5,097 total views
Mga Kapanalig, may panibago na namang bahid sa imahe ng kapulisan. Hindi pa nga nila lubusang nalilinis ang kanilang hanay mula sa pagiging instrumento ng pagpatay sa pagpapatupad nila ng giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon, heto at karahasan na naman ang kinasasangkutan nila.
Pero hindi pa talaga pulis ang mga nasasangkot. Sila ay mga kadete pa lamang sa Philippine National Police Academy (o PNPA) sa Cavite. Tatlong second-year cadets ang sinasabing nanguna sa hazing ng 22 first-year cadets. Pasintabi po sa mga kumakain, pero nakapanlulumo ang pinagdaanan ng mga biktima: binuhusan ang kanilang likod ng pinaghalong muriatic acid at liquid sosa. Nangyari ang hazing sa kanilang barracks noong Abril 3, Biyernes Santo. Isa sa mga sinasabing dahilan kung bakit pinarusahan ng mga nakatatandang kadete ang mga bagitong kadete ay ang pag-alis umano ng isa pang kadete mula sa PNPA. Sinisisi sila sa pangyayaring iyon. Parang napakababaw naman, hindi po ba?
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act No. 11053 o ang Anti-Hazing Act ang mga kadeteng nagsagawa ng hazing gayundin ang mga kasabwat nila. Habang ginagamot ang nasunog na balat ng mga biktima, binibigyan din daw sila ng psychological support, ayon sa PNP. Malamang na na-trauma ang mga estudyante. Samantala, tinanggal muna sa kanilang puwesto ang siyam na opisyal ng PNPA dahil sa pagpapabayâ nila umano sa nangyaring karahasan sa institusyong nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa. Umabot daw kasi ng apat na araw bago makarating sa hepe ng PNP ang impormasyon tungkol sa nangyaring hazing.
Nakababahala na ang mga inaasahang maging mga protektor ng mga mamamayan ay gumagawa na ng karahasan. Mga lider ang dapat lumalabas ng PNPA, hindi mga halimaw. Wala pa man sila sa propesyong hinahangad nila, nagagawa na nilang balewalain ang batas at maging abusado. Sila pa naman ang gagamit sa hinaharap ng motto ng pambansang pulisya na “to serve and protect.” Ipagkakatiwala ba natin ang tungkuling maglingkod at magprotekta sa mga taong kayang manakit ng kanilang kapwa?
May malalim na pagbabagong kailangang mangyari sa paghubog ng mga lingkod-bayang maaatasan ng responsabilidad na pairalin ang batas, disiplina, at kaayusan sa lipunan. Dapat magbago ang pakahulugan nila sa kapangyarihan at awtoridad na kaakibat ng pagiging isang pulis. Sa propesyong ito, hindi sila inilalagay sa posisyong nagbibigay sa kanila ng karapatang tapakan ang dignidad ng iba.
Sa pananaw pa nga ng ating pananampalataya, ang gawain ng mga pulis ay isang bokasyon, hindi lamang isang trabaho. Ang pagiging pulis ay isang pagkakataong paglingkuran ang bayan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kapayapaan at pagpapairal ng katarungan, mga bagay na pinahahalagahan ng ating Simbahan.
Akmang hiramin natin ang mga salita ni Pope Paul VI para paalalahanan ang ating mga pulis at ang mga nais maging pulis: “If you want peace, work for justice.” Ganito rin ang paalala sa Jeremias 22:3: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi laban sa mapagsamantala.” Kung gusto nilang mamayani ang kapayapaan at kaayusan—na pangunahing mithiin ng kapulisan—dapat gawin ng mga pulis at ng mga nangangarap maging pulis kung ano ang makatarungan at makatwiran. Ang pananakit sa kanilang kapwa sa pamamagitan ng hazing ay hindi makatarungan at hindi makatwiran.
Mga Kapanalig, sa pagkakasangkot ng mga kadete sa hazing—at ng mga pulis sa mga krimen at korapsyon—napakalaking hamon talaga na baguhin ang reputasyon ng kapulisan. Hindi nila tayo masisisi kung mababa ang tiwala sa kanila ng ilan sa atin. Kaya naman, sa kaso ng hazing sa PNPA, panagutin sana ang mga dapat managot at hindi na dapat maulit pa ang ganitong mga pangyayari. Tama na ang pagiging instrumento ng karahasan ng kapulisan.
Sumainyo ang katotohanan.






