Biyernes, Setyembre 18, 2026

SHARE THE TRUTH

 6,669 total reads

Biyernes ng Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

1 Corinto 15, 12-20
Salmo 16, 1. 6-7. 8b at 15

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

Lucas 8, 1-3

Friday of the Twenty-fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 12-20

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, kung ipinangangaral naming si Kristo’y muling nabuhay, ano’t sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung ito’y totoo, lilitaw na hindi muling binuhay si Kristo. At kung si Kristo’y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Kung magkagayon, lilitaw na kami’y mga bulaang saksi ng Diyos. Sapagkat pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Kristo ngunit lilitaw na hindi ito totoo, kung talagang di bubuhaying muli ang mga patay. Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Kristo. At kung hindi muling binuhay si Kristo, kayo’y hindi pa nahahango sa inyong mga kasalanan, at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na nananalig kay Kristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Kristo ay para sa buhay na ito lamang, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.

Ngunit ang totoo, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 6-7. 8b at 15

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik;
sa amin ay ipadama, yaong banal mong pag-ibig,
sa piling mo’y ligtas kami sa kamay ng malulupit.

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

Kung paanong sa mata mo’y lubos ang ‘yong pag-iingat,
gayun ako ingatan mo sa lihim ng iyong pakpak;
yamang ako ay matuwid, ang mukha mo’y mamamalas
kapag ako ay nagising, sa piling mo’y magagalak.

Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.

ALELUYA
Mateo 11, 25

Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 8, 1-3

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon. Nangangaral siya at nagtuturo ng Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa, at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena, mula sa kanya’y pitong demonyo ang pinalayas; si Juanang asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes; si Susana at marami pang iba. Ang ari-arian nila ang itinustos nila sa pangangailangan ni Hesus at ng kanyang mga alagad.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Puno ng pag-asa at pananalig, manalangin tayo sa Diyos Ama na nananabik na madama nating higit ang kanyang presensya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Gamitin Mo kami sa iyong gawain, O Panginoon.

Ang Simbahan nawa’y patuloy na umunlad at maging simbolo ng katarungan, pag-ibig, at katotohanan sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.

Bilang isang komunidad, nawa’y huwag nating ipagwalang-bahala ang ating buhay pananampalataya bagkus hanapin natin ang Diyos maging sa mga paghihirap at pagsubok, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga bata nawa’y lumaki sa pamamaraan ng biyaya at tumanda na katulad ng mga taong kawangis ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y mapalakas sa pananampalataya sa pamamagitan ng kanilang pag-uugnay ng kanilang pagdurusa sa mga pagdurusa ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumao nawa’y magtamasa ng bunga ng kapayapaan, kaligayahan, at kasiyahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos Ama sa Langit, tulungan mo kaming maunawaan ang kahalagahan ng panahon ng aming pag-iral. Buksan mo ang aming mga puso upang magbunga kami lagi ng kabutihan. Hinihiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Special treatment?

 82,348 total reads

Mga Kapanalig, isa si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa mga sinasabing pangunahing personalidad na sangkot sa flood control scandal na gumimbal sa ating lahat noong isang taon. 

Noong Setyembre lang siya idinetine matapos sampahan ng kasong plunder ng Office of the Ombudsman. Lampas pitong bilyong piso ang halaga ng kickback na natanggap niya umano mula sa mga maanomalyang flood control at infrastructure projects. Hindi siya maaaring magpiyansa kaya kailangan siyang ilagay sa bilangguan habang dinidinig ang kanyang kaso.

Pero hindi katulad ng mga ordinaryong mamamayan na may kinahaharap na kaso, nagkaroon muna siya ng pagkakataong manatili sa ospital kung saan inihain ang kanyang warrant of arrest. May medical condition daw siya noon na kailangang tutukan ng mga doktor. Sa pamamagitan ng kanyang mga abogado—bagay na wala rin ang mga ordinaryong tao na kinakasuhan—nagawa niyang manatili sa ospital sa loob ng isang linggo. Iniutos ng Sandiganbayan na ilipat siya sa New Quezon City Jail at sumailalim sa medical evaluation sa UP-PGH; idineklara siyang “clinically stable” at kayang manatili sa regular na bilangguan.

Kamakailan, natuklasang may personal assistant ang dating House Speaker. Pinayagan daw ito for humanitarian reasons, partikular ang pangangailangang tutukan ang kanyang “unstable mental condition.” Kulang daw kasi ang mga tauhan ng pasilidad para tutukan ang mga nasa kanilang pangangalaga. Lumabas din sa inspeksyon ng Sandiganbayan na walang CCTV cameras na malapit sa selda ni Congressman Romualdez. Kumalat din ang mga balitang sinasadyang patayin ang kuryente para hindi mahagip ng mga CCTV cameras ang paglabas ni Congressman Romualdez gamit ang ambulansya ng piitan.

