811 total views
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-6 ng Abril 2026

Mula sa Ebanghelyo ni San Mateo noong Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, ating napakinggan pananalita ng anghel kina Maria Magdalena at ang isa pang Maria na kasama niya, "Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito..."
Ngunit kagabi pa man ako ay natatakot na sapagkat sa mga marami kong nakita sa social media, tila wala na nga si Jesus rito... mula pa man noong visita iglesia, sa pagpuprusisyon noong Biyernes Santo hanggang sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay:
Wala na nga si Jesus rito dahil hindi lamang natin siya muling ipinako at pinatay sa krus kungdi tinabunan ng ating kapalaluan at kaartehan sa pagdiriwang ng mga Mahal na Araw.
Hindi masama pagandahin at pagbutihin altar ng repositoryo sa visita iglesia ng Huwebes Santo ngunit nasaan si Kristo na dinadalaw at sinasamahan sa pananalangin sa gitna ng kadiliman kung ang nakapupukaw pansin sa mga tao ay ang gayak at mga palamuti na di na natin alintana pagkakahati-hati at pagkakawatak-watak nating mga alagad tulad noong dakpin si Jesus dahil naging paligsahan saan mas maganda ang visita iglesia nawala na nilalayong mailapit ang tao sa Diyos at kapwa gaya ng panalangin noon ni Jesus sa Getsemani, "ut unum sint."
Sakit ito sa maraming simbahan lalo na sa Bulacan na marahil siyang ginaya ng mga korap sa DPWH na kahit buo ang simbahan, gigibain upang pagandahin, punuin ng kanya-kanyang monumento at alaala ng kura kaya wala na ring kalagyan maging ang Diyos sa kanyang tahanan, hindi siya maramdaman daig pa ng walang hanggang mga sobre na ayaw nang lagyan ng laman dahil puro iyon na lang ang tunay na nadarama at iniinda ng mga nagsisimba.
Tapos na mga pagdiriwang ng mga Mahal na Araw ngunit mahalagang pag-usapan at liwanagin ngayon pa lamang mga kalabisan tuwing Huwebes Santo at Biyernes Santo dahil palala nang palala mga ito, tumatanda tayo ng paurong hindi pasulong kaya hanggang ngayon lugmok ating bansa sa kabulukan sa kabila ng maraming mananampalatayang Kristiyano na hindi naman nakita pa si Kristo.
Nakakahiya at nakakasuka kung bakit pinayagan ng ilang pari at obispo pumasok kamalayan ng turismo at pagkakakitaan sa mga pagdiriwang sa simbahan; nasaan mga dalubhasa sa pagtuturo ng liturhiya higit sa lahat ng katesismo na siyang layunin ng mga prusisyon lalo na kung Biyernes Santo? Hindi mo na malaman kung deboto o debobo mga camarero at mga tao sumusunod sa mga karo na pagkakatayog-tayog pilit inaabot mga kawad ng kuryente at telepono na tila baga walang ibang hilig kungdi ang "like" sa social media; walang maramdamang rubdob ng pagkakabighani o "mysterium fascinans" sa pagdaraan ng prusisyon dahil wala nang taglay na ibayong hiwaga ng kabanalan - ang "mysterium tremendum" - bagkus sa halip ay katatawanan, pagtataka at pagkalito hatid ng mga kung anu-anong pinapakita sa karo kaya hindi kataka-taka balang araw bumaba muli isang anghel at sabihin sa mga prusisyon "wala na Siya rito."
Wala na nga si Jesus sa prusisyon dahil kanyang mga alagad ngayon hindi lamang inaantok kungdi tinatamad magdasal kaya nagsasapawan hindi na maintindihan naka-record na pagrorosaryo; nasaan ang pananalangin mula sa puso? ang sakripisyo ng prusisyon?
Wala si Jesus sa MP3 o ano mang naka-record na pagdarasal ng Rosario dahil si Jesus naninirahan sa puso ng nananampalataya na inihahayag sa kanyang bibig at mga labi; pati ba naman pananalangin ibig pa nating pagaangin? Ang masakit na katotohanan sa maraming prusisyon ginawa itong piknik sa walang tigil na pagkain at pag-inom habang nakahanay mga deboto at debobo kasabay nang walang tigil na pagpitik ng selfie na tila rumarampa kanilang mga Poon!
Nang muling mabuhay si Jesus at napakita sa mga alagad, habilin niya sa kanila ipahayag sa lahat ng bansa Kanyang Mabuting Balita ng kaligtasan;alisin na natin mga bato dumadagan sa kanyang katotohanan, lumabas tayo sa ating yungib ng pagkamakasarili, magnilay at pag-isipan paano muling matagpuan si Jesus na muling nabuhay sa ating magagandang tradisyon na labis nang tinatabunan winawasak ng mga makabagong teknolohiyang hatid ay kababawan alang-alang sa bonggang mga palabas lamang walang lalim, hungkag ang kalooban kung saan malinaw na wala nga si Kristo. Amen.

Tingnan din ating blog sa mga deboto at debobo, https://lordmychef.com/2020/02/11/deboto-debobo/.






