107 total reads
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 65, 1. 6-7
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Roma 11, 13-15. 29-32
Mateo 15, 21-28
Twentieth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Isaias 56, 1. 6-7
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Ayon sa katarungan
at laging matuwid ang inyong gagawin,
ang pagliligtas ko’y
di na magluluwat, ito ay darating,
ito’y mahahayag sa inyong paningin.”
Ito naman ang sabi ng Panginoon
sa mga dating dayuhan na ngayo’y
kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
nangingilin sa Araw ng Pamamahinga;
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Tatanggapin ko ang inyong mga handog,
at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa.
Nawa’y magpuri sa iyo
ang lahat ng mga tao.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 11, 13-15. 29-32
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Yamang ako’y apostol ninyo, pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila. Kung naging daan ng pakikipagkasundo ng sanlibutan sa Diyos ang pagkakatakwil sa kanila, ang muling pagtanggap sa kanila’y para na ring pagbibigay buhay sa patay.
Ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Dati, masuwayin kayo sa Diyos, ngunit ngayo’y kinahahabagan sa panahon ng pagsuway ng mga Judio. Gayun din naman sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos;
sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 15, 21-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Cananeang naninirahan doon at malakas na sinabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.” Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus. At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kaniya, “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.” Sumagot si Hesus, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di’y gumaling ang kanyang anak.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Nais ng Diyos ang kaligtasan ng lahat at ipinapakita Niya ang Kanyang awa sa mga nagtitiwala sa Kanya. Buong tiwala, tulad ng babaeng Cananea, tayo’y manalangin: Ama namin, dinggin Mo ang aming panalangin.
Ama namin, dinggin Mo ang aming panalangin.
Para sa Simbahang Katolika: nawa’y maging tunay Siyang tanda ng pag-asa para sa lahat, at bukas na tanggapin ang mga dayuhan, mahihirap, at mga nakadarama ng pag-iisa. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa mga pinuno ng mga bansa: nawa’y manaig sila sa pagiging walang-malasakit at paboritismo at magsikap para sa pagkakaisa, pagkakapatiran, at kapayapaan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa mga pinuno ng iba’t ibang relihiyon: nawa’y ang pagkakaiba ng paniniwala ay maging daan sa pag-uusap, pagtutulungan, at kapayapaan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa ating mga mag-anak at parokya: nawa’y lumago tayo sa pag-ibig at paggalang sa isa’t isa, at walang sinuman ang makaramdam na siya ay naiiba o napapabayaan. Manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos naming Ama, punuin Mo kami ng Iyong Espiritu Santo upang matanggap namin ang Kanyang mga kaloob at maging handang magmahal nang walang hangganan at pag-aalinlangan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.



