Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

DAILY HOMILIES

TEARS

 7,634 total views

Homily for Mass for the Easter Octave Mass for the Eternal Repose of Pope Francis, Jn 20:11-18

It is the Octave of Easter. We’re supposed to be rejoicing, not grieving. Pope Francis himself said in his last Easter Message to the universal Church: “Today at last, the singing of the Alleluia is heard once more in the Church, passing from mouth to mouth, from heart to heart, and this makes the peopleof God throughout the world shed TEARS OF JOY. In the Philippines, many of our people shed tears of joy when they join the traditional Ritual of the SALUBONG. We usually fix our gaze on the image of the Blessed Mother, whose face is covered by a black veil, and await the angel’s descent. We let out a collective gasp as that nervous little child, dressed as an angel, is suspended in mid-air, struggling to reach and grab the black veil. But the moment the angel-child succeeds, pulls up the veil and flies away with it so that the face of the grieving mother could now behold the face of her risen Son. It is then that we usually burst in thunderous applause and strangely, our eyes well up with tears.

Is it okay to weep when we should be rejoicing? We can relate well with today’s Gospel about Mary Magdalene—weeping, after she discovered an empty tomb. Take note how she is made to answer the same question twice: “Why are you weeping?” First, in answer to the angel. And second, in answer to the Risen Jesus himself. The message seems clear—weep if we must, but we have to be able to say why we are weeping. Mary Magdalene had to account for her grief and sense of desolation by saying, “They have taken away my Lord… And we do not know where to find him.”

There are simply too many situations in life when we find ourselves expressing the same lament as Mary Magdalene’s, times when God seems to have been taken away from us. Even Saint Mother Teresa of Calcutta lamented how, in most of her prayers, she felt a deep vacuum, not a consoling presence, but the unbearable desolation of God’s apparent absence.

How, indeed, can we feel the presence of God in situations where indifference prevails, where the innate dignity of our humanity is eclipsed by cruelty and apathy? When the thousands or even millions of victims on the waysides of modern societies continue to await a Good Samaritan? Pope Francis used to call attention to them in his Angelus messages—those dying under the rubble of bombed shelters in countries torn by armed conflicts, migrant refugees who float aimlessly for days in the open seas inside dilapidated boats, begging for a little mercy and compassion.
But we have more reason to be worried when people do not weep anymore, when they couldn’t care less. That’s when we see signs that our humanity, has, as it were been taken away from us. Pope Francis himself once said, “We can see more clearly only with eyes washed by tears.”

Jesus once told his disciples that it is when the bridegroom is taken away from them that the wedding guests will fast. Today, we weep and mourn the passing of our beloved Jorge Mario Bergoglio, who despite his advanced age was able to serve as successor of Peter, Bishop of Rome, and supreme bridge-builder of the universal Church. He has taught us to treat, not just fellow Catholics, not just fellow Christians, not just fellow believers, but all human beings or even all fellow creatures in our common home as fellow travelers in a common journey as fellow pilgrims of hope. Like St. Peter and the other disciples, we are led ashore after a night of fruitless fishing, only to encounter him there by the bonfire, inviting us to a meal already prepared by him.

He alone could turn our meals of denial and betrayal into meals of forgiveness by giving us of his own body and blood as food and drink so that we could be transformed ourselves into members of his risen body, in the Church. He offers his body, wounded and scarred for broken people like you and me, so that we can partake of his glory. All he asks of us is one word of love for every word of denial. It is more than enough to restore us and turn us into participants in his resurrected life, and in his redemptive mission. Let us therefore allow our tears of sorrow to be transformed into tears of joy. Pope Francis has died with the Lord and he now lives on with the Lord as part of the Lord’s Risen Body. He invites us to allow the Risen Lord to draw near to us, to walk with us, to join our conversations, to break bread with us and disappear, so that he can reappear in us and through us.

PAGSALUBONG

 9,992 total views

Homiliya para sa Paskong Pagkabuhay 2025, Juan 20:1-9

Kung may kakaiba o natatangi tungkol sa Pilipinong pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay, ito ay walang iba kundi ang ating Ritwal ng Salubong. Hinahanapan ko ng salitang Ingles ang Salubong, wala akong maisip na salitang talagang katumbas. Pwede bang TO MEET? Pwede, pero hindi naman lahat ng kinakatagpo natin ay sinasalubong natin. Pwede bang TO LOOK FOR SOMEONE? Pwede, dahil kailangan mo talagang hanapin ang sasalubungin mo, pero hindi naman lahat ng naghahanap ay natatagpuan ang hinahanap, di ba? Pwede bang TO WELCOME? Pwede pero pwede ka ring maghintay lang sa bahay para magwelcome. Ang mas katumbas ng welcome ay PAGPAPATULOY. Ang sumasalubong ay lumalabas para hanapin at makatagpo ang hinihintay. Parang kombinasyon siya ng maraming salita sa Ingles—to meet, to look, to welcome.

Pwedeng mangyari na tulad nina Maria Magdalena, Pedro at Juan, lumabas nga sila, tumakbo, naghanap, pero wala pa ring nasalubong. Sa totoo lang sa kuwento ni San Juan, hindi naman si Maria Magdalena ang sumalubong sa Kristong muling nabuhay. Baligtad, si Hesus ang sumalubong sa kanya. Binulaga pa nga siya, di ba? Dahil nakilala lang siya nang bigkasin ni Hesus ang pangalan niya—Maria! May alam akong nagpunta ng airport, hindi nakita ang sinasalubong dahil maling airport pala ang pinuntahan.

Baka naman dumating na ang sinasalubong at nagtaxi na lang siya pauwi. Di mo siya nakita dahil sa dami ng mga taong mayroon ding sinasalubong. Kaya nga iyung ibang sumasalubong humahawak pa ng karatula para mas madali silang makita ng sinasalubong.

Di ba mayroong kantang “Tie a Yellow Ribbon”? Maganda ang kuwento ng kantang iyon. Tungkol sa isang lalaking nabilanggo pero lumaya na. Sumulat sa asawa para sabihing uuwi siya, pero hindi siya sigurado kung tatanggapin pa ba siya dahil sa mga pagkakamaling nagawa niya sa buhay. Kaya pala ang sabi ng kanta:

Whoa, tie a yellow ribbon ’round the ole oak tree
It’s been three long years
Do ya still want me?
If I don’t see a ribbon ’round the ole oak tree
I’ll stay on the bus, forget about us, Put the blame on me
If I don’t see a yellow ribbon ’round the ole oak tree
Yun lang daw. Kahit hindi mo ako salubungin, sabi niya, magtali ka lang ng yellow ribbon sa oak tree na malapit sa bahay natin, sapat na iyon para malaman kong welcome pa ako. Pero kung hindi, di ako bababa sa bus, ok lang na kalimutan mo na ako. Kaya kinausap daw niya ang bus driver nang malapit na sa kanila na maghinay-hinay nang kaunti. “Kung pwede ho, kayo na lang ang tumingin kung meron bang nakataling yellow ribbon. “ Di daw niya matiis pag nakita niyang walang yellow ribbon, dahil ibig sabihin hindi na siya welcome.
Pero laking gulat daw niya nang hindi lang ang driver kundi pati ibang pasahero sa bus ang napasigaw sa nakita nila. Sabi ng kanta,
Now the whole damned bus is cheerin’
And I can’t believe I see
A hundred yellow ribbons ’round the old oak tree

Hindi niya mapaniwalaan ang tumambad sa paningin niya: hindi lang isa kundi daan-daang mga yellow ribbons ang sumalubong sa kanya, nakatali sa bawat punongkahoy kahit malayo pa sa bahay nila. Ito ang background kung bakit sumikat ang kantang ito sa Pilipinas noong 1986.

