LUNES, DISYEMBRE 25, 2023

SHARE THE TRUTH

 8,470 total reads

Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Pagmimisa sa Hatinggabi)

Isaias 9, 1-6
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 11-12, 13

Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.

Tito 2, 11-14
Lucas 2, 1-14

The Nativity of the Lord (Christmas)
Mass During the Midnight (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 9, 1-6

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Nakatanaw ng isang malaking liwanag
ang bayang malaon nang nasa kadiliman,
namanaag na ang liwanag
sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan,
tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan
tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian.
Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma,
ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin.
Sapagkat ipinanganak para sa atin ang isang sanggol na lalaki.
Ibinigay ang isang anak sa atin
at siya ang mamamahala sa atin.
Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos,
walang hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Malawak na kapangyarihan at walang hanggang kapayapaan
ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari
upang matatag ito at papanatilihin
sa katarungan at katwiran
ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ng Makapangyarihang Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 11-12, 13

Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
ang Poon ay papurihan nitong lahat sa daigdig!

Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.

Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.

Lupa’t langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.

Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.

Ang Poon ay pupurihin, pagkat siya ay daratal,
paririto sa daigdig, upang lahat ay hatulan.
Tapat siya kung humatol at lahat ay pantay-pantay.

Sa ati’y sumilang ngayon
Manunubos, Kristong Poon.

IKALAWANG PAGBASA
Tito 2, 11-14

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Tito

Pinagkamamahal kong kapatid:
Inihayag ng Diyos ang kanyang kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang siyang umaakay sa atin upang talikdan ang likong pamumuhay at damdaming makalaman. Kaya’t makapamumuhay tayo ngayon nang maayos, matuwid at karapat-dapat sa Diyos samantalang hinihintay natin ang ating inaasahan – ang dakilang Araw ng paghahayag sa ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Hesukristo sa gitna ng kanyang kaningningan. Ibinigay niya ang kanyang sarili upang iligtas tayo sa lahat ng kalikuan at linisin para maging kanyang bayan na nakatalagang gumawa ng mabuti.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 2, 10-11

Aleluya! Aleluya!
Ito’y Balitang masaya
Manunubos sumilang na
sa ati’y Kristo, Poon s’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 2, 1-14

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, iniutos ng Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang pagpapatalang ito’y ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya’t umuwi ang bawat isa sa sariling bayan upang magpatala.

Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose’y pumunta sa Betlehem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa angkan at lahi ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na noo’y kagampan. Samantalang naroroon sila, dumating ang oras ng panganganak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Sa lupain ding yaon ay may mga pastol na nasa parang, nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang lumitaw sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at lumaganap sa paligid nila ang nakasisilaw na kaningningan ng Panginoon. Natakot sila nang gayun na lamang, ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon. Ito ang palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban.”

Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan, na nagpupuri sa Diyos:
“Papuri sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Sa Banal na Gabing ito, sa paggunita natin sa kapanganakan ng Tagapagligtas ng sanlibutan, ipanalangin natin ang mga pangangailangan natin at ng buong sangkatauhan. Manalangin tayo:

Panginoon, Ikaw ang aming Ilaw!

Para sa buong pamayanan ng mga mananampalatayang nag- diriwang sa pagsilang ni Hesus: Nawa’y maghari ang kapayapaan ng gabing ito sa kanilang buong buhay. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa at lahat ng mga pinunong espiritwal sa buong daigdig: Nawa’y mapag-buklod ng kanilang pamumuno sa ngalan ng Diyos, ang lahat ng tao sa tapat na pagtutulungan at pagkakaisa. Manalangin tayo!

Para sa mga bansa at grupong nasa gitna ng digmaan: Nawa’y sa kanyang pagsilang, akayin sila ni Hesus tungo sa pagwawakas sa mga pahirap ng digmaan. Manalangin tayo!

Para sa ating pamilya at lahat ng iba pang pamilya sa ating parokya: Tayo nawa’y maging laging handang tumulong, magpatawad, at magmahal sa isa’t isa. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng may malubha at permanenteng kapansanan: maging sentro nawa sila ng atensyon at kalinga ng buong daigdig at maitayo nawa ang mga institusyong nakalaan sa pagtulong sa kanila. Manalangin tayo!

