30,374 total views
Mga Kapanalig, tatlong pandaigdigang mga institusyon ang nagbabalâ tungkol sa krisis sa pagkain dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Middle East.
Nagpahayag ang World Bank, International Monetary Fund, at UN World Food Programme ng pagkabahala nila sa pagtaas ng presyo ng pagkain na hahantong naman sa tinatawag na food insecurity. Sa pagmahal ng petrolyo at ng mga pataba o fertilizer, tiyak na magmamahal din ang pagkain. Kapag mahal ang pagkain, mahihirapan ang mga mamimiling tustusan ang pangunahing pangangailangan na ito. Ang pinakamaaapektuhan nito ay ang mahihirap, lalo na sa mga bansang umaasa sa importasyon at baón sa utang. Siguradong naisip ninyo ang Pilipinas.
Pero may iba tayong problema rito.
May mga kababayan tayong magsasaka sa Benguet na napilitan nang ibenta nang palugi ang kanilang mga inaning gulay gaya ng repolyo at pechay. Matumal kasi ang mga humahango ng mga ito dahil na rin sa mahal ng gasolina para sa mga sasakyan ng mga traders. Kung dati raw ay araw-araw ang pagbili ng mga gulay sa Benguet, masuwerte na kung tatlong beses sa isang linggo ay may aakyat at bibiling traders. May iba namang magsasaka na ipinamimigay na lang ang kanilang mga inaning gulay kaysa naman masayang ang mga ito.
Sa ganitong mga pagkakataon, hindi ba dapat pumasok na ang pamahalaan para tulungan ang mga magsasaka?
May mga Kadiwa Centers naman kung saan ibinibenta ang mga produkto mula sa iba’t ibang probinsya. Pwedeng paramihin ang mga ito at tulungan ang mga magsasakang hindi na nakapagbebenta ng kanilang ani. Maaaring bilhin ng gobyerno ang mga produkto sa halagang kikita naman ang mga magsasaka at mababawi ang gastos nila sa pagtatanim at pagbibiyahe. Pwede ring bigyan ng subsidiya ang maliliit na vegetable traders na hindi makaagapay sa taas ng presyo ng gasolina. Sa madaling salita, ilapit ng gobyerno ang mga produktong agrikultura sa mga mamimili.
Pansamantalang solusyon lamang ang mga ito. Makatutulong ang pagtatayo ng mga cold storage at packing facilities sa mga probinsyang nagpo-produce ng mga gulay at iba pang pagkain. Sa mga pasilidad na ito, maiiimbak ang mga produkto nang hindi mabubulok o masisira. Pwede ring gawing ibang produkto ang mga sobrang ani nang mapahaba ang tinatawag na shelf life ng mga ito. Maaari ding atasan ang mga pampublikong ospital at paaralan na bilhin ang mga sobra-sobrang gulay. Kahit ang mga nasa pribadong sektor na nagsasagawa ng feeding program ay pwedeng bigyan ng insentibo para bilhin ang mga ani ng mga magsasaka.
Sa ganitong mga pagkakataon, nakaatang sa gobyerno ang tungkuling tulungan ang mga nasa sektor na hiráp na sa kinakaharap nilang hamon. Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, pinahahalagahan natin ang prinsipyo ng subsidiarity o ang pagkilala sa kakayahan at kakayanan ng mga nasa ibaba, ‘ika nga, na tulungan ang kanilang mga sarili. Pero humantong na tayo sa puntong kailangan nang gumawa ng hakbang ang mga nakatataas—gaya ng pamahalaan—para tulungan ang mga nasa ibaba. Hindi kailangang palitan ng gobyerno ang mga nagpo-produce ng pagkain maging ang bumibili ng mga ito, pero sa krisis na kinakaharap natin ngayon, makatwirang asahan ang gobyerno na gawin ang lahat para maibsan ang pasan ng mga magsasaka at mga mamimili.
Mga Kapanalig, tila ang mga magsasaka ng Benguet ang inilalarawan sa Santiago 5:4: “Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod.” Napipilitan silang ibagsak ang presyo ng mga gulay na pinagpaguran nilang itanim at anihin, pero dahil sa sitwasyon ngayon, hindi natutumbasan ang kanilang pagtatrabaho. Tinatawagan tayong lahat—lalo na ang gobyerno—na pakinggan ang kanilang sigaw para sa makataong kabuhayan.
Sumainyo ang katotohanan.