Sa ibang mga alagad na may atraso, lalo na sa mga umabandona kay Hesus sa kalbaryo mahirap maganap ang salubong. Nagsipagtago kasi sila sa takot na baka arestuhin din sila at bitayin sa krus. Ang mensahe ng Pagkabuhay ay—kung ibig mong sumalubong, lumabas ka, huwag matakot, lumantad ka sa liwanag.

Si Magdalena lumabas na nga pero hindi pa rin niya makita si Hesus. Di ba may kasabihan, kung ahas lang iyan baka natuklaw ka na. Nasa harapan na niya, hindi pa rin makilala dahil sa tindi ng pagkalungkot at pagluluksa niya. Kaya pala ang simbolo ng salubong ay belong itim. Maraming kahulugan ang belong itim ng SALUBONG. Madre Dolorosa ang tawag sa mahal na inang sumasalubong—ang Mahal na inang natatakpan mula ulo hanggang paa ng damit na panluksa.

Kapag pati puso at kaluluwa mo ay madilim, talagang hindi mo makikita ang liwanag. Lahat ng nasa pakligid mo ay didilim din. Katulad ng nagaganap sa atin bansa. Paano natin makikita ang mga kandidatong may tunay na malasakit sa bayan kung hahayaan nating matakpan ang mga mata natin ng ayuda? Baka ang inaakala natin tulong talaga, pero pera din pala ng bayan na ipapautang-na-loob sa atin ng mga tipo ng lider na maitim ang budhi, lalo na ng mga sanay sa pagpapatron? Paano natin makikita ang totoo kung magpapadala tayo sa propaganda at maling impormasyon porke’t nagba-viral sa social media? Paano natin masisilayan ang pag-asa kung napupuno ng galit pagkamuhi ang ating mga kaluluwa laban sa isa’t isa? Paano masisilayan ang liwanag kung hahayaan natin udyukin sa kalooban natin ang sama ng loob at hinanakit? Mananatiling madilim ang bukas para sa susunod na henerasyon kung hahayaan natin ang takot at pangamba na pigilan tayong manindigan para sa tama at matuwid!

Sabi ng Panginoon, “Kung masama ang iyong paningin, ang buong katawan mo ay mapupuno ng kadiliman. Kung ang akala mong liwanag na nasa iyo ay kadiliman pala, napakatindi ng kadilimang iyan!”
Minsan kailangan natin ng tulong sa paghahanap. Kailangang matutong magmasid at kumilatis sa mga palatandaan na gagabay sa atin patungo sa tamang direksyon. Kaya mahalaga sa mga nakababata ang makinig sa karanasan at pinagdaanan ng mga nakatatanda. Kung hindi, baka sila maligaw at walang masalubong na hinaharap sa buhay. Ang hindi sumasalubong ay walang pasalubong.
Apatnapung araw tayong naghanda para sa araw ng ito ng Pagkabuhay, ang araw ng Pagsalubong. Pero limampung araw pang naghintay ang mga alagad bago natanggap ang Pasalubong sa Araw ng Pentekostes. Sinabi daw ni Hesus sa kanila, “Tatanggap kayo ng kapangyarihan sa pagbaba ng Espiritu Santo sa inyo, upang kayo ay maging mga saksi ko sa Jerusalem, sa Judea at Samaria at sa sangkalupaan.”

Kaya tayo sumasalubong dahil hinihintay natin ang pasalubong ng Pagkabuhay—ito ay walang iba kundi ang Espiritu Santo, na magbibigay pag-asa sa mga nasisiraan ng loob. Siya ang magbubuklod sa atin at mananatiling kapiling natin, para kahit mawala siya sa ating paningin, naroon pa rin siya, dahil siya at tayo ay magiging iisa na. Siya ang magbibigay ng happy ending sa mga kuwento nating madalas maging masaklap, mapait at malagim.

Tinanong ko ang isang kabataan kung ang Merry Christmas sa Tagalog ay Maligayang Pasko, ano naman ang Happy Easter? Sabi niya Happy Easter din po. Iyung mga matatanda ang alam nila ay Maligayang Paskong Pagkabuhay. May suggestion ako, ipauso natin. Mula ngayon, ang gawin nating Pilipinong pagbati ng Happy Easter ay MALIGAYANG PAGSALUBONG!

EKSENANG KARUMAL-DUMAL

 21,966 total views

Homiliya sa Biyernes Santo 2025

Mga kapatid, ngayong hapon ng Biyernes Santo, tahimik tayong nagtitipon sa harap ng isang larawang karumal-dumal, ang imahen ni Hesus na nakabayubay sa krus. At sa kabila ng ating debosyon, minsan tila nalilimutan natin kung gaano karahas at kalupit ang eksenang ito sa tunay na buhay.

May isang aleng nagtanong sa akin noong ako’y kabataan pang pari: “Ano po ba talaga ang suot ni Hesus nang ipinako siya sa krus?” Mayroon daw kasi siyang nakitang krus na naka-suot balabal daw si Hesus na parang kasulya ng pari. Sabi ko, “Malamang ay wala.” Dahil natigilan siya, inulit ko pa na malamang hubo’t hubad siya. Ipinaliwanag ko sa kanya na bahagi talaga ng parusang kamatayan sa krus ng imperyong Romano noon ang pagpapahiya lalo na sa mga rebelde. Na kusang inilalantad pati ang maselang bahagi ng katawan hindi lang para saktan sila, kundi para hamakin nang husto ang anumang natitirang dangal ng kanilang pagkatao.

Pero siguradong itatanong ninyo, “Kung gayon, bakit may nakabalabal na kaunting saplot sa kanyang baywang?

Hindi iyon para sa kanya kundi para sa ating mga tumitingin—para hindi tayo mahiyang tumingin. Ang hiya kasi sa mga sibilisadong tao ay hindi lang sa panig ng ipinahihiya kundi sa panig din ng tumitingin. (Kaya nga si Hesus ay yumuko at nagsulat nang minsang kaladkarin ng mga pariseo sa harapan niya ang babaeng nahuli nila sa pakikiapid.)