Salamat, Ama, sa pagkakaloob Mo kay Hesus sa amin. Pahalagahan nawa namin, tulad ni Mariang Kabanal-banalan, ang kanyang pagparito. Isinasamo namin ito sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon at Tagapagligtas. Amen!


Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Pagmimisa sa Bukang-liwayway)

Isaias 62, 11-12
Salmo 96, 1 at 6. 11-12

Sumilang ang Panginoon,
liwanag sa atin ngayon.

Tito 3, 4-7
Lucas 2, 15-20

The Nativity of the Lord (Christmas)
Mass at Dawn (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 62, 11-12

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sa buong daigdig, ipinasabi ng Panginoon:
“Ibalita sa mga taga-Jerusalem,
na darating ang Panginoon para sila ay iligtas.
Kasama niya ang lahat ng kanyang iniligtas.”
Ika’y tatawaging “Bayang Banal ng Diyos,”
‘Bayang iniligtas ng Panginoon.’
Ang Jerusalem ay tatawaging
“Lungsod na mahal ng Diyos,”
“Lungsod na Hindi Itinakwil ng Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1 at 6. 11-12

Sumilang ang Panginoon,
liwanag sa atin ngayon.

Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Sumilang ang Panginoon,
liwanag sa atin ngayon.

Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan.
Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong,
sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon;
ang ginawa niyang ito’y dapat nating gunitain,
at sa Poon ay iukol ang papuring walang maliw!

Sumilang ang Panginoon,
liwanag sa atin ngayon.

IKALAWANG PAGBASA
Tito 3, 4-7

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Tito

Pinakamamahal kong kapatid:
Noong mahayag ang kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, tayo’y iniligtas niya. Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Naligtas tayo at ipinanganak na muli sa Espiritu Santo na siyang luminis at nagbigay ng bagong buhay sa atin. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo, ibinubuhos sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo upang tayo’y pabanalin ng kanyang pag-ibig at kamtan natin ang buhay na ating inaasahan.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Lucas 2, 14

Aleluya! Aleluya!
Purihin sa kalangitan
D’yos na kataas-taasan,
sa ati’y kapayapaan!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 2, 15-20

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong makaalis na ang mga anghel, pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Betlehem! Tingnan natin itong ibinalita sa atin ng Panginoon.” At nagmamadali silang lumakad, at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Kaya’t isinaysay nila ang mga sinabi ng anghel tungkol sa sanggol na ito; at nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita na ayon sa ibinalita sa kanila ng anghel.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Nagagalak ang ating mga puso ngayong Araw ng Pasko habang ginugunita natin ang Kapan-ganakan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesukristo. Buong pananalig nating ipabatid sa Diyos Ama, na nagbigay sa atin ng Kanyang Bugtong na Anak, ang ating mga kahilingan:

Amang mapagmahal manatili ka sa aming piling!

Para sa Simbahang tahanan ng lahat ng mananampalataya: Nawa’y magtamo siya ng kapayapaan at lumagong sagana ang kabanalan sa lahat ng kanyang mga kasapi. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, ating Obispo, mga pari sa ating parokya, at sa lahat ng mga tumutulong sa kanila: Nawa’y magdulot ang araw na ito ng kaligayahan sa kanilang mga puso at ng kinakailangang lakas sa paglilingkod sa Diyos. Manalangin tayo!

Para sa mga namumuno sa bayan at lahat ng may hawak ng kapalaran ng napakaraming tao: Nawa’y patnubayan silang lagi ng kapayapaan, pagkakapatiran, at pakikipagkasundong dulot ng Pasko sa kanilang mga pagpapa- siya. Manalangin tayo!

Para sa mga maysakit, matatanda, walang trabaho o tahanan, at lahat ng tila napapabayaan ng lipunan: Nawa’y malasap nila ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaisa at kabukasang-palad ng lahat ng mananampalataya. Manalangin tayo!

