194 total reads
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 25, 6-10a
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5, 6
Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.
Filipos 4, 12-14. 19-20
Mateo 22, 1-14
Twenty-eighth Sunday in Ordinary Time (Green)
Indigenous Peoples’ Sunday / Extreme Poverty Day
UNANG PAGBASA
Isaias 25, 6-10a
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sa Bundok ng Sion,
aanyayahan ng Panginoon ang lahat ng bansa,
gagawa siya ng isang piging para sa lahat
na ang handa’y masasarap na pagkain at inumin.
Sa bundok ding ito’y papawiin niya ang kalungkutang
naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan na niyang papawiin ang kamatayan,
papahirin ng Panginoon ang luha ng lahat;
aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Kung magkagayon, sasabihin ng lahat:
“Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan,
ang inaasahan nating magliligtas sa atin;
magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.”
Iingatan ng Diyos ang bundok na ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5, 6
Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Lagi akong mananahan
sa bahay ng Poong mahal.
IKALAWANG PAGBASA
Filipos 4, 12-14. 19-20
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan. Ang lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Kristo.
Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa akin.
At buhat sa kayamanan ng Diyos na hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Efeso 1, 17-18
Aleluya! Aleluya!
D’yos Ama ni Hesukristo,
kami ay liwanagan mo
at tutugon kami sa ‘yo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 22, 1-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon San Mateo
Noong panahong iyon, muling nagsalita si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masama’t mabuti, anupa’t napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.
“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, at nakita niya roon ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangkasalan?’ tanong niya. Hindi nakaimik ang tao. Kaya’t sinabi ng hari sa mga katulong, ‘Gapusin ninyo ang kanyang kamay at paa at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ Sapagkat marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang nahihirang.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Maikling Pagbasa
Mateo 22, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon San Mateo
Noong panahong iyon, muling nagsalita si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda ng bayan sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: naghandog ng isang piging ang isang hari sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin at kanyang pinagbilinan, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na naihanda ko na ang aking piging: napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat ng bagay. Halina kayo sa piging!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa’y sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa. Sinunggaban naman ng iba ang mga alipin, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari. Pinaparoon niya ang kanyang mga kawal, ipinapuksa ang mga mamamatay-taong iyon at ipinasunog ang kanilang lungsod. Sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Nakahanda na ang piging, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya’t pumunta kayo sa mga lansangang matao, at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Lumabas nga sa mga pangunahing lansangan ang mga alipin at isinama ang lahat ng natagpuan, masama’t mabuti, anupa’t napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ama naming mapagmahal, inaanyayahan Mo ang lahat sa piging ng kaligtasan. Puno ng pagtitiwala sa Iyong awa at pag-ibig, kami’y nananalangin:
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
Para sa Simbahan at mga pinuno nito: nawa’y patuloy nilang ipahayag sa lahat ang paanyaya ng Diyos na makibahagi sa Kanyang walang hanggang piging. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa mga mahihina, nangangailangan, at nasa laylayan: nawa’y magkaroon sila ng sapat na pagkain at matanggap ang kinakailangang kalinga at suporta. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa ating mga kabataan: nawa’y abutin nila ang kanilang mga pangarap nang hindi nalilimutan ang walang hanggang buhay na iniaalok ng Diyos. Manalangin tayo sa Panginoon.
Para sa ating lahat na nagdiriwang ng Eukaristiya: nawa’y maghangad tayo ng kabutihan at maging higit na makatarungan, mahabagin, at mapagmahal sa ating kapwa. Manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming maawain, baguhin Mo kami sa Iyong pag-ibig at ihanda Mo kami sa kagalakan ng Iyong walang hanggang piging. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.



