Mga Kapanalig, hindi pa nakababangon mula sa pagkasalanta ang mga naging biktima ng Bagyong Odette noong isang taon, nanalasa naman ang Bagyong Agaton sa maraming lugar sa Visayas at Mindanao. Maraming bahay at ari-arian na naman ang nasira. Maraming buhay ang nawala sa pagkalunod at pagguho ng lupa. At katulad sa nagdaang mga bagyo, karamihan ng mga naging biktima ay mahihirap. Ayon sa mga siyentipiko, magiging mas madalas na ang pagtama ng mga matitinding bagyo sa mga bansang katulad ng Pilipinas dahil sa climate change.
Dahil sa pagdalas ng ganitong mapinsalang mga kaganapan, malinaw na hindi na sumasapat ang paglilikas ng mga tao mula sa mga mapanganib nilang kinalalagyan tuwing may banta ng bagyo, o ang pagbibigay ng ayuda sa mga nasasalanta. Hindi na makatwirang paulit-ulit na lamang malalagay sa peligro ang buhay at kakaunting ari-arian ng mahihirap nating kababayan. Ang kailangan ay mga pangmatagalang solusyong maglalayo sa kanila sa paulit-ulit na peligro upang maging tuluy-tuloy ang kanilang pag-unlad.
Ang isang maaaring tugon na dapat isinasagawa ng mga lokal na pamahalaan ay ang pagtatakda ng mga ligtas na lugar kung saan maaaring ilipat ang mga naninirahan sa mapanganib na mga lugar at makapagtayo sila ng permanenteng pabahay at pamayanan. Ngunit ang madalas na nagiging balakid sa ganitong solusyon ay ang kakulangan ng lupang kayang bilhin ng mahihirap. Pwede naman sigurong ang pamahalaan ang umako ng pagbabayad ng halaga ng lupa, at imbis na paulit-ulit na gumagastos ang gobyerno sa ayuda at rehabilitasyon, bakit hindi na lang gugulin ang pondo para sa permanente at tuluy-tuloy na pagpapaunlad ng buhay ng mahihirap?
Ang paggawa ng bagay na ito ay hindi lamang kawanggawa para sa mahihirap, kundi isang bagay na hinihingi ng katarungang panlipunan (o social justice) at katarungang pangklima (o climate justice). Ito ang malinaw na mensahe ni Pope Francis sa Laudato Si. Kung tutuusin, dahil sa uri ng pamumuhay ng mga mahihirap, kakaunti ang kontribusyon nila sa pagtaas ng temperatura ng klima sa mundo. Hindi sila sumasakay sa mga pribadong kotse o mga eroplanong gumagamit ng mapinsalang krudo o fossil fuel. Maaaring ang ilan sa kanila ay nagsasagawa ng mapinsalang pagkakaingin sa mga gubat, pero tiyak na hindi ito kasing mapaminsala ng ginagawa ng mga kumpanyang nagtotroso at nagmimina. Subalit pagdating sa pagdanas ng mga pinsalang dulot ng climate change, ang mahihirap ang mas madalas tamaan ng mga ito, at halos buong kabuhayan at ari-arian nila ang nawawala. Dahil dito, tungkulin ng estadong iwasto ang ganitong kawalan ng hustisya.
Sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, itinuturo ng Simbahang ang lahat ng mga bagay na nilikha ay dapat pinakikinabangan ng lahat. Ito ay totoo sa lupang maaaring pagtayuan ng bahay, malayo sa mga peligro ng baha, daluyong, at pagguho ng lupa. Ang lupang ligtas ay dapat maaaring kamtin at pakinabangan ng lahat, hindi lang ng mga maykaya. Ito ay kaloob ng Diyos para sa lahat ng mga anak Niya.
Mga Kapanalig, sa gitna ng laganap na kahirapan at pagdurusa ng marami sa ating lipunan ngayon, marahil ay ito rin ang dahilan ng naging tugon ni Hesus sa Marcos 10:21 sa lalaking mayaman na nagtanong sa Kanya kung ano ang dapat niyang gawin upang magmana ng buhay na walang-hanggan. Ang wika ni Hesus sa lalaki, “Humayo ka, ipagbili mo ang lahat at ibigay mo ang salapi sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.” Ang hinihingi ni Hesus sa atin ay ang sumunod sa Kanya, sa Kanyang radikal na pag-ibig na handang bumitiw sa lahat ng yaman sa mundo upang ipakita ang pagmamahal sa kapwa at kamtin ang kayamanan ng langit.






