837 total reads
Binigyang-diin ni Ramon Magsaysay Award Foundation (RMAF) President Susanna Afan ang kahalagahan ng pagkukuwento sa pagpapalalim ng pagkakaunawaan at pagpapalapit ng mga mamamayan sa Timog-Silangang Asya, sa pamamagitan ng mga salaysay ng mga indibidwal na nagsusulong ng positibong pagbabago sa lipunan.
Ito ang mensahe ni Afan sa paglulunsad ng dokumentaryong Where the Sun Sets and Hope Rises noong Oktubre 24 sa Cinematheque Centre Manila sa Intramuros, Maynila, na inorganisa ng RMAF katuwang ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) at PHINMA Education.
Ayon kay Afan, binubuo ang dokumentaryo ng siyam na kuwento ng mga Ramon Magsaysay Awardees mula sa rehiyon ng Timog-Silangang Asya, na hinati sa tatlong bahagi upang itampok ang kanilang buhay, mga gawain at adbokasiya.
layunin nitong muling bigyang-pansin ang mga pagpapahalagang nagbubuklod sa mga bansa sa rehiyon, partikular ang mabuting ugnayan, kooperasyon at pagkakaisa ng mga mamamayan.
Pagpupugay rin ang proyekto sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na tumanggap ng Ramon Magsaysay Award noong 1979 dahil sa pagsusulong ng mabuting ugnayan at kooperasyon sa mga kasaping bansa. Isinasagawa ang paglulunsad sa gitna ng pagkapangulo ng Pilipinas sa ASEAN ngayong 2026 at paggunita sa ika-59 na taon ng pagkakatatag ng samahan.
“It’s a documentary of nine stories in three segments called Where the Sun Sets and Hope Rises. The event is a tribute to ASEAN, a 1979 Ramon Magsaysay Awardee. As the Philippines chairs ASEAN in its 59th year, we want to honor the organization by revisiting the reasons it received the award: promoting goodwill and cooperation among member nations and across the region. Through the stories of nine Ramon Magsaysay Awardees from ASEAN, we highlight their lives, work, and advocacies to bring people closer together through storytelling,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Afan.
Dinaluhan ang film showing ng mga kabataan, estudyante at kinatawan ng iba’t ibang institusyon at katuwang na organisasyon, bilang bahagi ng pagpapalawak ng kamalayan sa mga ambag ng mga pinarangalan sa pagpapabuti ng buhay ng kanilang kapwa.
Nagsisilbi rin itong paghahanda sa paggawad ng 2026 Ramon Magsaysay Awards sa Nobyembre kina Tommy Koh ng Singapore, Runa Khan ng Bangladesh at Bo Kyi ng Myanmar, bilang pagkilala sa kanilang mga ambag sa lipunan at pagsusulong ng mga pagpapahalagang may kaugnayan sa katarungang panlipunan, kapayapaan, karapatang pantao at dignidad ng bawat isa.
Samantala, kinilala rin ng RMAF ang patuloy na pakikipagtulungan ng Radyo Veritas 846 sa pagsusulong ng katotohanan.
Ginawaran ang himpilan ng Ramon Magsaysay Award noong 1986 bilang pagkilala sa ambag nito sa pamamahayag at paglilingkod sa publiko.
Kaugnay naman nito ang ensiklikal na Fratelli Tutti ni Pope Francis, na nagbibigay-diin sa pagkakapatiran, pakikipagkapwa at pagkakaisa ng sangkatauhan sa kabila ng pagkakaiba-iba.
Tulad ng layunin ng dokumentaryo na paglapitin ang mga mamamayan sa pamamagitan ng mga kuwento ng paglilingkod, hinihikayat din ng ensiklikal ang bawat isa na kilalanin ang dignidad ng kapwa at magtaguyod ng mundong higit na nagkakaisa at nagmamalasakit sa lahat.