Ginagawa din ito ngayon sa AI generated censorship sa social media: pinalalabo (o bina-blur) ang mga maseselang bahagi sa mga eksenang may kahubaran, gayundin ang mga eksenang mararahas.
Kung gayon, kung susundin ang prinsipyo ng censorship, dapat sana ang buong katawan ni Hesus sa krus ay i-blur na rin. Dahil napakatindi ng dating. At sa mga pamantayan ng tao, nakakadiring pagmasdan. Pero mga kapatid, ito na nga mismo ang punto. Hindi dapat palabuin o takpan. Ang krus ay para bang sadyang itinututok sa ating mga pagmumukha, para hindi natin maiwasang titigan ito—para gisingin nito ang ating pagkatao.

Naalala siguro ninyo ang minsan ay naikuwento ko na sa inyo tungkol sa isang pamangkin kong babae, noong mga four-years old pa lang ito at gumawa ng eksena sa loob ng simbahan. Unang beses niyang makita noon ang imahen ni Hesus na nakapako sa krus—hubad, duguan, may koronang tinik, at puno ng sugat. Bigla nag-iiyak ang bata, nag-hysterical, kinulit ang nanay na ibaba daw si Jesus dahil nagdudugo, dalhin daw sa ospital! Tulungan daw siya at kawawa naman. Tuloy lumabas sa kumpisalan ang pari dahil naistorbo. Hindi tumigil ang bata sa pag-iyak hangga’t hindi in-assure ng pari na ipapaospital niya si Jesus.

Iyan ang dalang epekto ng tunay na pagtingin sa krus—hindi art appreciation, kundi pagkabigla, pagkagalit, o pagkahabag.

Naalala ko rin ang maintenance man namin sa dati kong parokya. Sa bawat pasok niya sa simbahan, kapag nag-genuflect sa harap ng tabernakulo, tinatakpan niya ang kanyang mga mata. Tinanong ko siya, “Bakit?” Sagot niya, “Ayokong tingnan si Kristo sa krus. Hindi ko kayang tiisin ang itsura niya. Lagi akong naiiyak.” Hindi siya nasanay.

Iyun na nga marahil ang punto: HINDI TAYO DAPAT MASANAY!

Hindi tayo dapat matulad sa pari o sa Levita sa talinghaga ng Mabuting Samaritano—na dumaan, napasulyap lang nang mabilis, at nagpatuloy agad sa kanilang lakad. Bakit Kaya? Siguro dahil ang sinasakyan nila ay kabayo—mas mataas, mabilis, at diretso ang takbo, hindi puwedeng tumigil hangga’t hindi pine-preno ng pasahero.

Palagay ko dahil donkey o asno ang sakay ng Samaritano—dahil mabagal ang lakad nito at madalas huminto, madaling matawag ang pansin ng mga dinadaanan. Kaya siguro nakita nang mas malapitan ng Samaritano ang biktima. Kaya napukaw ang kanyang damdamin. Nadurog ang puso niya. Napilitan siyang tumulong.

Ganyan din ang layunin ng krus: upang tayo’y matigilan, mapatingin, at masaktan. Sabi sa Kasulatan, “Pagmamasdan ang kanilang sinaksak, at sila’y tatangis para sa kanya…”. Kaya rin maraghil inutusan ng Diyos si Moises na magpulupot ng tansong imahen ng ahas sa poste. Ito’y larawang may kaugnayan sa pagtataas ng Anak ng Tao sa krus. At kung paanong ang pagsulyap sa kasalanan at sa sugat ay maaaring maging daan ng kagalingan—kung pagmamasdan ito ng tao.

Sa ating panahon, sino ba ang gustong tumingin sa mga larawan ng karahasan?

—Sino ba ang mag-eenjoy manood sa video ng mga bangkay ng mga batang Palestino na hinuhukay mula sa guho ng mga pinasabog na tirahan nila sa Gaza?

—Sino ba ang titingin sa mga hostage na binabaril sa ulo ng mga terorista?

—Sino ang mapapatingin sa isang inang nakahandusay sa kabaong ng anak niyang namatay sa lindol?

—Sino ang ibig tumingin sa duguang bangkay ng isang taong nasagasaan sa kalsada? Kaya nga tinatakpan sila ng kumot.

-Sino ang ibig tumingin noong kasagsagan ng drug war sa mga biktima ng EJK na nakabalot ng packaging tape ang tinortyur na katawan at may nakasabit pang karatula sa leeg?

Minsan pinopost pa ito sa social media, katulad ng karumal-dumal na litrato ng hubad na katawan ng negosyanteng Chinese, na nakatali pa ng lubid.

Pero minsan, ang tunay na layunin ng mga larawang ito ay hindi kabastusan, kundi paggising. Paggising sa puso ng lipunan.

Mga kapatid,
Bawat pagtitig natin sa krus ay paanyaya:
“Huwag kang tumingin at magpatuloy lang.”
“Tumingin ka, at hayaang mabasag ang puso mo.”
Dahil bawat sugatang nilapitan mo, bawat biktimang tinulungan mo,
—Siya rin ang unang tumawag sa puso mo para gisingin ang iyong awa.
At sa awa mong ‘yon, naliligtas ang iyong pagkatao.
Ang bawat Simon ng Sirene na napilitang tumulong…
Ang bawat Samaritano na tumigil at nadurog ang puso…
Ang bawat taong napaluha sa paanan ng krus…
—Lahat sila ay tumatanggap ng grasya. Lahat sila ay nakikibahagi sa kasaysayan ng kaligtasan.
Ang krus ay hindi lang simbolo.
Ito ay salamin.
Isang salamin na nagpapakita kung sino tayo, at kung sino tayo tinatawag na maging higit pa sa likas nating pagkatao.
Huwag tayong masanay.
Hayaan nating ang Krus ang gumising sa atin, gumimbal at magligtas sa atin.

Amen.

KAIN NA

 10,853 total views

Homiliya para sa Misa ng Huling Hapunan ng Panginoon

Huwebes Santo 2025

Mga kapatid, ngayong gabing ito, ipinagdiriwang natin ang tatlong malalalim na biyayang iniwan sa atin ng Panginoon sa Huling Hapunan: ang Eukaristiya, ang Pagpapari, at ang Utos ng Pag-ibig sa pamamagitan ng paglilingkod.

Pero nais kong pagtuunan ng pansin ngayong gabi ang isang napakatinding paanyaya ng Panginoon: ang “Kainin ninyo ito, ito ang aking katawan. Inumin ninyo ito, ito ang aking dugo.”
Sa Unang Pagbasa, narinig natin ang utos ng Diyos kay Moises: “Kumuha kayo ng isang kordero, ihanda ito, lutuin, at kainin ng buong sambahayan.” Ito ang naging ritwal ng Paskuwa ng mga Israelita. Ang dugo ng kordero ang naging tanda ng kanilang kaligtasan sa gabi ng paglaya mula sa Egipto. Kaya’t sa ating pananampalataya, ang korderong iyon ay inangkin ng ating tradisyong Kristiyano bilang larawan ni Hesus, ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.

Ngunit isipin ninyo ito: ano ang pakiramdam ng kainin ang isang taong itinuturing mong kaibigan, guro, Panginoon? Ang nagsabi ng “Kainin ninyo ito” ay mismong taong minamahal mo. Paano mo kakainin ang kaibigan mo?