Kung bibisita kayo, mga Kapanalig, sa ating mga bilangguan, makikita ninyo kung gaano kalayo ang kalagayan ni Congressman Romualdez at iba pang tinatawag na high-profile inmates sa mga ordinaryong persons deprived of liberty (o PDL). 

Nagsisiksikan ang mga ordinaryong PDLs sa isang dormitoryo na dapat ay para lamang sa 10 hanggang 20 na inmates, pero umaapaw ang mga ito dahil sa kakulangan ng espasyo. 

Wala silang choice kundi ang umasa sa kung anong meron sa kanilang clinic o sa kapwa nila bilanggo para sa pangangalagang medikal. Dahil hindi ganoon kadali ang access sa ambulansya at ospital, marami sa mga maysakit ang lumalala ang kanilang kondisyon sa loob ng kulungan. Iba pa ang kalusugang pangkaisipan o mental health na talaga namang napapabayaan na.  

Hindi sila pinapayagang magkaroon ng personal assistants o dalawin sa mas mahabang panahon. Tila dumadaan sa butas ng karayom ang mga mahal sa buhay na gusto silang bisitahin. Wala rin silang mga legal team na magtitiyak na napangangalagaan ang kanilang mga karapatan at nasusubaybayan ang kanilang kaso.

Bago pa man mapunta sa bilangguan, ang mga ordinaryong PDL ay hinuhuli agad at inilalagay sa mga piitan kahit pa maliit ang krimen na kanilang ginawa o kahit pa may sakit. Walang hospital arrest.

May mga karapatang pantao ang lahat ng mga PDL. Ito ang dahilan kung bakit nararapat pa rin silang tratuhin nang maayos kahit pa humaharap sa proseso ng pagpapanagot sa batas. Pero kung naibibigay sa isang high-profile inmate ang isang maayos na kondisyon sa kulungan, bakit hindi ito magawa sa lahat ng mga bilanggo? Pinahahalagahan sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang katarungan, at hinihingi ng katarungan na ang batas ay dapat ipinatutupad ng pantay sa lahat—walang pinapaboran, walang kinikilingan, walang isinasaalang-alang na yaman, kapangyarihan, at katayuan sa buhay. Ang special treatment sa mga bilangguan, gaya ng pahiwatig sa Deuteronomio 16:19, ay “[pagpilipit sa] katarungan.”

Mga Kapanalig, dahil sa kanilang dignidad, walang bilanggo ang dapat magdusa sa kalunos-lunos na kalagayan sa mga kulungan—dating speaker ka man o ordinaryong bilanggo.

Sumainyo ang katotohanan.

Bayan bago banyaga

 167,756 total reads

Mga Kapanalig, nagsimula na ang 49th ASEAN Summit sa Pilipinas. Malinis na mga kalsada, maayos na paligid, at maaliwalas na tanawin ang sumalubong sa mahigit 20 na pinuno ng mga bansa na dumadalo sa pagtitipon. Pero ang malinis na kalsada, maayos na paligid, at mga maaliwalas na tanawing ito ay nangailagan ng pagsasara ng mga negosyo, pagkawala ng kabuhayan, at pagtatago sa mga suliraning patuloy na kinakaharap ng mga Pilipino.

Bilang bahagi ng mga paghahanda, nagsagawa ng clearing operations ang mga lokal na pamahalaan ng Parañaque at Pasay sa mga kalsadang dadaanan ng mga bisita. Pinaalis at pinagbawalang magtinda ang ilang street vendors, habang ipinasara naman ang ilang maliliit na tindahan at kainan. Dahil dito, pansamantalang nawalan ng kabuhayan ang mga vendors, may-ari ng negosyo, at mga manggagawang umaasa sa arawang kita. Para sa kanila, bawat araw na hindi nakapagtatrabaho ay katumbas ng sahod o kita na hindi maiuuwi sa kanilang pamilya. Sa panahong patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin, malaking dagok ito sa mga pamilyang sapat lamang ang kinikita para maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan.  

Ang higit na kapansin-pansin, sa halip na linisin at ayusin ang paligid ng ilang negosyo, tinakpan pa ang mga ito ng malalaking harang na may larawan ng mga obra ng ating mga national artists. Maging ang mga maruruming ilog at mga informal settlements na tanaw mula sa ilang kalsadang dadaanan ng mga dayuhang bisita ay ikinubli sa likod ng mga pinagdugtung-dugtong na plywood.

Malinaw na layunin ng mga harang na ito na itago ang mga problemang kinakaharap ng bansa. Pagkatapos ng ASEAN Summit, aalis din ang mga bisita at aalisin din ang mga harang, pero mananatili ang mga maralitang komunidad, maruruming ilog, at iba pang suliraning hindi naman nalutas. 

