1,241 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Panlimang Linggo ng Kuwaresma, 10 Abril 2025, Jn 8:51-59
Sa kadahilanang hindi sinasadya, alam n’yo ba na naging sanhi daw ng pag-usbong ng damdaming anti-Semitismo (o kontra-Hudyo) ang ebanghelyo ni San Juan? Naging dahilan daw kung bakit ganoon na lang ang pagkamuhi noon ni Hitler at ng mga Aleman na sumuporta sa kanya laban sa mga Hudyo.
Katulad halimbawa ng binasa nating ebanghelyo ngayon. Ang pambungad na linya ay, “Sinabi ni Hesus sa mga Hudyo.” Pero teka, hindi ba Hudyo rin ang pananampalatayang nakagisnan ni Hesus? Di ba mga Hudyo sina Jose, Maria at mga apostol niya? Dapat siguro itanong muna, sino ba ang kausap ni Hesus sa binasa nating ebanghelyo? Kung paanong Ilonggo ang tawag sa mga taga-Iloilo, Judeo (Hudyo) ang tawag ni San Juan sa kanila dahil mga taga-roon sila sa probinsiya ng Judea. Ang problema ay nasanay na tayong gamitin ang katagang “Hudyo” para tukuyin ang pananampalatayang Hebreo o Israelita. Kung tutuusin, dahil sa probinsiya ng Galilea lumaki si Hesus, hindi talaga siya Judeo kundi kundi Galileo. Ang mga pinunong taga-Judea ang tinutukoy ni San Juan ang tinutukoy na mga Hudyo na nakikipagtalo kay Hesus. Sila rin sa kalaunan ang nagsampa ng kaso laban sa kanya.
Hindi ako nagtataka na sa may bandang dulo ng pagbasang ito, dahil sa galit sa maanghang na pananalita ni Hesus, pumulot daw ng mga bato ang mga nakarinig sa sinabi niya para ipukol sa kanya. Ibig sabihin nasaktan ang damdamin nila sa mga pananalita niya. Noong nakaraang Linggo narinig natin na may hawak ding mga bato ang mga taong ibig magsampa ng kaso laban sa babaeng nahuli diumanong nakikiapid. Pero sa narinig natin ngayon, para kay Hesus na ang mga bato, pero natakasan lang niya. Fast forward, ano ba ang parusang ikamamatay niya? Hindi pagbatong katulad ng ginawa kay San Esteban, at hindi rin pagpugot ng ulo na tulad ng ginawa kay San Juan Bautista, kundi pagpako sa krus.
Ibig sabihin hindi mga Judeo ang nagbitay sa kanya, kundi mga Romano. Ang krus ay ang parusang kamatayan na ipinapataw lamang sa mga nagrerebelde laban sa gobyerno ng Imperyo Romano.
Siguro dapat burahin na natin ang hindi tamang pagpaparatang sa pagbitay kay Hesus sa krus sa mga “Hudyo” para mabura na rin ang nakagisnan nating anti-Semitismo o diskriminasyon na dulot ng maling pag-unawa sa salitang “Hudyo”. Pansinin ninyo—sa tradisyunal nating mga katutubong Pabasa ng Pasyon pag Kuwaresma, paulit-ulit na binabanggit ang mga “Hudyo” para tukuyin ang mga nagpako kay Hesus sa krus. Hindi sila Hudyo kundi mga Romano—ibig sabihin, mga kinatawan ng gobyernong kolonyal ng sinaunang Imperyo ng Roma.
Ngayon heto tayo, di ba parang umikot ang gulong ng palad? Ang Roma na dating kapital ng imperyong sumakop noon sa mga Hudyo at nagpataw ng parusang kamatayan kay Hesus ang naging sentro ng Simbahang Katolika? At ang Santo Papa na simbolo ng pagkakaisa ng mga Kristiyanong Katoliko ang siya ngayong Obispo ng Roma, at ang tawag sa ating mga kabilang sa Simbahang Katolika ay mga Katolikong Romano.