Naalala ko tuloy ang isang kuwento ng aking kapatid na si Nestor. Noon, bumili si Nanay ng biik. Pinalaki niya ito para ibenta sa nalalapit naming pista sa aming bayan. Pero si Nestor, naaliw at napamahal sa biik. Inalagaan niya ito, pinaliguan, pinakain, nilambing. Binigyan pa nga niya ito ng pangalan. Kaibigan na ang turing niya sa biik.

Dumating ang araw ng pista. Ibinenta na ang baboy, at bilang bahagi ng kabayaran, may kaunting karne na dinala si Nanay pauwi. Niluto niya ito bilang ulam sa hapunan. Nang malaman ni Nestor kung sino ang laman ng sinigang, tumayo siya, lumabas ng bahay, at tumangging kumain. “Hindi ko kayang kainin ang kaibigan ko,” aniya.

Ganyan din ang naging damdamin ni Pedro nang nilapitan siya ni Hesus upang hugasan ang kanyang mga paa. “Huwag, Panginoon. Hindi ko kayang payagan ito.” At ganoon din marahil ang damdamin ng mga taong tumiwalag kay Hesus nang marinig nilang sinabi niya, “Ang aking laman ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin.”

Napakalakas ng dating. Sino ang hindi mabibigla o maiiskandalo sa ganitong pangungusap?

Pero ito nga ang diwa ng Eukaristiya: ang lubos na pagbibigay ng sarili ng isang umiibig. Ang isang tunay na nagmamahal, handang ialay ang kanyang katawan at dugo—ang kanyang buong pagkatao.
Hindi sapat kay Hesus na sabihin lang na mahal niya tayo. Ibinigay niya ang sarili niya mismo sa atin—bilang pagkain, bilang inumin, bilang buhay na nagbibigay-buhay.

At bakit? Dahil hindi tayo puwedeng makibahagi sa kanyang misyon kung hindi muna tayo makikibahagi sa kanyang buhay.

Kung hindi natin siya tatanggapin sa ating pagkatao, paano natin siya maipapamalas sa ating kapwa?

Sa bawat pagtanggap natin ng Eukaristiya, sinasabi ng Panginoon:

“Hindi mo lang ako tinitingnan, hindi mo lang ako pinapakinggan. Tanggapin mo ako. Kainin mo ako. Hayaan mong busugin ka ng aking laman at dugo. Sa ganitong paraan, magiging bahagi ka ng aking katawan. At bilang kabahagi ng aking katawan, ikaw ay magiging katuwang sa aking misyon ng pagtubos sa sangkatauhan.”

Kaya’t ngayong gabi, habang isinasagawa natin ang paghuhugas ng paa, tandaan natin—ito ang tanda ng pagkaing tinanggap natin: na tayo rin ay magiging tagapaghugas ng paa ng ating kapwa. Hindi ito seremonyas lang. Ito ay pagsasabuhay ng Eukaristiya.

Mga kapatid, huwag tayong matakot sa lalim ng pag-ibig ng Diyos. Huwag nating atrasan o tanggihan ang paanyaya ni Hesus.

Kaya nasabi niya kay Simon Pedro, kung hindi mo ako pahihintulutang hugasan ka, hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.

Ngunit kung tatanggapin mo ako, ikaw man ay magiging tagapaghugas ng paa, tagapagpasan ng krus, at tagapagbahagi ng buhay.

Kaya’t ngayong gabi, habang binabasbasan natin ang tinapay at alak, habang hinuhugasan natin ang paa ng isa’t isa, muling umuukit ang Panginoon ng kanyang utos sa ating puso:
“Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa akin.”

Alalahanin natin siya—hindi lamang sa panalangin, kundi sa ating pakikibahagi sa kanyang buhay, sa kanyang pag-ibig, at sa kanyang misyon.

Amen.

FULFILL YOUR MINISTRY

 9,891 total views

Homily for Chrism Mass 2025

My dear brother priests and our beloved priestly people, magandang umaga po sa inyong lahat.

Every year, on Maundy Thrusday morning of the Holy Week, we gather together not just to bless the fresh oils for the sacramental acts of anointing to be celebrated in all our Churches throughout the year. But more importantly, we do this in order to be reminded of our deepest identity as a people anointed for mission. And the line from today’s Gospel that echoes in my heart is this: “He has anointed me.” Can you please say that to yourself now?

It is easy to think of anointing in terms of honor, dignity, and even distinction. But in Scripture, anointing is never for status—it is always for mission. The Spirit of the Lord is given, not just to elevate, but to send: to bring good news to the poor, to proclaim liberty, to heal, to console, to celebrate a Jubilee where debts are forgiven. Imagine owing a lot of money and unable to pay it to the point of fearing losing your land and your home or even landing in jail, only to be told, “Wala ka nang utang!” Please say that to each other. Of course you would want to know who had paid it for you. Tomorrow, on Good Friday, you will have your answer when you look up at the cross, being unveiled before you in stages, to reveal to you the broken body of the one who has paid our debts dearly with his own life, for love of us.

The good news of the cross is the same Jubilee message that came out of the mouth of Jesus when the Spirit anointed him to fulfill in his life and mission the words of the prophet Isaiah. This is the same Spirit that anointed David, the shepherd boy, after Samuel found him among Jesse’s sons. And in today’s responsorial psalm, we hear the Lord say, “I have anointed him so that my hand may always be with him, and that my arm may make him strong.” That is what ministry is about. It is not about us carrying out our personal projects or ambitions. It is about participating in the Lord’s mission.

Jesus stood up in the synagogue to read the Scripture. But he sat down afterwards, perhaps expecting that the old Rabbi of his hometown might share a reflection on what he had read. But Luke tells us “All eyes were fixed on him.” He had already sat down with the people to listen, but the people’s eyes continued to be fixed at him, silently begging him with a non-verbal request, “Please, let God speak to us.”

He did not stand up. He remained seated as he acceded to the request. And the words that he said contained the shortest homily ever delivered, which said, “This Scripture passage is fulfilled this very moment.” Fulfilled—not in a vacuum, but in his very person. I have read the same passage and now your eyes are fixed on me. But I want you today to fix your eyes on each other as members of his one Body, the Church. That includes, not just us ordained ministers, but also all of us, the baptized. Through baptism and confirmation we all have received the same anointing to be part of the Lord’s mission. We all are called to fulfill this Scripture passage. It is what our anointing is for.

Let me say this clearly to my brother priests: we were not anointed in order to monopolize the anointing. We were anointed to serve the anointed. That is the profound beauty of our priesthood: we exist so that the whole community may live fully its identity as a priestly people.

We are ministers, not proprietors, of God’s grace. And the anointing we carry is meant to be generously shared, poured out abundantly, passed on like the five loaves and fishes that had been blessed, broken and given, so that the whole Church, nourished by his own body and blood, may be a beacon of hope and healing in our wounded world.