Kaya ang tanong natin: bakit hindi na lang pangmatagalang solusyon ang gawin sa mga itinuturing na pangit sa mata ng publiko?  

Sa halip na itago ang mga ito kapag may mga dayuhang bisita, bakit hindi na lang pagtuunan ng pansin ang disenteng pabahay, malinis na mga daluyan ng tubig, at permanenteng lugar para sa mga nasa impormal na sektor ng ekonomiya? 

Hindi dapat pagandahin ang Pilipinas para lamang mag-iwan ng magandang impresyon sa mga lider ng ibang bansa. Mas mahalagang makita at maramdaman mismo ng mga Pilipino ang pag-unlad. Hindi dapat pansamantala lamang ang mga hakbang upang maging maayos ang ating mga komunidad. Dapat itong makita at maramdaman sa araw-araw, may mga dayuhang bisita man o wala.

Sa Catholic social teaching na Rerum Novarum, sinasabing tungkulin ng isang ama na tiyakin ang kapakanan at pangangailangan ng kanyang pamilya. Hindi niya dapat pabayaan ang kanyang pamilya upang bigyang-kasiyahan ang ibang tao. Ganoon din ang pananagutan ng mga namumuno sa ating bansa. Bilang mga halal na opisyal na pinagkatiwalaan ng mamamayan, dapat nilang tiyaking ang kanilang mga desisyon at programa nila ay tunay na nagsusulong sa kapakanan ng mga Pilipino. Hindi sapat na maipakita nilang maayos ang bansa sa paningin ng ibang mga bansa kung hindi naman ito nararamdaman ng sarili nilang mamamayan.

Mga Kapanalig, mahalagang maipakita natin sa mga karatig-bansa ang isang Pilipinas na maganda makitungo at handang makipagtulungan sa lahat. Pero higit na mahalagang maipakita natin ang isang pamahalaang naglilingkod at nagmamalasakit sa sarili nitong mamamayan. Sa Mateo 6:1, pinaaalalahanan tayo ni Hesus na huwag gumawa ng mabuti para purihin lang ng ibang tao. Gaya ng hamon ni Hesus, hamunin din natin ang ating mga pinuno: gawin ang tama hindi lamang kapag may mga dayuhang nakatingin, kundi lalo na kapag ang tanging nakakakita sa kanilang ginagawa ay ang mga Pilipinong araw-araw na umaasa sa kanilang paglilingkod.

Sumainyo ang katotohanan.

 

Magparehistro na para makaboto sa 2028!

 231,599 total reads

Mga Kapanalig, pwede nang magparehistro ang mga botante para sa 2028 national at local elections hanggang sa ika-30 ng Hulyo, 2027.

Maaaring magparehistro ang mga Pilipino na hindi bababa sa 18 taóng gulang sa araw ng halalan sa ika-8 ng Mayo, 2028. Kailangan ding nakatira sila sa Pilipinas nang hindi bababa sa isang taon at sa lugar kung saan nila planong bumoto nang hindi bababa sa anim na buwan bago ang halalan. Bukás ang mga tanggapan ng Comelec mula Martes hanggang Biyernes, gayundin sa ilang piling Sabado at holiday.

Hindi lamang mga unang beses na boboto ang dapat magtungo sa Comelec. Kailangan ding mag-asikaso ng kanilang record ang mga nais na buhayin muli ang kanilang rehistro matapos hindi makaboto sa dalawang magkasunod na halalan, lumipat ng lugar ng pagbobotohan, magwasto ng impormasyon, o mag-update ng pangalan. May ilang legal na dahilan na maaaring maging hadlang sa pagpaparehistro, kaya mahalagang tingnan ang mga requirements at mga paalala sa website ng Comelec.

Bakit nga ba mahalagang magparehistro at bumoto? 

Sa pamamagitan ng ating boto, nagkakaroon tayo ng boses sa mga isyung nakaaapekto sa ating lipunan. Ang mga pulitikong inihahalal natin ang nagpapasya kung paano gagamitin ang pondo ng bayan, kung paano pangangalagaan ang mga lupain ng mga katutubo, at kung paano pamamahalaan ang ekonomiya. Nakasalalay sa kanilang mga desisyon kung mapoprotektahan o lalo pang magdurusa ang mahihirap.

Ayon sa Kawikaan 29:2, “Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya, ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.” May malaking epekto sa buhay ng mga mamamayan ang uri ng mga pinunong kanilang inihahalal. Kaya hindi dapat basta-basta ang pagpili natin. Kailangang suriin ang kanilang mga nagawa, paninindigan, at mga patakarang isinusulong, sa halip na magpadala sa kasikatan o pangakong too good to be true, ‘ika nga.

