4,130 total views
Mga Kapanalig, kalagitnaan ng buwan ng Hunyo nang pirmahan nina US President Donald Trump at Iranian President Masoud Pezeshkian ang kasunduang naglalayong tuldukan ang digmaang yumanig hindi lang sa Middle East kundi sa buong mundo.
Narito ang ilan sa mga kondisyong inilatag sa kasunduan.
Pumapayag ang Iran na bawasan ang deposito nito ng tinatawag na enriched uranium na ginagamit sa paglikha ng nuclear energy. Sinasabi lagi ng Amerika na banta ang nuclear program ng Iran dahil pwede itong magamit para sa paglikha ng nuclear weapons. Iginigiit din ng Amerika at ng kaalyado nitong Israel na ang mga aktibidad ng Iran sa nuclear enrichment at missile program nito ay banta sa kanilang seguridad at sa mas malawak na katatagan ng rehiyon.
Ang Estados Unidos naman ay inaasahang ititigil na ang military operations nito laban sa Iran habang isinasagawa ang dalawang buwang negosasyon kasabay ng unti-unting pagbubukás ng Strait of Hormuz. Pansamantala rin nitong aalisin ang mga economic sanctions sa Iran kaya makababalik na muli sa merkado ang langis at krudo nito; ibig sabihin, madadagdagan ang suplay. Kapag maipatupad na ng Iran ang probisyon tungkol sa nuclear program nito, maglalabas ang Amerika ng 300 bilyong dolyar na reconstruction fund at economic relief. Saklaw din ng ceasefire o pansamantalang tigil-putukan ang bansang Lebanon na target naman ng Israel.
Hindi pa nakataga sa bato, ‘ika nga, ang kasunduan sa pagitan ng US at Iran. Sa loob ng dalawang buwan mula nang pirmahan ito, magkakaroon pa ng mga detalyadong negosasyon. Pero hindi pa man umuusad ang usapan, nagbanta na si US President Trump na handa siyang paulanan muli ng bomba ang Iran kung lalabag ito. Patuloy din ang pag-atake ng Israel sa Lebanon dahil hindi naman daw hinihiling ng Amerika na tumigil ito.
Bakit ba ganito ang mga lider ng malalaking bansa? Bakit ginagawa lang nilang laro ang paggambala at pagkuha sa buhay ng mga tao? Bakit hayók na hayók sila sa paggamit ng dahas?
Ilang linggo pagkatapos sumiklab ang karahasan sa Iran dahil sa paglusob ng Estados Unidos, binanggit ni Pope Leo XIV ang mga salitang ito: “Stability and peace are not built with mutual threats, nor with weapons, which sow destruction, pain, and death, but only through a reasonable, authentic, and responsible dialogue.” Ang katatagan at kapayapaan ng mundo ay hindi nabubuo gamit ang pananakot at mga armas. Tanging ang makatwiran, tapat, at responsableng diyalogo ang makagagawa nito.
Pagkakataon na ang dalawang buwang tigil-putukan sa pagitan ng Amerika at Iran para sa matino at mahinahong pag-uusap ng kanilang mga lider. Huwag na sana itong mabalewala dahil sa mga salitang walang iniaambag sa negosasyon at mas nagpapaigting sa alitan ng mga sangkot na bansa. Sa huli, ang mga mamamayan ng dalawang bansa ang kawawa—ginagastos ng gobyerno ng Amerika ang buwis ng mga Amerikano sa walang kuwentang giyera at buhay ng mga taga-Iran ang nagiging kapalit. At dahil sa epekto ng kaguluhan sa kalakalan ng langis na nanggagaling sa Middle East, kahit ang malalayong bansa, gaya ng Pilipinas, ay ramdam ang krisis.
Mga Kapanalig, kritikal ang mga araw mula nang pirmahan ang kasunduan hanggang sa matapos ang 60 araw na negosasyon. Bagamat marami rin tayong kinakaharap na problema sa ating bansa, isama pa rin natin sa ating mga panalangin ang kapayapaan sa buong mundo. Pero magsilbing babala sana ang mga salitang ito mula sa 1 Tesalonica 5:3: “Kapag sinasabi ng mga tao, ‘Tiwasay at panatag ang lahat,’ biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito’y tulad ng pagsumpong ng sakit ng sinapupunan ng isang babaeng manganganak.”
Sumainyo ang katotohanan.




