2,668 total views
Mga Kapanalig, dahil sa paglaganap ng social media, marami ang naeengganyong maging content creators.
Kung anu-ano na nga ang nilalaman ng mga video nila sa internet—may nakakatawa, may nakadudurog ng puso, at may nakakaaliw. Sikat ang mga vlog kung saan namamasyal o kumakain ang content creator kasama ang pamilya. Kahit ang araw-araw nilang buhay—mula paggising hanggang sa pagtulog—napapanood na ng publiko. Meron din namang ginagamit ang kanilang social media channel para sa online selling. Sa lahat ng ito, kumikita ang mga content creators.
Sa social media na rin kumukuha ng balita at impormasyon ang mga tao ngayon. Unti-unti na ngang bumababa ang bilang ng mga nanonood ng balita sa TV; kung nanonood man sila, online content ang pinipili nila. Lumalakas na nga ang impluwensya ng mga vloggers na tumatalakay sa pulitika at iba pang isyu sa bansa. Gumagamit sila ng lenggwaheng madaling maintindihan ng mga nanonood. Maikli lang ang kanilang content kaya hindi nababagot ang audience nila. Ipinipresenta nila ang ang kanilang sarili bilang alternatibong mapagkukunan ng impormasyon at opinyon dahil biased o may kinikilingan daw ang mga mamamahayag na bahagi ng tradisyunal na media.
Pero sa nangyaring gulo sa Senado dalawang linggo na ang nakalilipas, makikita natin ang kaibahan ng mga iresponsableng content creators sa mga propesyunal na mamamahayag. Ang mga inilalarawan ng ilang content creators na biased ay ang mga mamamahayag na nanatili sa gusali ng Senado para tutukan ang mga pangyayari. Bagamat may kasabihan ang mga mamamahayag na “no story is worth dying for”, nanindigan silang magsilbing mata ng taumbayan sa pagpapalit ng liderato sa Senado, sa pagtatago ng mga mambabatas sa isang pugante, at sa barilang naglagay sa buhay ng marami.
Hindi sila umalis. Nagtanong sila. Inalam nila ang mga bagay-bagay. Live nilang iniulat ang mga nagaganap mula nang magsimula ang gulo hanggang sa humupa ito. Inilantad ng mga mamamahayag at ng kanilang mga kasamang cameramen at assistant ang mga kuhang patutunayan—o pabubulaanan—ang mga sinasabi ng mga senador na nagpatakas sa kasamahan nilang tinatakbuhan ang batas.
Nalagay sa panganib ang buhay ng mga mamamahayag sa araw na iyon sa Senado, at ito ang hindi kayang gawin ng mga tumatalakay ng balita at nagbibigay ng kanilang kuru-kuro “for the content,” ‘ika nga. Ang mga tunay na mamamahayag ay nasa mismong sentro ng aksyon—inaalam ang lahat ng punto, kinikilatis ang mga salitang naririnig nila, at kumakalap ng tamang datos at impormasyon. Ang ilang content creators naman, pagpapakalat ng fake news ang inaatupag—walang pagtatangkang suportahan ang kanilang mga sinasabi gamit ang tamang datos at impormasyon. Katotohanan ang hinahanap ng mga lehitimong mamamahayag; intriga at makikitid na agenda naman ang pinalalaganap ng mga iresponsableng content creators. Misyon ang ginagawa ng mga totoong mamamahayag; pagkita lamang mula sa online engagement ang habol ng mga content creators.
Mataas ang pagpapahalaga ng ating Simbahan sa mga propesyunal sa larangan ng media na piniling gawin misyon sa buhay ang paghahatid ng katotohanan sa mga tao. Dagdag pa nga ni Pope Leo XIV, ang serbisyong ginagawa ng mga mamamahayag ay nakasalalay sa kahusayan, katapangan, at pagkiling sa tama at totoo. Sa panahong laganap ang misinformation at disinformation, malaki ang papel ng media sa paghubog ng ating konsensya. Hindi man perpekto ang media sa Pilipinas, kaya pa rin itong panagutin ng taumbayan sa mga pamantayan ng integridad at propesyunalismo.
Mga Kapanalig, saludo tayo sa mga kawani ng media na matapang na sinubaybayan ang mga nakahihiyang pangyayari sa Senado kamakailan. Patuloy sana nilang maging gabay ang mga salitang ito sa Exodo 23:1: “Huwag kayong gagawa ng anumang pahayag na walang katotohanan.”
Sumainyo ang katotohanan.