Ipinakita rin ni Pope Leo XIV ang kahalagahan ng pagboto nang gampanan niya ang tungkuling ito sa katatapos na midterm elections sa Amerika. Sa midterm elections ng Amerika, nakita natin kung paano maaaring gamitin ng mga botante ang kanilang kapangyarihan upang ipahayag ang pagkadismaya sa pamahalaan. Naging mahalagang usapin sa halalan ang mga patakaran ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump, kabilang ang digmaan na sinimulan niya sa Middle East. Ipinakita nito na hindi permanente ang kapangyarihan ng mga namumuno. Maaaring baguhin ng mga mamamayan ang komposisyon ng kanilang pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang mga boto. 

Magagawa rin ba natin ito sa 2028?

Ipinaalala ni Pope Leo XIV: “the political community exists for the sake of the common good.” Dapat nakatuon sa kapakanan ng nakararami ang mga desisyon ng gobyerno at ng mga namumuno. Pero sa Pilipinas, tila naging karaniwan na lamang ang korapsyon at pang-aabuso sa kapangyarihan. Nakita natin ito sa mga iskandalo tulad ng pork barrel scam at flood control scandal, gayundin sa patuloy na pamamayani ng mga political dynasties. Hindi dapat maging normal ang ganitong kalakaran. Kailangang panagutin ang mga pinunong inuuna ang sariling interes kaysa sa kapakanan ng taumbayan.

Mga Kapanalig, sabi ng makata at aktibistang si Maya Angelou na ang pagboto ay ang “great equalizer.” Sa pagboto, bawat mamamayan ay may pagkakataong makilahok at manawagan ng pagbabago. Magkasimbigat ang boto ng isang mayamang may-ari ng lupa at ng isang masipag na magsasaka. Magkasimbigat ang boto ng isang pulitiko at ng isang estudyanteng unang beses boboto. Kaya huwag nating sayangin ang pagkakataong ito! Magparehistro tayo at pag-isipang mabuti kung sino ang pagkakatiwalaan nating mamuno. Kung nais natin ng mas mabubuting lider, mas maayos na mga patakaran, at mas mahusay na serbisyo, nasa atin ang kapangyarihang hubugin ang kinabukasan.

Sumainyo ang katotohanan.

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Special treatment?

 82,349 total reads

 82,349 total reads Mga Kapanalig, isa si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa mga sinasabing pangunahing personalidad na sangkot sa flood control scandal

Read More »

Bayan bago banyaga

 167,757 total reads

 167,757 total reads Mga Kapanalig, nagsimula na ang 49th ASEAN Summit sa Pilipinas. Malinis na mga kalsada, maayos na paligid, at maaliwalas na tanawin ang sumalubong

Read More »

Magparehistro na para makaboto sa 2028!

 231,600 total reads

 231,600 total reads Mga Kapanalig, pwede nang magparehistro ang mga botante para sa 2028 national at local elections hanggang sa ika-30 ng Hulyo, 2027. Maaaring magparehistro

Read More »

FILIPINO’s RUNNING OUT OF PATIENCE

 313,602 total reads

 313,602 total reads Kapanalig, hindi makakausad ang bansa kung ang mga mamamayan nito ay hirap na hirap maka-survive, habang ang mga inaasahang lider na pinagkakatiwalaang mamuno

Read More »

SCRIPTED NONSENSE

 392,696 total reads

 392,696 total reads Kapanalig, ano ang napapansin niyo sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte? Sa simula pa lamang ng impeachment trial, pinapalutang

Read More »

Watch Live

RELATED TOPICS

Huwebes, Nobyembre 5, 2026

 29,842 total reads

 29,842 total reads Huwebes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) Filipos 3, 3-8a Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7 Ang may pusong tapat sa D’yos ay

Read More »

Miyerkules, Nobyembre 4, 2026

 32,364 total reads

 32,364 total reads Paggunita kay San Carlos Borromeo, obispo Filipos 2, 12-18 Salmo 26, 1. 4. 13-14 Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan. Lucas 14, 25-33

Read More »

Martes, Nobyembre 3, 2026

 34,448 total reads

 34,448 total reads Martes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) o kaya Paggunita kay San Martin de Porres, namanata sa Diyos Filipos 2, 5-11 Salmo

Read More »

Lunes, Nobyembre 2, 2026

 32,966 total reads

 32,966 total reads Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano Mga Pagbasa para sa Unang Misa 2 Macabeo 12, 43-46 Salmo 103, 8 at 10.

Read More »

Linggo, Nobyembre 1, 2026

 34,067 total reads

 34,067 total reads Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal Pahayag 7, 2-4. 9-14 Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6 Panginoon, ang bayan mo ay dumudulog sa

Read More »

SUPPORT OUR MISSION

BECOME A KAPANALIG MEMBER AND EUCHARISTIC ADVOCATE!

CATHOLINK

THE PHILIPPINES CATHOLIC CHURCH ONLINE DIRECTORIES

Scroll to Top