This is especially urgent in our Philippine context today, where so many of our people—especially the poor—are tempted to fall into despair, apathy, or bitterness. Instead of hope, what many of our leaders sow is resentment, the tendency to look for someone to blame for our misery. Instead of truth, we are flooded with disinformation and falsehood, especially through the social media.
But we cannot allow this tide to sweep away our mission. We have been anointed for such a time as this. To be agents of hope to the brokenhearted, liberation for those languishing in the dark prison cells of addiction (especially to online gambling through casinos that are now made legal and available 24/7 to bleed you white of your hard-earned money), healing for those wounded by indifference (especially to the families of victims of lawless “law enforcers”), and consolation for those who are grieving—those who need to hear the Lord who said, “I will be with you always until the end of time.” That is our vocation—not only as clergy, but as Church.

I am reminded of St. Paul’s charge to Timothy:

“The time will come when people will not tolerate sound teaching… but you, be self-possessed in all circumstances; put up with hardship; perform the work of a messenger of good news; fulfill your ministry.”

Ministerium tuum imple. That was the episcopal motto of my mentor, the emeritus Archbishop of San Fernando, Pampanga, Abp. Paciano Aniceto whom we fondly call Apu Ceto. “Fulfill your ministry.” Not your own personal agenda, but God’s ministry—the mission of Christ entrusted to his Body, the Church.

It is not so often that you see this many priests co-presiding in the celebration of the Eucharist in this Cathedral. They are here, or should I say, we are all here today to renew our priestly promises today. But dear brothers, let us do so in communion with our faithful, who are themselves anointed and sent.

And to you, beloved lay faithful: please know that your baptismal anointing is not less than ours. You, too, are sent. You, too, are part of the fulfillment of God’s Word in our time. Together, let us be the Body of Christ—anointed and united for mission—to our society and to the world.

Amen.

KAPANATAGAN NG LOOB

 17,446 total views

Homiliya para sa Linggo ng Palaspas, 13 Abril 2025, Lukas 22-23

Salamat sa Diyos at inalis na ang parusang kamatayan sa ating batas sa Pilipinas. Totoo naman kasi na madalas magamit ang batas laban sa mga taong wala namang kasalanan pero gusto lang gipitin ng mga nasa kapangyarihan. At hindi totoo na epektibo ito bilang paraan ng pagsupil sa kriminalidad sa lipunan. Mas delikado sa lipunan kapag ang mismong mga alagad ng batas ang nagiging instrumento ng kriminalidad, lalo na kapag lumakas ang loob nila na abusuhin ang kapangyarihan, kapag sa tingin nila ay hindi sila mapapanagot ng batas, kapag para sa kanila sila na mismo ang batas o hawak nila ang batas.

Sa kasaysayan ng ating bansa, noong mayroon pang death penalty sa atin, iba’t iba ang paraan ng pagbitay na ginamit ng gobyerno. Noong panahon ng gobyernong kolonyal ng Espanya, garrote ang paraan ng pagbitay, katulad ng ginawa sa tatlong paring sina Padre Gomez, Burgos at Zamora, o firing squad naman tulad ng ginawa sa atin bayaning si Jose Rizal. Noong panahon ng mga Amerikano pagbibigti naman ang paraan ng pagbitay o pagparusang kamatayan. At inabot ko pa noong bata pa ako ang silya elektrika noong martial law, at ang lethal injection noong pagkatapos ng martial law. Natigil nga ito noong 2006, pero nauso naman ang EJK pagkatapos—mga iligal na paraan ng pagbitay pero tahimik na sinang-ayunan ng maraming Pilipino dahil sa paniwala nilang mabisang paraan ito ng pagsupil sa kriminalidad.

May narinig ako noon na mga kuwento ng mga paring chaplain na umalalay sa mga binibitay sa Bilibid. Ang iba daw, dahil sa tindi ng kaba at takot sa nalalapit nilang kamatayan, dinadala pa lang sa lugar kung saan bibitayin, nagwawala na sila at nagsisisigaw, ang iba’y nagsusuka, may naiihi sa pantalon, at merong nababaliw.

Ano ang nakikita nating kakaiba sa kuwento ni San Lukas tungkol sa pagharap ni Hesus sa parusang kamatayan sa krus? Una, kalmado siya; panatag ang loob na humarap sa mga umuusig sa kanya. Pangalawa, nanindigan siya na walang katotohanan ang mga paratang laban sa kanya. Pangatlo, pinigilan niya ang paggamit ng dahas, at pinagaling pa niya ang nasugatan na kampon ng mga umuusig sa kanya. Pang-apat, nagpatawad siya; hindi nagbitiw ng mga banta ng paghihiganti. (Itinuring niya sila bilang hibang o nawawala sa sarili.). At panglima, hanggang sa huling sandali nagbibigay pa rin siya ng pag-asa—katulad ng ginawa niya sa tulisan na katabi niyang nabitay sa kalbaryo.

Pero hindi rin totoong hindi siya natakot. Tao rin siya. Subalit hinarap niya ang takot niya sa gitna ng pananalangin niya sa hardin ng Gethsemani, hanggang sa napalitan ito ng kapanatagan ng loob.

Kapanatagan sa pagharap sa pagsubok—ito ang sinisimbolo ng palaspas na minana lang natin sa bayang Israel mula sa karanasang pinagdaanan nila sa disyerto. Kaya pala naging simbolo din ito ng ating mga bayani at martir sa simbahan. Ginawang tanda at sagisag ng pagbibigay-patotoo, sa matibay na pagyakap at paninindigan sa kalooban ng Diyos. Ito kasi ang larawan na ginamit bilang alaala ng bayang Israel, na sa maraming beses ay natukso ring masiraan ng loob sa paglalakbay nila sa disyerto, matapos na tumakas sa pagkaalipin mula sa Egipto. Ang palaspas ay para bang pampalakas-loob sa kanila na magpatuloy sa paglalakbay, sumulong, huwag umatras, humarap sa init, sa pagod, sa uhaw, sa gutom, sa dusa at kamatayan na walang hinahangad sa puso kundi ang makapasok sa Lupang Pangako.

Ganoon kung umusbong ang PAG-ASA. Na kapag madilim ang paligid, sa kalooban, sa puso at diwa tayo maghahagilap ng liwanag na siyang gagabay sa atin upang magtiyaga at magpunyagi. Ganoon kasi ang totoong mga kuwentong buhay natin—hindi naman laging matamis, maginhawa at masarap ang mga daranasin ng taong nagmamahal. Pero pagmamahal din ang nagpapalakas sa atin para harapin ang anumang pagsubok, pagtitiis, pagdurusa na may pananampalataya at tiwalang hindi tayo nag-iisa.

Sa ganitong paraan lamang natin nabibigyan ng saysay at kahulugan ang mga krus sa buhay natin. Mas masakit daw ang magdusa kapag di natin mabigyan ito ng kahulugan. Ito ang pinakamahalagang aral na kaloob ni Kristo sa atin na mga alagad niya. Siya lang ang makapagtuturo sa atin kung paano mapapagaan ang mabibigat na pasanin. Na kung susunod tayo sa landas ng kalbaryo, matatagpuan natin sa kanyang piling ang hinahon, kapanatagan, at tiwala. Na kung haharapin natin ang ating mga pagdurusa at kamatayan bilang pakikiisa sa kanyang pagdurusa at kamatayan ay mabibigyan natin ito ng kahulugan bilang partisipasyon o pakikilahok sa kanyang misyon ng pagtubos sa mundong nakasangla, misyon ng pagpapalaya mula sa pagkakabihag, ang misyon pag-aalay at pagbibigay-buhay sa ikatatagumpay ng paghahari ng Diyos.

