203,189 total views
Mga Kapanalig, pundasyon ng demokrasya ang free press o malayang pamamahayag. Napakahalaga ng papel ng malayang pamamahayag bilang mata, tainga, at boses ng mga mamamayan, lalo na ng mga isinasantabi sa lipunan.
Mismong si Pope Leo XIV ay nagsabing tuwing may journalist o mamamahayag na pinatatahimik, humihina ang demokrasya ng isang bansa. Aniya, ang malayang pamamahayag ay isang common good o kabutihang panlahat. Kaya ang boses ng mga mamamahayag ay hindi dapat busalan ng pansariling interes o takot sa katotohanan.
Ayon sa ranking ng 2025 World Press Freedom Index, ang Pilipinas ay pang-116 sa 180 na bansa. Ibig sabihin nito, mas malala ang kalagayan ng press freedom natin kaysa higit sa kalahati ng mga bansa sa mundo. Bagamat tumaas ang puwesto natin mula sa pang-134 noong 2024, nanganganib pa rin ang press freedom sa ating bansa, ayon sa Reporters Without Borders. Galing ang panganib na ito sa mga banta ng red-tagging, panggigipit o harassment, at pagpatay sa mga naghahatid ng balita.
Isa sa kanila si Frenchie Mae Cumpio, ang natatanging mamamahayag sa bansa na kasalukuyang nakakulong. Kilala si Cumpio bilang isang community journalist mula sa Leyte na nag-iimbestiga at nagbabalita tungkol sa mga isyu ng pangangamkam ng lupa, pagpatay sa mga magsasaka, at pang-aabuso ng militar at pulis sa Eastern Visayas.
Noong nakaraang buwan, matapos ang halos anim na taóng pagkakakulong habang naghihintay ng paglilitis, inabsuwelto sa kasong illegal possession of firearms, ammunition, and explosives si Cumpio at ang lay worker na si Marielle Domequil. Pero hinatulan naman sila ng Regional Trial Court sa Tacloban City ng financing terrorism na may sentensyang 12 hanggang 18 na taon. Ayon sa korte, nagkasala umano ang dalawa dahil nagbibigay sila ng suportang pinansyal sa New People’s Army.
Ayon naman sa imbestigasyon ng Reporters Without Borders, nagdesisyon ang korte base lamang sa testimonya ng mga saksing protektado ng militar. Ginamit na rin ang mga saksi para tumestigo sa ibang human rights cases na inihain ng militar laban sa mga sibilyan. Sina Cumpio at Domequil ay kabilang sa tinaguriang “Tacloban 5”, kasama ang tatlo pang human rights advocates na inaresto noong 2020.
Ayon sa National Union of Peoples’ Lawyers (o NUPL), paulit-ulit na ang mga kasong financing terrorism na hindi nakabatay sa financial transactions bilang ebidensya. Sa halip, madalas itong nakasalalay lang sa testimonya ng mga ‘di-umano’y rebeldeng sumuko sa militar. Pahayag pa ng NUPL, humihina ang due process kapag labis na nakabase ang mga desisyon ng korte sa testimonial evidence, lalo na kapag mula sa mga saksing may tinatanggap na insentibo.
Banta sa press freedom at demokrasya ang hatol kay Cumpio. Ang karahasang dinaranas ng mga mamamahayag ay nagkakaroon ng chilling effect. Ibig sabihin, nagkakaroon ng self-censorship o iniiwasan nila ang mga sensitibo at pulitikal na isyu dahil sa takot. Sa pahayag pa ng Movement for Media Safety Philippines, ang kaso ni Cumpio ay senyales na ang pagbabalita tungkol sa militarisasyon, mga nakapipinsalang development projects, at kalagayan ng mga isinasantabing komunidad ay kinukonsiderang terorismo.
Paalala sa Mga Kawikaan 12:17, “sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan, ngunit ang pagsisinungaling ay lumilikha ng kapahamakan.” Lumang tugtugin na ang pagsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga nagsisiwalat ng katotohanan at nagtatanggol sa karapatan ng mga isinasantabi at inaapi. Huwag nating hayaang magpatuloy ito. Wika nga ng Santo Papa, nakikiisa ang Simbahan sa mga mamamahayag na nakakulong dahil sa paghahayag nila ng katotohanan. Kaisa ang Simbahan sa pagtatanggol sa dignidad, katarungan, at karapatan ng mga taong malaman ang totoo. Hindi terorismo ang pamamahayag.
Kaya ang panawagan natin, mga Kapanalig: palayain ang mga ibinilanggong mamamahayag! Ipagtanggol ang malayang pamamahayag!
Sumainyo ang katotohanan.






