Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Miyerkules, Marso 5, 2025

SHARE THE TRUTH

 6,043 total views

Miyerkules ng Abo

Joel 2, 12-18
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

2 Corinto 5, 20 – 6, 2
Mateo 6, 1-6. 16-18

Ash Wednesday (Violet)

UNANG PAGBASA
Joel 2, 12-18

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel

Sinasabi ngayon ng Panginoon:
“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,
kayo’y mag-ayuno, manangis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang tao lamang.”
Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,
mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako;
laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.
Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak.
Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion;
iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat,
tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon.

Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana,
manangis kayo’t manalangin nang ganito:
“Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon.
Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin,
‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.

IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 5, 20 – 6, 2

Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga Taga-Corinto

Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.

Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:

“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”

Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!

Ang Salita ng Diyos.

AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab

Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.

MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.

“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.

“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Miyerkules ng Abo

Sa pagsisimula natin ng Panahon ng Kuwaresma, alalahanin natin ang ating mga kapintasa’t pagkukulang, ang karahasan ng tukso, at ang pangangailangan natin sa tulong ng Diyos. Manalangin tayong:

Baguhin Mo ang aming puso, O Panginoon!

Upang ang Simbahan ay walang takot na manawagan sa lahat para sa pagbabalik-loob at mag-akay sa kanila sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat ng ating mga pinunong pang simbahan at pambayan ay magdulot ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob, kalinisan, at katapatan, malangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat ng mga magulang, guro, at katekista ay makapagpunla sa kabataan ng katapatan sa tungkulin na hatid ng layuning matuwid at marangal, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat ng nang-aapi sa kapwa sa pamamagitan ng kanilang kapusukan, kasakiman, at kalupitan ay magtigil na sa kanilang masasamang gawi at matutong gumalang at magmahal sa kanilang kapwa, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang lahat tayo’y magsimula sa Kuwaresmang ito nang buong kababaang-loob, nagsisisi sa ating mga kasalanan, at may kapasiyahang magbagong- buhay, manalangin tayo sa Panginoon!

Upang ang lahat ng pamilyang hindi nagkakasundo ay makatagpo ng lunas sa kanilang mga sugat sa
pamamagitan ng kapatawaran, pagtuklas sa yamang panloob na taglay ng bawa’t isa, sa kabila ng kanilang nagkakaibang pananaw, manalangin tayo!

Panginoong Diyos, sa Iyo’y dumudulog kaming nagsisisi sa aming mga kasalanan at tapat na naghahangad ng pagbabago sa puso at isipan. Nawa ang aming buhay ay tuwinang maging pagbibigay-puri sa Iyo. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Pagnanakaw sa kinabukasan ng kabataan

 4,401 total views

 4,401 total views Mga Kapanalig, sa Senate budget hearing noong nakaraang linggo, iniulat ni DPWH Secretary Vince Dizon na 22 silid-aralan lamang sa target na 1,700 ang

Read More »

Disenteng bilangguan

 15,681 total views

 15,681 total views Mga Kapanalig, inilarawan ni Independent Commission for Infrastructure (o ICI) Commissioner Rogelio Singson bilang “decent” o disente ang pasilidad kung saan dadalhin ang

Read More »

Shooting the messenger

 26,496 total views

 26,496 total views Mga Kapanalig, eksaktong isang linggo na ang nakalilipas nang barilin ng hindi pa rin nahahanap na suspek ang local broadcaster na si Noel

Read More »

The Big One

 57,102 total views

 57,102 total views Nakakatakot, nakaka-pangangambang isipin ang “The Big One” Kapanalig, aminado ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na hindi mapipigilan at mangyayari ang

Read More »

Makatotohanang Anti-Corruption Crusade

 69,278 total views

 69,278 total views Kapanalig, ang kredibilidad ng anumang anti-corruption crusade ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tulad ng binuong INDEPENDENT COMMISSION for INFRASTRUCTURE(ICI) ay nakasalalay

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 19,308 total views

 19,308 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 19,539 total views

 19,539 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 20,015 total views

 20,015 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 12,975 total views

 12,975 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 13,084 total views

 13,084 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top