Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

HUWEBES, HUNYO 1, 2023

SHARE THE TRUTH

 2,953 total views

Kapistahan ng Panginoong Hesukristo,
Walang Hanggang at Dakilang Pari (A)

Genesis 22, 9-18
o kaya Hebreo 10, 4-10
Salmo 39, 7-8a. 10-11ab. 17

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Mateo 26, 36-42

Feast of Our Lord Jesus Christ, The Eternal High Priest (White)

UNANG PAGBASA
Genesis 22, 9-18

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon: Pagsapit nila sa dakong itinuro ng Diyos, gumawa ng dambana si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac, matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ng Panginoon at mula sa langit ay sinabi: “Abraham! Abraham! Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Naipakita mo nang handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak.”

Paglingon niya’y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog kapalit ng kanyang anak. Ang lugar na iyo’y tinawag ni Abraham na, “Ang Panginoon ang Nagkaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao: “Sa bundok ng Panginoon ay may nakalaan.”

Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ng Panginoon. Wika nito, “Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo’y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat ikaw ay tumalima sa akin.” Binalikan ni Abraham ang kanyang mga alipin, at sama-sama silang umuwi sa Beer-seba.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya:
Hebreo 10, 4-10

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, sapagkat ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makapapawi ng mga kasalanan.
Dahil diyan, nang si Kristo’y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos,
“Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, kaya’t inihanda mo ang aking katawan upang maging hain.

Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan.
Kaya’t aking sinabi, ‘Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban’ —
Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.”

Sinabi muna niya, “Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan” – bagamat ito’y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya sinabi, “Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.” Inalis ng Diyos ang unang handog na pinalitan ng handog ni Kristo. At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Hesukristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili at iyo’y sapat na.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 39, 7-8a. 8b-9. 10-11ab. 17

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang mga panghandog, pati mga hain,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Ang pagliligtas mo’y ipinagsasabi,
di ko inilihim sa aking sarili;
pati pagtulong mo’t pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo’y isinisiwalat.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

Silang lumalapit sa iyo’y dulutan
ng ligaya’t galak na walang kapantay;
bayaang sabihing: “Ang Poon ay Dakila!”
ng nangaghahangad maligtas na kusa.

Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.

ALELUYA
Filipos 2, 8-9

Aleluya! Aleluya!
Masunuring Kristo Hesus
naghain ng buhay sa krus,
kaya’t dinakila ng D’yos
binigyan ng ngalang tampok
sa langit at sansinukob.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 26, 36-42

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, isinama sila ni Hesus sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Dito muna kayo; mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. At nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y tigib ng hapis na halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at makipagpuyat sa akin!” Pagkalayo nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin: “Ama ko, kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis ng paghihirap na ito. Gayunman, huwag ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang mangyari.”

Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magpuyat kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit mahina ang laman.”

Muli siyang lumayo at nanalangin: “Ama ko, kung hindi maiaalis ang kalis na ito nang hindi ko iinumin, mangyari ang iyong kalooban.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Kaunlarang may katarungan

 39,915 total views

 39,915 total views Mga Kapanalig, nagdiriwang ang mga vendors ng Baguio City Public Market matapos umatras ang SM Prime Holdings sa planong redevelopment ng pamilihan. Patunay

Read More »

Panalo para sa edukasyon?

 63,700 total views

 63,700 total views Mga Kapanalig, ngayong 2026, naglaan ang pamahalaan ng mahigit isang trilyong piso para sa Department of Education (o DepEd) at mga attached agencies

Read More »

Kasakiman at karahasan

 75,935 total views

 75,935 total views Mga Kapanalig, ilang araw pa lang nang salubungin ng buong mundo ang taóng 2026, binulaga ang lahat ng tinatawag na “large-scale strike” ng

Read More »

Lingkod-bayan, hindi idolo

 261,491 total views

 261,491 total views Mga Kapanalig, ano ang isasagot ninyo sa tanong na ito: maaari bang pakisabi kung gaano kalaki o kaliit ang inyong pagtitiwala kay Pangulong

Read More »

Bumaba naman ang mga nasa itaas

 291,360 total views

 291,360 total views Mga Kapanalig, sinasabi sa Mga Kawikaan 15:1: “Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit, ngunit sa tugóng marahas, poot ay hindi mawawaglit.” Ipinahihiwatig

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Martes, Setyembre 30, 2025

 74,671 total views

 74,671 total views Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan Zacarias 8, 20-23 Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7 Ang ating Panginoong D’yos ay kapiling

Read More »

Lunes, Setyembre 29, 2025

 74,902 total views

 74,902 total views Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael Daniel 7, 9-10. 13-14 o kaya Pahayag 12, 7-12a Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5

Read More »

Linggo, Setyembre 28, 2025

 75,452 total views

 75,452 total views Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) Amos 6, 1a. 4-7 Salmo 145, 7. 8-9a. 9bk-10 Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang Panginoong butihin.

Read More »

Sabado, Setyembre 27, 2025

 56,326 total views

 56,326 total views Paggunita kay San Vicente de Paul, pari Zacarias 2, 5-9. 14-15a Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13 Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

Read More »

Biyernes, Setyembre 26, 2025

 56,435 total views

 56,435 total views Biyernes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Cosme at San Damian, mga martir Ageo 1, 15b – 2,

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top