“HUDYO” AT “ROMANO”

 5,621 total views

Homiliya para sa Huwebes sa Panlimang Linggo ng Kuwaresma, 10 Abril 2025, Jn 8:51-59

Sa kadahilanang hindi sinasadya, alam n’yo ba na naging sanhi daw ng pag-usbong ng damdaming anti-Semitismo (o kontra-Hudyo) ang ebanghelyo ni San Juan? Naging dahilan daw kung bakit ganoon na lang ang pagkamuhi noon ni Hitler at ng mga Aleman na sumuporta sa kanya laban sa mga Hudyo.

Katulad halimbawa ng binasa nating ebanghelyo ngayon. Ang pambungad na linya ay, “Sinabi ni Hesus sa mga Hudyo.” Pero teka, hindi ba Hudyo rin ang pananampalatayang nakagisnan ni Hesus? Di ba mga Hudyo sina Jose, Maria at mga apostol niya? Dapat siguro itanong muna, sino ba ang kausap ni Hesus sa binasa nating ebanghelyo? Kung paanong Ilonggo ang tawag sa mga taga-Iloilo, Judeo (Hudyo) ang tawag ni San Juan sa kanila dahil mga taga-roon sila sa probinsiya ng Judea. Ang problema ay nasanay na tayong gamitin ang katagang “Hudyo” para tukuyin ang pananampalatayang Hebreo o Israelita. Kung tutuusin, dahil sa probinsiya ng Galilea lumaki si Hesus, hindi talaga siya Judeo kundi kundi Galileo. Ang mga pinunong taga-Judea ang tinutukoy ni San Juan ang tinutukoy na mga Hudyo na nakikipagtalo kay Hesus. Sila rin sa kalaunan ang nagsampa ng kaso laban sa kanya.

Hindi ako nagtataka na sa may bandang dulo ng pagbasang ito, dahil sa galit sa maanghang na pananalita ni Hesus, pumulot daw ng mga bato ang mga nakarinig sa sinabi niya para ipukol sa kanya. Ibig sabihin nasaktan ang damdamin nila sa mga pananalita niya. Noong nakaraang Linggo narinig natin na may hawak ding mga bato ang mga taong ibig magsampa ng kaso laban sa babaeng nahuli diumanong nakikiapid. Pero sa narinig natin ngayon, para kay Hesus na ang mga bato, pero natakasan lang niya. Fast forward, ano ba ang parusang ikamamatay niya? Hindi pagbatong katulad ng ginawa kay San Esteban, at hindi rin pagpugot ng ulo na tulad ng ginawa kay San Juan Bautista, kundi pagpako sa krus.

Ibig sabihin hindi mga Judeo ang nagbitay sa kanya, kundi mga Romano. Ang krus ay ang parusang kamatayan na ipinapataw lamang sa mga nagrerebelde laban sa gobyerno ng Imperyo Romano.
Siguro dapat burahin na natin ang hindi tamang pagpaparatang sa pagbitay kay Hesus sa krus sa mga “Hudyo” para mabura na rin ang nakagisnan nating anti-Semitismo o diskriminasyon na dulot ng maling pag-unawa sa salitang “Hudyo”. Pansinin ninyo—sa tradisyunal nating mga katutubong Pabasa ng Pasyon pag Kuwaresma, paulit-ulit na binabanggit ang mga “Hudyo” para tukuyin ang mga nagpako kay Hesus sa krus. Hindi sila Hudyo kundi mga Romano—ibig sabihin, mga kinatawan ng gobyernong kolonyal ng sinaunang Imperyo ng Roma.

Ngayon heto tayo, di ba parang umikot ang gulong ng palad? Ang Roma na dating kapital ng imperyong sumakop noon sa mga Hudyo at nagpataw ng parusang kamatayan kay Hesus ang naging sentro ng Simbahang Katolika? At ang Santo Papa na simbolo ng pagkakaisa ng mga Kristiyanong Katoliko ang siya ngayong Obispo ng Roma, at ang tawag sa ating mga kabilang sa Simbahang Katolika ay mga Katolikong Romano.

PAGSAMBANG NAGPAPALAYA

 5,623 total views

Homiliya para sa Miyerkules ng Ika-5 Linggo ng Kuwaresma

9 Abril 2025 | Dn 2:14–20, 91–92, 95; Jn 8:31–42

Sapat na sana para sa tatlong kabataang Hudyo sa ating unang pagbasa ang sumunod sa utos ng hari—para hindi sila mapahamak. Simple lang naman ang utos: na sumamba sila sa gintong rebultong ipinagawa ng hari, gaya ng ginawa ng lahat ng mga taga-Babilonia. Pero hindi nila ito ginawa. Pinili nilang suwayin ang hari at harapin ang parusang pagkakatapon sa naglalagablab na pugon. Ayaw nilang sambahin bilang diyos ang isang bagay na, sa paniniwala nila, ay hindi Diyos.

Pakinggan ang matapang na sagot nila sa hari:

“Pasensya na po, O Haring mahal, pero ang Diyos lang namin ang sinasamba namin. Umaasa kaming ililigtas niya kami mula sa naglalagablab na pugon. Pero kahit hindi niya kami iligtas, hindi pa rin kami sasamba sa diyos ninyong iyan.”

Ibig sabihin, ang pananampalataya nila ay hindi nakabase sa resulta—hindi kondisyonal. Hindi nila sinabing sasamba sila sa Panginoon kung ililigtas sila. Malaya na sila—ang tunay nilang kalayaan ay nasa Diyos.

Sa teolohiya at panitikang Kristiyano, kilalang-kilala ang ekspresyong Latin na “Non serviam” (Hindi ako maglilingkod! O ayokong maglingkod). Iniuugnay ito kay Lucifer. Ayon sa isang apokripal na panulat na Judio-Kristiyano na pinamagatang “The Life of Adam and Eve,” kaya raw bumagsak si Satanas ay dahil sa kanyang pagmamataas at pagsuway sa Diyos. Nauna daw na nilalang ng Diyos ang mga anghel mula sa apoy, at pagkatapos nilikha naman si Adan at sangkatauhan. Pero niloob daw ng Diyos na ang tao ang magtataglay ng kanyang hugis at wangis, at inutusan niya mga anghel na maglingkod at magbigay-galang kay Adan. Pero tumutol daw si Satanas at sinabi:

“Bakit mo ako pinipilit? Hindi ako sasamba sa nilikhang mas mababa sa akin. Ako ay nilikhang mula sa apoy, siya’y mula lamang sa putik.”

