahe ng kapulisan. Hindi pa nga nila lubusang nalilinis ang kanilang hanay mula sa pagiging

Read More »

Mga tambakang punô ng panganib

 63,480 total views

 63,480 total views Mga Kapanalig, mahigit isang linggo na ang nakaraan ng simulang mabalot ng usok o haze ang ilang bahagi ng Metro Manila at Bulacan.

Read More »

Sabotahe sa Ayungin Shoal

 117,523 total views

 117,523 total views Mga Kapanalig, may namataan ang Philippine Navy nito lamang Marso na bangkang pangisda mula sa China na umaaligid sa Ayungin Shoal. Dito nakumpiska

Read More »

Sa loob ng 24 oras

 144,951 total views

 144,951 total views Mga Kapanalig, ano ang pwedeng mangyari sa loob ng 24 oras?  Kung paniniwalaan ang sinabi ng nagpakilalang bagman ni Vice President Sara Duterte,

Read More »

PRIEST’S IN CRISIS

 161,336 total views

 161,336 total views Mental health distress, ito ay nakakaalarma Kapanalig., hindi lang ito nararanasan ng mga kabataan, nararanasan natin ito mga Pilipino. Sa kasalukuyan, tumataas ang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Miyerkules, Abril 29, 2026

 1,386 total views

 1,386 total views Paggunita kay Santa Catalina de Siena, dalaga at pantas ng Simbahan Mga Gawa 12, 24 – 13, 5a Salmo 66, 2-3. 5. 6

Read More »

Martes, Abril 28, 2026

 1,386 total views

 1,386 total views Martes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Pedro Chanel, pari at martir o kaya Paggunita kay San Luis

Read More »

Lunes, Abril 27, 2026

 1,386 total views

 1,386 total views Lunes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (II) Mga Gawa 11, 1-18 Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4. Aking

Read More »

Linggo, Abril 26, 2026

 812 total views

 812 total views Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) Mga Gawa 2, 14a. 36-41 Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6 Pastol ko’y Panginoong

Read More »

Sabado, Abril 25, 2026

 812 total views

 812 total views Kapistahan ni San Marcos, Manunulat ng Mabuting Balita 1 Pedro 5, 5b-14 Salmo 88, 2-3. 6-7. 16-17 Pag-ibig mong walang maliw ay lagi

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top