Para sa ating mga mag-anak, lalo na ang may mahigpit ngayong pinagdaraanan: Nawa’y makatulong ang diwa ng Pasko upang matuklasan nilang muli ang ugat ng kanilang pag-ibig at tulutan silang makaraos sa lahat nilang kahirapan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng may malubha at permanenteng kapansanan: nawa’y gaming sentro sila ng atenshon at kalinga ng lipunan at maitatag ang mga institusyong nakalaan sa kanilang kapakanan. Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, bukal ng aming kagalakan at kaligtasan, Ikaw ang dahilan ng aming pag-asa. Magdulot nawa ang Paskong ito sa aming mga puso ng pang-matagalang galak at kapayapaan hanggang sa ipagdiwang namin ito sa langit. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen!


Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
(Pagmimisa sa Araw)

Isaias 52, 7-10
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Hebreo 1, 1-6
Juan 1, 1-18
o kaya Juan 1, 1-5. 9-14

The Nativity of the Lord (Christmas)
Mass During the Day (White)

UNANG PAGBASA
Isaias 52, 7-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Magmula sa bundok, O kay gandang masdan
ng sugong dumarating upang ipahayag
ang magandang balita ng kapayapaan.
Ipapahayag niya ang tagumpay
at sasabihin:
“Sion, ang Diyos mo ay hari.”
Narito! Sisigaw ang nagbabantay,
dahilan sa galak, sama-sama silang aawit;
makikita nila ang Panginoon sa Sion ay babalik,
Magsiawit kayo, mga guhong muog nitong Jerusalem;
pagkat ang hinirang ng Diyos na Panginoon
ay kanyang inaliw,
tinubos na niya itong Jerusalem.
Sa lahat ng bansa,
ang kamay ng Poon na tanda ng lakas
ay makikita ng mga nilalang, at ang pagliligtas
nitong ating Diyos tiyak na mahahayag.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

IKALAWANG PAGBASA
Hebreo 1, 1-6

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon, siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sansinukob at siya ang itinalaga niyang magmay-ari ng lahat ng bagay. Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos, sapagkat kung ano ang Diyos ay gayun din ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya’y lumuklok sa kanan ng Diyos, ang makapangyarihan sa lahat.

At kung paanong higit na di-hamak ang pangalang ibinigay ng Diyos sa Anak, gayun din, siya’y higit na di-hamak sa mga anghel. Sapagkat hindi kailanman sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,

“Ikaw ang aking Anak!
Ako ang iyong Ama.”
Ni hindi rin niya sinabi sa kaninuman sa mga anghel,
“Ako’y magiging kanyang Ama,
at siya’y magiging Anak ko.”
At nang susuguin na ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Banal na araw sumikat
halina’t sumambang lahat
sa nanaog na liwanag.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 1, 1-18

Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman.

Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. Ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa lahat ng tao ay dumarating sa sanlibutan.

Nasa sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan. Ngunit ang lahat ng tumanggap at nanalig sa kanya ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak ng Diyos. Sila nga’y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos.

Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan. Tinanggap niya mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong na Anak.

Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. At ganito ang kanyang sigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang darating na kasunod ko’y higit sa akin, sapagkat siya’y siya na bago pa ako ipanganak.’”

Dahil sa siya’y puspos ng pag-ibig, tayong lahat ay tumanggap mula sa kanya ng abut-abot na kaloob. Sapagkat ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises ngunit ang pag-ibig at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Hesukristo. Kailanma’y walang nakakita sa Diyos, subalit ipinakilala siyang bugtong na Anak – siya’y Diyos – na lubos na minamahal ng Ama.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya: Maikling Pagbasa
Juan 1, 1-5. 9-14

Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman.

Ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa lahat ng tao ay dumarating sa sanlibutan.

Nasa sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan. Ngunit ang lahat ng tumanggap at nanalig sa kanya ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak ng Diyos. Sila nga’y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos.

Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan. Tinanggap niya mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong na Anak.