Kabaligtaran naman ng ugaling ito ang ipinakitang kababaang-loob ni Maria. Nang ipahayag ng anghel ang plano ng Diyos na lulukuban siya ng anghel upang sa sinapupunan nita ay maganap qng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos, ang tugon ni Maria ay “Fiat”—“Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong salita.” Hindi lang siya naging malaya sa pamamagitan ng kanyang pagsang-ayon; naging paraan pa siya ng pagpapalaya ng Diyos sa buong sangkatauhan mula sa pagkaalipin sa kasalanan.

Dalawang uri ng pagsamba ang ipinapakita sa atin ng mga pagbasa: ang pagsambang nagpapalaya at ang pagsambang nang-aalipin. Para sa tatlong binata, ang pagsamba sa gintong rebulto ay pagsuko ng sarili sa kapangyarihan ng hari—isang uri ng pagkaalipin. Ang pinili nila ay ang uri ng pagsamba na nakaugat sa katotohanan at paninindigan, at ito ang nagpalaya sa kanila at naging daan ng kaligtasan nila.

Ito rin ang paanyaya ni Jesus sa ating Ebanghelyo. Kaya sinabi niya, “Kung nananatili kayo sa aking salita, kayo’y magiging tunay na mga alagad ko. Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”

Parang ganito din ang ibig sabihin nating ni Jesus sa Juan 15:15:

“Hindi ko na kayo tinatawag na alipin, sapagkat ang alipin ay walang alam sa ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, tinawag ko kayong mga kaibigan…”
Isang bagong ugnayan sa Diyos angiIpinakikilala sa atin ni Jesus—hindi na ugnayang nakabase sa takot o pagkakaalipin, kundi sa pag-ibig at paninindigan. Ito ang pag-ibig na tunay na nagpapalaya.

Tama nga si San Juan sa kanyang sulat:

“Walang takot sa pag-ibig, sapagkat ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy ng takot. Ang takot ay kaugnay ng parusa, at ang natatakot ay hindi pa ganap sa pag-ibig.” (1 Juan 4:18)

IPAMUKHA

 5,790 total views

Homiliya para sa Martes sa Panlimang Linggo ng Kuwaresma, Bilang 21:4-9; Juan 8:21-30

Mula sa krus, isa daw sa mga huling salita na binitiwan ni Hesus ay, “Ama, patawarin mo sila, hindi nila alam ang kanilang ginagawa.”

Talaga namang kung minsan, lalo na kapag parang nahihibang ang tao sa paggawa ng masama o pagsuporta sa masamang gawain na akala niya’y nakabubuti, para siyang nawawala sa sarili o hindi alam ang kanyang ginagawa. Pwede palang mangyari kung minsan, na ang ginagawa natin ay “wala lang” para sa atin, pero napakalaking bagay pala para sa iba, o napakatinding sakit o pagdurusa pala ang naidulot nito sa iba.

Parang ganito ang naiiisip ko pag naririnig ko ang kuwento tungkol sa iniutos ng Panginoon kay Moises na ipagawa sa mga Israelita para maligtas sila. Na kung sakaling matuklaw daw sila ng mga ahas sa disyerto—gumawa daw sila ng larawan ng isang tansong ahas at ipulupot ito sa isang poste, itaas at iharap sa mga natuklaw. At ang sinuman daw sa mga natuklaw ang makatitig dito ay matatauhan, mahimasmasan. Siya ay gagaling at maliligtas.

Siguro ito ang ibig sabihin ng Filipino idiomatic expression na “Ipamukha mo sa kanya.” Kumbaga sa bruhang reyna nag-aakalang maganda siya at nagsasabing “mirror mirror on the wall, who’s the fairest of them all?” pagtingin niya sa salamin, saka pa lang niya malalaman, napakapangit pala niya, noon pa lang ito matatauhan na siya pala ay isinumpa, at ang gawain niya’y kasumpa-sumpa.
Pag kuwaresma, isa sa mga pagsasanay na itinuturo ng simbahan sa atin ay ang pagsusuri ng budhi na para bang pagkakataon para humarap sa salamin ang kaluluwa at makita ang ating mga pagkukulang at pagkakasala. Ang Tagalog ng “I CONFESS” ay “INAAMIN KO”. Susi sa sakramento ng pakikipagkasundo ang PAG-AMIN. Pero papaano aamin ang isang tao kung hindi niya alam ang ginagawa niya o wala siya sa sarili? Hindi naman tayo aamin at magsisisi kung hindi muna tayo mamulat sa ating ginagawa, sa pwede nating maidulot na perwisyo sa buhay ng ating kapwa.

May alam akong tao, nasabi niya minsan sa akin na kung gaano daw kasama ang pag-uugali noong bata pa siya, ay siya namang ibinuti niya noong tumanda na siya. Pasaway daw kasi siya noong bata pa siya, walang pakundangan sa damdamin ng mga magulang, lalo na kung makasagot-sagot. Pero nang nag-asawa daw siya at nagkaanak, minsan naranasan niyang sagutin siya nang pabalang ng anak niya, at nasaktan daw nang matindi ang damdamin niya. Pero sa sandaling iyon, para daw niyang nakitang bigla ang sarili niya sa salamin at naisip ang pagsagot-sagot niya sa magulang niya noong bata pa siya, at noon lang siya natauhan sa matinding sama ng loob na naidulot niya lalo na sa nanay niya noong maliit pa siya. Hindi alam ng anak na sa masamang pag-uugali niya, naipamukha nito ang masamang pag-uugaling sa nanay pala niya mismo nakuha.

Ganyan pala ang silbi ng krus. Masyado na lang tayong nasanay: pero isang napakatinding kalupitan ang tinititigan natin kapag tumitingin tayo sa krus: larawan ng Diyos na hindi lang yumakap sa ating pagkatao, niyakap din niya ang ating kasalanan at kawalan ng utang na loob. Ang larawan ng Anak ng Diyos na tumanggap ng pananakit at walang kasing-tinding pagmamalupit ng ng tao, para lang mailigtas ang tao. Ito ang ipinamumukha sa atin ng krus; at ito rin ang susi ng ating pagkahimasmas para tayo matauhan, gumaling at magbago.

AT YUMUKO SIYA

 6,336 total views

Homiliya para sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, Ika-6 ng Abril 2025, Juan 8:1-11

Dalawang beses daw yumuko si Hesus. Una, nang iharap ang babae sa kanya at tanungin siya kung ano ba ang nararapat sa babaeng ito ayon sa Batas ni Moises. Pangalawa, matapos niyang sabihin, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato.” Yumuko daw siya at nagsulat sa lupa.

Ako sa palagay ko, kunwari lang siyang nagsulat. May ibang dahilan kung bakit siya yumuko. Hindi ba ginagawa rin natin ito noong mga estudyante pa tayo? Kapag may mahirap na tanong si titser at tumitingin sa mga estudyante kung sino ba ang nakakaalam sa sagot, sigurado lang iyung iba yuyuko at magsusulat. Pero pag tiningnan mo ang notebook nila, wala namang isinusulat. Kunwari lang na nagsusulat. Para hindi obvious na ang dahilan ng pagyuko ay para makaiwas sa question ni Titser.

