199,267 total views
Mga Kapanalig, naging mainit kamakailan ang mga eksena sa Senado matapos ang tensyon sa pagitan nina Senador Robin Padilla at Senador Francis “Kiko“ Pangilinan.
Nagsimula ang tensyon habang nagsasalita si Senador Pangilinan sa plenaryo. Nang singitan at pangunahan siya ni Senador Padilla, ipinaalala niyang siya pa ang may hawak ng mikropono, bagamat may bahagyang pagtaas ng boses. Hindi naman bago ang mainitang argumento sa Senado. May banggaan ng pananaw at may pagtatalo, pero sa kabila nito, inaasahan pa rin ang pagpipigil sa sarili, disiplina, at paggalang sa kapwa. Trabaho lang, ‘ika nga.
Sinubukan ni Senador Pangilinan na pahupain ang tensyon at nag-alok na makipagkamay sa sinitang senador. Pero tinanggihan ito ng artistang senador. Nagbanta pa siyang magsasampa ng ethics complaint kung tatanggi ang inirereklamo niyang senador na humingi ng tawad sa plenaryo. Sagot ni Senador Pangilinan, handa siyang harapin ang reklamo.
Maraming bumatikos sa naging reaksyon ni Senador Padilla. Muling nabuhay sa alaala ng marami ang kanyang pahayag noong Pebrero kung saan tinawag niyang “weak” o mahina ang kabataan ngayon. Aniya, hindi raw iyakin ang kanyang henerasyon, samantalang ang mga kabataan ngayon ay madaling magsabing sila ay “depressed.” Sa kanyang naging asal matapos sitahin ng kapwa senador, hindi maiwasang itanong: ito ba ang asal na inaasahan sa isang taong tumutuligsa sa iba bilang mahina? Hindi man umiyak si Senador Padilla, malinaw na labis siyang naapektuhan—humantong pa nga ito sa panawagang humingi ng public apology ang kabilang panig.
Sa pangyayaring iyon sa Senado, mistulang nabalikan si Senador Padilla ng sarili niyang paglalarawan sa kabataan bilang madaling masaktan. Ngunit mahalagang linawin na ang pagpapakita ng damdamin ay hindi kahinaan; bahagi ito ng pagiging tao. Maging sa pananampalatayang Kristiyano, makikitang hindi ikinahihiya ang pagluha, gaya ng sinabi sa Juan 11:35 na maging si Hesus ay umiyak.
Ang tunay na usapin ay hindi kung may emosyon sila, kundi kung paano nila ito pinamamahalaan. Inaasahan ang mga halal na opisyal na kahit may hindi pagkakaunawaan, hindi dapat mawawala ang propesyonalismo at pokus sa mas mahahalagang usapin sa bayan. Nakalulungkot isipin na habang maraming Pilipino ang naghihintay ng seryosong tugon sa kahirapan, mataas na presyo ng bilihin, at kakulangan sa trabaho, ang ilang halal na opisyal ay tila mas abala sa personalang bangayan. Sa loob ng isang demokratikong institusyon tulad ng Senado, mahalagang manaig hindi ang pagmamataas kundi ang respeto sa proseso at sa isa’t isa.
Hindi natin kailangan ang mga senador na nagpapadala sa personal na damdamin hanggang sa naaapektuhan ang kanilang tungkulin sa bayan. Hindi natin kailangan ang mga lider na madaling magbitiw ng mabibigat na salita laban sa iba ngunit hindi rin pala kayang panindigan sa huli. Ang kailangan natin ay mga pinunong hindi kinukuwestiyon ang nararamdaman ng kapwa, lalo na ng kabataan, at hindi tinatawag na mahina ang mga susunod na henerasyon dahil lamang marunong silang magsalita tungkol sa kanilang emosyon at pinagdaraanan. Ang tunay na lingkod-bayan ay isinasaalang-alang ang kapakanan ng lahat, lalo na ng mga bulnerable.
Hindi naman hinihingi sa mga pinuno na mawalan sila ng damdamin. Ang higit na mahalaga ay ang kakayahang humawak ng salungatan nang may hinahon at paggalang. Sa pampublikong tungkulin, ang maturity ay nasusukat hindi sa kawalan ng emosyon kundi sa maayos na pagharap dito.
Mga Kapanalig, ang Senado ay hindi lamang gusali ng matitinding opinyon kundi lugar ng mga deliberasyong may direktang epekto sa buhay ng mga mamamayan. Kapag ang diskurso ay nauuwi sa personalan, nalilihis ang atensyon mula sa mga usaping dapat pinagtutuunan ng mga mambabatas. Sa ganitong sitwasyon, hindi lamang dignidad ng institusyon ang nawawala. Pati tiwala ng publiko rito ay nabubura.
Sumainyo ang katotohanan.