PANALANGIN NG BAYAN

Nagagalak ang ating mga puso ngayong Araw ng Pasko habang ginugunita natin ang Kapan-ganakan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesukristo. Buong pananalig nating ipabatid sa Diyos Ama, na nagbigay sa atin ng Kanyang Bugtong na Anak, ang ating mga kahilingan:

Amang mapagmahal manatili ka sa aming piling!

Para sa Simbahang tahanan ng lahat ng mananampalataya: Nawa’y magtamo siya ng kapayapaan at lumagong sagana ang kabanalan sa lahat ng kanyang mga kasapi. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, ating Obispo, mga pari sa ating parokya, at sa lahat ng mga tumutulong sa kanila: Nawa’y magdulot ang araw na ito ng kaligayahan sa kanilang mga puso at ng kinakailangang lakas sa paglilingkod sa Diyos. Manalangin tayo!

Para sa mga namumuno sa bayan at lahat ng may hawak ng kapalaran ng napakaraming tao: Nawa’y patnubayan silang lagi ng kapayapaan, pagkakapatiran, at pakikipagkasundong dulot ng Pasko sa kanilang mga pagpapa- siya. Manalangin tayo!

Para sa mga maysakit, matatanda, walang trabaho o tahanan, at lahat ng tila napapabayaan ng lipunan: Nawa’y malasap nila ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakaisa at kabukasang-palad ng lahat ng mananampalataya. Manalangin tayo!

Para sa ating mga mag-anak, lalo na ang may mahigpit ngayong pinagdaraanan: Nawa’y makatulong ang diwa ng Pasko upang matuklasan nilang muli ang ugat ng kanilang pag-ibig at tulutan silang makaraos sa lahat nilang kahirapan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng may malubha at permanenteng kapansanan: nawa’y gaming sentro sila ng atenshon at kalinga ng lipunan at maitatag ang mga institusyong nakalaan sa kanilang kapakanan. Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, bukal ng aming kagalakan at kaligtasan, Ikaw ang dahilan ng aming pag-asa. Magdulot nawa ang Paskong ito sa aming mga puso ng pang-matagalang galak at kapayapaan hanggang sa ipagdiwang namin ito sa langit. Isinasamo namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen!

THE LOST LESSONS

 81,184 total reads

Kapanalig, A Nation That Fails to Educate Its Children Risks Its Future

Madalas sinasabi, ang edukasyon ang pundasyon ng kinabukasan ng isang bansa. Ika nga ng pinuno ng Caritas Manila, “education is great equalizer”.

Ngunit, papaano kung ang mismong pundasyon na siyang magtatakda ng nation’s future ay dahan-dahang bumabagsak?

Kapanalig, ang Pilipinas ay patuloy na nahaharap sa seryosong krisis pang-edukasyon, hindi lamang ito banta at balakid sa kinabukasan ng milyun-milyong mga mag-aaral na Pilipino kundi sa misyong social at economic development ng bansa.

Dahil sa korapsyon, siksikang mga silid-alaran, kulang-kulang na learning materials, sagad sa trabahong mga guro, patuloy na pagbaba ng academic performance…mababanaag natin ang masakit na katotohanan., milyun-milyong mga mag-aaral ang pumapasok sa paaralan., ngunit marami sa kanila ang hindi nakakatanggap na kuwalidad ng edukasyon na nararapat para sa kanila.

Sinasabi ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), umaabot sa 49-porsiyento ng mga mag-aaral ay hindi nakakapagbasa sa inaasahan nilang grade level na Grade 3 noong school year 2024-2025.

Ang lalong nakakaalarma Kapanalig: 0.40-percent lamang ng mga estudyante ay nakakaabot ng kanilang profiency sa Grade 12.

Inilalantad ng findings ang nakakabahalang agwat sa pagitan ng pagpasok sa eskuwelahan at natutuhan.

Ang dahilan ng krisis: kakulangan sa sapat na school facilities. Maraming pampublikong paaralan ay nagkakasya sa siksikang silid-aralan, kulang na mga upuan, outdated na mga libro, limitadong learning resources. Noong July 2026, nasa 166,000 ang backlog sa mga silid-aralan sa buong Pilipinas. Ang nakakalungkot, bukod sa kakulangan ng kasanayan sa pagtuturo, ang mga guro ay ‘multi-tasking”.

