5,239 total reads
Kapanalig, hindi makakausad ang bansa kung ang mga mamamayan nito ay hirap na hirap maka-survive, habang ang mga inaasahang lider na pinagkakatiwalaang mamuno ay hindi na pinagkakatiwalaan ng taumbayan.
Ordinaryo na sa Pilipinas ang paghihirap. Bawat araw, nagigising ang maraming Pilipino at nahaharap sa kaparehong katanungan: Hanggang kailan tataas ang halaga ng mga bilihin? Magkakasya ba ang kakarampot na sahod sa pang-araw-araw na gastusin? Matustusan ba ang pagpapaaral ng mga anak? Makakabayad ba ng kuryente at tubig?
Kailan kaya tutuparin ng mga inihalal at pamahalaan ang pangako nitong serbisyo publiko?
Ito ay hindi lamang araw-araw na frustrations ng mga Pilipino. Ito ay senyales ng isang bansang nangangailangan ng makabuluhang pagbabago mula sa mga politikong iniluklok sa puwesto.
Kapanalig, kabilang sa alalahanin at pasanin ng mayorya ng mga Pilipino ang “cost of living”. Base sa report ng Philippine Statistic Administration, umabot na sa 7.8-porsiyento ang inflation, pinakaabilis sa nakalipas na apat na taon.
Para sa ordinaryong pamilyang Pilipino, ito ay nangangahulugan ng kulang na pagkain sa hapag kainan, kawalan ng pagkakataon na makapag-ipon o makapag-impok, at kahirapan na matugunan ang pangunahing pangangailangan.
Kahit sabihin ng pamahalaan na ito ay economic statistic lamang, ang epekto nito ay nararamdaman sa pamilihang bayan, grocery stores at kabahayan sa bansa..
Kapanalig, paano pagkakatiwalian ng mga Pilipino ang gobyerno kung nagiging endemic na ang katiwalian?
Ang kawalan ng transparency at accountability ng pamahalaan sa paggasta ng pera ng bayan ang unti-unting umuubos sa pasensiya ng mga Pilipino.
Ang nararanasang hirap ng mga manggagawang Pilipino ay dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan, marami ang nagta-trabaho ng mahabang oras ngunit ang sahod ay hindi sapat sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga bilihin. Ang pinangangambahan ay matinding epekto ng El Niño, inaasahan itong magdudulot ng kakulangan sa supply ng tubig, pagkalugi ng sektor ng agriculture at maging sanhi ng pagtaas lalu ng presyo ng pagkain na magiging mabigat na pasanin ng mga magsasaka, mangingisda at bulnerableng komunidad sa bansa.
Kapanalig,ang malalim na problema ay kawalan ng malasakit ng gobyerno na tugunan ang nararanasang paghihirap ng mga ordinaryong Pilipino. Ika nga, bulsa muna bago ayudad.
Kapanalig, sinasabi ng “Proverbs 19:17- Whoever is kind to the poor lends to the Lord, and he will reward them for what they have done.”
Sobra sobra na ang hirap na dinaranas ng mga Pilipino. “They deserve a government that listens, acts, and takes responsibility.”
Sumainyo ang Katotohanan.