So, ano ang dahilan ng pagyuko ni Hesus? Tingnan muna natin ang sitwasyon. Kinaladkad daw ng isang grupo ng mga Eskriba at Pariseo ang isang babaeng diumano’y nahuling nakikiapid para iharap ito kay Hesus. Nasa gitna siya noon ng maraming taong nakikinig sa kanyang pagtuturo. Sabi sa ebanghelyo, ang tunay na pakay ng mga Eskriba at Pariseo ay para hulihin siya sa kanyang sasabihin tungkol sa kaso, para may maisakdal laban sa kanya. Sa madaling salita, hindi talaga ang babae kundi si Hesus ang kanilang pinupuntirya.

Alam naman nila na ayon sa batas ni Moises, hindi lang ang babae kundi pati ang lalaking nahuli sa pakikiapid ang mahahatulan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbabato sa publiko.
Pwedeng kwestyunin ni Hesus kung bakit babae lang ang inaakusahan nila. Kung totoong nakiapid siya, nasaan ang kalaguyo? Di ba dapat pareho silang parusahan ng kamatayan ayon sa batas? Nasusulat iyon sa Leviticus 20 at Deuteronomy 22.

Pero kapag sumagot nang ganito si Hesus, ibig sabihin sumasang-ayon siya sa parusang kamatayan. Kung may isang bagay tungkol sa batas na mukhang hindi komportable si Hesus, isa na dito ang parusang kamatayan para sa mga tipo ng kasalanan na nakalista sa batas ni Moises. Kaya imbes na sumagot, yumuko lang muna siya. Hindi naman kasi lahat ng tanong ay dapat sagutin kaagad, lalo na ang mga tanong na ang datíng ay parang patibong. Kumbaga sa chess, inisip munang mabuti ni Hesus kung saan papunta ang galaw nila.

Isa pang dahilan ng kanyang pagyuko ay upang huwag tumingin sa babae. Ayaw ni Hesus na makisali sa maraming taong humahatol sa kanya. Para kay Hesus, ang pagparusa ay hindi lang sa pambabato nagsisimula. Sa pagtingin pa lang o pagtitig sa akusado parang nahuhubaran na ng dangal ang taong tinititigan. Kusang iniwasan ni Hesus ang tumingin dahil ayaw niyang makiisa sa pagyurak sa anumang natitirang dignidad ng babae. Kaya siya yumuko.

Palagay ko ito ang dahilan kung bakit sa mga tradisyunal nating mga kumpisalan sa simbahang Katoliko, may divider at may kurtina sa pagitan ng pari at ng nangungumpisal. Sa Ingles, ang tawag dito ay “saving face”. Hindi kailangang ipakita ng nagkasala ang mukha niya. Ang pagpapakumbaba niya sa pamamagitan ng pag-amin sa ginawang kasalanan, ang tinig ng pagsisisi at pagnanais na makipagkasundo ay sapat na. Kusang tinatakpan ng pari ng kurtina ang lugar ng nangungumpisal para hindi niya makita ang mukha, kahit kilala pa niya ang boses. Ito’y upang hindi “mawalan ng mukha” (“lose face,” sa Ingles) o mapahiya ang nangungumpisal, upang lumakas ang loob niya sa kagustuhan niyang mapanumbalik ng Diyos ang dangal ng kanyang pagkatao.
Sa Bibliya, sa aklat ng Genesis, sinasabi sa Gen 3:21, bago daw pinalabas sina Adan at Eba mula sa Paraiso, dinamitán muna sila ng Diyos ng balat ng hayop. Ibig sabihin tinakpan muna ang kahubaran nila.

Ang ginagawa ng maraming tao ngayon na panghihiya sa kanilang kapwa-tao sa social media ay walang ipinagkaiba sa sinaunang parusa ng pambabato sa mga makasalanan. Hindi na sa mga plaza o patio kinakaladkad ngayon ang nagkasala kundi sa FB, sa Twitter, Instagram at iba pang plataporma ng social media. Ang kapalit ng mga bato ay mga galít na mukha, malulupit na comments, pagmumura, panlalait, at pambabalahura. Minsan hindi pa sapat sa kanila ang tumingin, ise-share pa ito para magviral kahit hindi pa inaalam kung totoo ba o hindi, para makita ng lahat at malubos ang pagpapahiya sa tao sa publiko. Ang ibang kinakaladkad hindi nakakayanan ang pagkapahiya, nadidepress o nagsu-suicide. Palalampasin ba ng Diyos ang ganitong kalupitan?
Nang tumayo daw si Hesus hindi pa rin siya sa babae tumitingin kundi sa mga kumaladkad sa kanya. Sila ngayon ang hinamon niya nang ganito, “Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang bumato.”

Pagkatapos, muling yumuko si Hesus. Bakit? Itong pangalawang pagyuko niya ay hindi na para sa babae kundi para sa mga ibig bumato sa kanya. Yumuko siya upang bigyan sila ng pagkakataong mag-isip-isip, umatras at umuwi. Parang ang mensahe niya sa kanila ay, “Kung napasubo lang kayo o nadala lang sa panunulsol ng kapitbahay nyo, pwede pa kayong magbago ng isip. Pwede ninyong ibaba ang hawak ninyong mga bato at umalis, HINDI AKO TITINGIN.” Yumuyuko daw ang mga kawayan upang padaanin ang bagyo.

Kaya siguro nasabi ni Hesus sa kanyang sermon sa bundok,“Huwag kang manghusga at hindi ka huhusgahan. Magpatawad ka at ika’y patatawarin. Dahil ang panukat na ginagamit mo para sa iyong kapwa ang siya ring gagamiting panukat sa iyo.”

Sa kuwaresmang ito, isipin natin ang napakaraming naging mga biktima ng EJK sa tatlong siyudad na kinapapalooban ng ating diocese. Mga taong hinusgahan ng marami sa atin, kahit sa isip lang, na porke’t pinatay ay baka talagang adik, na porke’t adik ay deserving na kaagad ng parusang kamatayan na wala nang due process, at basta lang itinuring bilang kabawasan sa mga salot ng lipunan. Hindi man kasali ang tumingin sa pagbaril kasama naman silang tahimik na nanood sa mga hinahakpt na bangkay. tinitigan lang natin matapos na mabaril. O isipin ang mga nirered-tag, mga taong natatawag na komunista dahil sa malasakit sa mga dukha. Isipin natin ang mga taong kinaladkad at pinagpyestahan sa publiko nang di man lang binigyan ng kahit kaunting palugit ng habag sa pagkayurak ng kanilang dangal bilang tao at kapwa nilikhang kawangis ng Diyos.

Isipin natin na alam ng Diyos ang totoo ngunit nakayuko lang siya upang bigyan tayo ng pagkakataong magsisi at bumitaw sa mga bato ng maling panghuhusga. Sabi ng Salmo 130:3, “Kung tatandaan mo Panginoon ang lahat ng aming mga kasalanan, sino kaya sa amin ang matitira?”

Scroll to Top