Kapanalig sa lahat ng krisis na nararanasan sa bansa ay dulot ng kahirapan. Hindi pantay ang oportunidad, paano ka matuto kung ilang kilometro ang lalakarin mo bago makarating sa paaralan, kumakalam ang sikmura, walang access sa learning resources at kailangan pang magbanat ng buto pagkatapos ng klase upang masuportahan ang hapag-kainan. Kapanalig, sa mga mahihirap, hindi fundamental right ang edukasyon., napaka-layong maabot.

Nakasaad sa ARTICLE XIV, Section 1- “The State shall protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels and shall take appropriate steps to make such education accessible to all.”

Sa harap ng reyalidad na ito? Nasaan ang gobyerno? Ano ang ginagawa ng mga opisyal ng pamahalaan? Nasaan ang Kongreso? Nasaan ang pangulo ng Pilipinas? Ano ang ginagawa sa bilyun-bilyong pisong pondo kada taon sa Kagawarang Pang-Edukasyon?

Kapanalig, sinasabing “A country cannot build a brighter future by leaving its children behind.”

Kapanalig, sinasabi ng Deuteronomy 6:6-7, “These words I am commanding you today are to be upon your hearts. And you shall teach them diligently to your children and speak of them when you sit at home and when you walk along the road, when you lie down and when you get up”.

Sumainyo ang Katotohanan.

NAKAHANDA BA TAYO WHEN NATURE STRIKES

 131,547 total reads

Kapanalig, ang climate change ay hindi na isang banta. Ito ay kumakatok na sa ating mga pintuan, binabaha ang ating tahanan, sinisira ang ating kinabukasan at naglalagay sa panganib sa ating mga buhay.

Bawat taon, nahaharap ang iba’t-ibang komunidad sa malalakas na bagyo, mapinsalang baha, pagguho ng lupa, matinding init ng panahon at matagal na tagtuyot.

Sa kabila ng paulit-ulit na nararanasang trahedya, ang mahalagang katanungan: Sapat ba pa ang ating paghahanda sa maaring tumamang kalamidad?

Ang nakakaalarma Kapanalig, tayo mismo ang tatamaan ng pinsala dahil sa ating kapabayaan. Tayo ang may kasalanan sa hindi tamang waste disposal, laganap ang illegal logging, walang habas na pagmimina sa mga kabundukan, irresponsible development tulad ng PAX Silica at walang pakundangang pagsira sa ating natural na ecosystems.

Mayroon ba tayong ginagawa? May ginagawa ba ang ating gobyerno?

Kapanalig ang disaster preparedness ay hindi dapat ginagawa kapag papalapit na ang bagyo. Nararapat ang ating pamahalaan ay mamuhunan sa matatag na infrastructure, epektibong drainage system, epektibong early warning mechanism, madaling ma-access na evacuation centers, at kumpleto sa kagamitan ang response team.

Pero, ang tanong: Prayoridad ba ng ating mga lider ang pagtugon sa climate crisis? Para sa kanila, sayang lang ang pondo, mas maiging maibulsa muna.

Kapanalig, ang pinakamasaklap na tragedya ay hind isa pananalasa ng kalamidad… kundi sa pagkawala ng inosenteng buhay, dahil sa ating kabiguang maghanda sa kalamidad na alam natin kung kailan mangyayari.

Sa Laudato Si ni Pope Francis: Iginigiit sa mga lider ng bansa at mamamayan ang una: Response to the Cry of the Earth tulad ng paggamit ng malinis na renewable energy at pagbabawas sa paggamit ng fossil fuels; Pangalawa- Response to the Cry of the Poor, Pangatlo: Ecological Economics, sapat na produksyon,patas na kalakalan, ethical na pamumuhunan at iwasan ang mapinsalang economic activity.

Pang-apat: Adoption of Simple Lifestyles, payak na pamumuhay at iwasan ang labis-labis na paggamit ng resources at enerhiya gayundin ang pagbabawas sa pagkain ng karne.

