4,106 total views
Mga Kapanalig, napunô ng comedy, drama, action, at suspense ang Senado noong isang linggo.
Tila eksena sa game show ang pagtakbo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa habang tinatakasan ang mga aniya’y manghuhuli sa kanya matapos kumpirmahin ng International Criminal Court (o ICC) ang warrant of arrest laban sa kanya. Sa kanyang pagmamadali paakyat ng hagdan, nadapa ang senador, malayung-malayo sa imahe niyang tigasin noong siya pa ang hepe ng Philippine National Police (o PNP) na nagpatupad noon ng giyera kontra-droga. Naging tampulan ng katatawanan ang CCTV footages na mismong Senado ang naglabas.
Pagpasok niya sa session hall, tila batang inaway ng kanyang mga kalaro si Senador Bato. Nagsumbong siya sa mga kapwa niya mambabatas na pinigilan daw siyang makapasok sa gusali. Umiiyak siya habang nilalapitan ng kanyang mga kaalyado.
Nagkasigawan naman ang dalawang senador habang tinatalakay ang ICC arrest warrant. Gaya ng kanyang kaalyado na si Senador Bato, nagsumbong din si Senador Robin Padilla dahil sinigawan daw siya ni Senador Francis Pangilinan. Giit ni Senador Kiko, hindi maiiwasan ang magtaas ng boses lalo na kung inaabala sila habang nagsasalita.
Miyerkules ng gabi naman nang nagkaroon ng barilan sa loob ng Senado. Naririndi na tayo marahil sa maraming paliwanag kung paano iyon nangyari, sino ang nagpasimuno, at ano ang dahilan. Pero ang malinaw, nalagay sa panganib ang buhay ng mga taga-media na binabantayan lang ang mga nangyayari sa Mataas na Kapulungan. Iyon din kasi ang araw kung kailan ihahatid ng Mababang Kapulungan ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Napunô ng tensyon ang loob ng Senado, at sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na sila ay “under attack.” Hindi ito pinatulan ng marami; para sa kanila, gawa-gawa lamang ang gulong nangyari sa Senado para mapatakas ang kapwa nilang senador na itinuturing na ngayong pugante.
Hindi katulad ng mga napapanood nating teleserye o pelikula, hindi nakakaaliw ang comedy, action, drama, at suspense na nangyari sa Senado. Mapapailing na lang tayo ng ulo sa mga napanood natin.
Tandaan natin ang trabaho ng mga nasa Senado. Una, inaasahan silang gumawa, magpatibay, o magpawalambisa ng mga batas. Pangalawa, tungkulin nilang bantayan ang ibang sangay ng gobyerno upang walang umabuso sa kapangyarihan. Pangatlo, trabaho nilang repasuhin at aprubahan ang pambansang badyet. Sa pamamagitan naman ng Commission on Appointments, sinasala ng mga senador ang mga itinatalagang tao sa iba’t ibang ahensya. Panghuli, inaatasan ang Senado na magsilbing impeachment court para sa mga kaso laban sa matataas na opisyal ng gobyerno.
Hindi kasama sa kanilang tungkulin ang itago ang isang taong hinahabol ng batas. Ang kanilang pinaglilingkuran ay ang taumbayan—tayong mga mamamayan—hindi ang isang tao o ang isang pamilya, lalo na ang mga may pananagutan sa batas. Ang Senado ay isang institusyong dapat igalang; hindi ito set sa pelikula o location para sa shooting ng mga gawa-gawang eksena. Hindi ito kanlungan ng mga umiiwas sa batas, dahil instrumento mismo ang Senado ng pagpapairal ng batas na dapat sundin at ipagtanggol mula sa pang-aabuso.
Sa lente ng mga panlipunang turo ng ating Simbahan, ang lehislatura—na binubuo ng mga mambabatas gaya ng mga senador—ay may obligasyong protektahan ang dignidad ng tao, katarungan, at kabutihang panlahat. Ang problemang ipinapakita ng mga pangyayari sa Senado ay hindi lang kahihiyan, kundi paglayo ng Senado sa pangunahing tungkulin nitong maglingkod sa batas at kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, ipagdasal nating magkaroon ng karunungan ang mga namumuno sa ating bayan, gaya nga ng sinasabi sa Santiago 1:5. Sa susunod na eleksyon, piliin natin ang mga pinunong bibigyang-dangal ang mga institusyon ng demokrasya—hindi yaong gagamit sa mga ito para takbuhan ang pananagutan.
Sumainyo ang katotohanan.