Panglima: Ecological Education, pagre-design sa educational curricula at educational institution reform sa diwa ng integral ecology at ecological vocation ng bawat mamayan.

Pang-anim: Ecological Spirituality,isabuhay ang pagiging mabuting katiwala ng sangnilikha at pangpito:
Community involvement.

Ganito dapat ang mindset nating mga Pilipino, lalu ng mga lider ng bansa sa halip na maging ganid sa pera ng taumbayan.

Sumainyo ang Katotohanan.

NO REGRETS

 18,659 total reads

Gospel Reading for November 19, 2026 – Luke 9: 41-44

NO REGRETS

As Jesus drew near Jerusalem, he saw the city and wept over it, saying, “If this day you only knew what makes for peace– but now it is hidden from your eyes. For the days are coming upon you when your enemies will raise a palisade against you; they will encircle you and hem you in on all sides. They will smash you to the ground and your children within you, and they will not leave one stone upon another within you because you did not recognize the time of your visitation.”

————

Due to the Jewish insurgency against the Romans, which started in 66 CE, Jerusalem was besieged by Roman soldiers under the command of Titus in 70 CE. The Second Temple was destroyed, and large numbers of residents died from combat, disease, and starvation. Many survivors were enslaved or executed, while the treasures of the Temple were paraded in Rome.

Biblical scholars believe that this was the event Jesus was referring to. He wept because he knew the suffering and death it would bring to his countrymen. He did not think that the Jews deserved such a fate, even though he himself would also experience suffering and death at their hands. He simply regretted that they had not listened to him and understood the importance of spiritual life above governments and politics.

When we listen and follow God’s Word, there will be NO REGRETS.

Lord Jesus, may godly matters always be the priority in our lives. Amen.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

THE LOST LESSONS

 81,186 total reads

 81,186 total reads Kapanalig, A Nation That Fails to Educate Its Children Risks Its Future Madalas sinasabi, ang edukasyon ang pundasyon ng kinabukasan ng isang bansa.

Read More »

NAKAHANDA BA TAYO WHEN NATURE STRIKES

 131,549 total reads

 131,549 total reads Kapanalig, ang climate change ay hindi na isang banta. Ito ay kumakatok na sa ating mga pintuan, binabaha ang ating tahanan, sinisira ang

Read More »

Special treatment?

 261,091 total reads

 261,091 total reads Mga Kapanalig, isa si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa mga sinasabing pangunahing personalidad na sangkot sa flood control scandal

Read More »

Bayan bago banyaga

 346,476 total reads

 346,476 total reads Mga Kapanalig, nagsimula na ang 49th ASEAN Summit sa Pilipinas. Malinis na mga kalsada, maayos na paligid, at maaliwalas na tanawin ang sumalubong

Read More »

Magparehistro na para makaboto sa 2028!

 406,040 total reads

 406,040 total reads Mga Kapanalig, pwede nang magparehistro ang mga botante para sa 2028 national at local elections hanggang sa ika-30 ng Hulyo, 2027. Maaaring magparehistro

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Huwebes, Nobyembre 5, 2026

 34,176 total reads

 34,176 total reads Huwebes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Filipos 3, 3-8a Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7 Ang may pusong tapat sa D’yos ay

Read More »

Miyerkules, Nobyembre 4, 2026

 36,697 total reads

 36,697 total reads Paggunita kay San Carlos Borromeo, obispo Filipos 2, 12-18 Salmo 26, 1. 4. 13-14 Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan. Lucas 14, 25-33

Read More »

Martes, Nobyembre 3, 2026

 38,782 total reads

 38,782 total reads Martes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Martin de Porres, namanata sa Diyos Filipos 2, 5-11 Salmo

Read More »

Lunes, Nobyembre 2, 2026

 37,301 total reads

 37,301 total reads Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano Mga Pagbasa para sa Unang Misa 2 Macabeo 12, 43-46 Salmo 103, 8 at 10.

Read More »

Linggo, Nobyembre 1, 2026

 38,401 total reads

 38,401 total reads Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal Pahayag 7, 2-4. 9-14 Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6 Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top