Suriin ang panawagan ng protesta

SHARE THE TRUTH

Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 288,372 total views

Mga Kapanalig, nasorpresa rin ba kayo sa rally na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (o INC) noong Martes sa EDSA? Dahil walang abiso sa publiko o permit man lang mula sa lokal na pamahalaan, maraming naipit sa traffic at na-late sa kanilang trabaho at pasok sa eskwelahan. Humingi si Senador Alan Peter Cayetano ng paumanhin sa publiko pero depensa niya, sadyang nakaaabala talaga ang mga protesta “para magising tayo sa nangyayari.” Para makarating sa kinauukulan at nakararami ang panawagan ng mga nagra-rally, kailangan daw mang-abala. 

Pero ano nga ba ang panawagan ng protestang pinangunahan ng mga miyembro ng INC? 

Ayon sa tagapagsalita ng INC, nais nilang ipakita ang kanilang suporta sa kapwa miyembro nilang si Senador Rodante Marcoleta. Nauna nang sinabi ni Ombudsman Crispin Remulla na sasampahan ng plunder case ang senador kaugnay ng campaign donations na hindi niya isinama sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (o SALN) at sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (o SOCE). Giit ni Senador Marcoleta, pribadong indibidwal naman daw ang nagbigay ng donasyon sa kanya. Ginigipit daw siya ng kasalukuyang administrasyon dahil gusto niyang imbestigahan ang mga maanomalyang flood control projects. 

Naniniwala ang INC na itinataguyod ng senador ang “transparency, accountability, justice, and peace”. Kaisa daw sila ng senador sa mga paninindigang ito. Tinatayang nasa sampung libo ang dumalo sa protesta. Pero hindi pa rin nila napigilan ang pagsasampa ng Ombudsman ng kasong plunder laban kay Senador Marcoleta.

Sa gitna ng sorpresang rally na hindi napaghandaan ng kinauukulan kaya nauwi sa matinding trapik, maraming tanong ang lumilitaw. Kung para sa katotohanan at pagpapanagot ang protesta, bakit ayaw nilang gumulong ang kaso laban kay Senador Marcoleta? Kapag gumulong ang kaso, hindi ba lalabas ang katotohanan tungkol sa ibinibintang sa senador na kapatid nila sa pananampalataya? Hindi ba magkakaroon ng puwang sa pagpapanagot o accountability na panawagan nila? 

Kabalintunaan din ang dala sa protesta ng ilang personalidad na dumalo. Naroon si Senadora Imee Marcos na miyembro ng pamilyang hanggang ngayon ay hindi humihingi ng paumanhin at hindi napananagot sa malawakang pagnanakaw noong nakaupo sa puwesto ang tatay nila ni PBBM. Kung para sa katarungan at kapayapaan ang protesta, bakit kaya naroon ang kinatawan ng  pamilyang nagkait ng katarungan sa mga kritikong ipinapatay ng diktadura at nagdulot ng kaguluhan sa ating bayan? Nagawa pang magsalita ng senadora sa lugar kung saan nagsimula ang mapayapang pagpapatalsik ng taumbayan sa tatay niyang diktador. 

Iginagalang ng Simbahang Katolika ang karapatan ng sinumang tao o grupo na magpahayag ng kanilang saloobin lalo na kung para ito sa katotohanan, pananagutan, katarungan, at kapayapaan. Pero walang pinipiling tao ang katotohanan. Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, tungkulin ng bawat mananampalataya na palaging hanapin ang katotohanan. Kaakibat nito ang pagpapanagot sa mga lider ng bansa, sapagkat salungat sa tunay na layunin ng pulitika ang katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihang ipinahiram sa kanila ng taumbayan. Hindi natin makakamit ang isang makatarungan at mapayapang lipunan kung walang katotohanan at kung hindi mapapanagot ang mga lumalabag sa batas. 

Mga Kapanalig, mahalaga ang papel ng protesta sa aktibong pakikilahok ng taumbayan sa pamamahala. Tungkulin ng isang responsableng Kristiyano ang makibahagi sa mga mapayapang pagkilos. Pero suriin nating mabuti ang panawagan ng mga dadaluhan nating protesta. Siguruhin nating sa bawat placard at sa bawat salitang namumutawi sa mga sigaw ay humahatol tayo nang may katuwiran, katulad nga ng paalala sa Mga Kawikaan 31:9. Nawa’y maging daan ang bawat protestang ating sasalihan o ang iba pang anyo ng pakikilahok tungo sa pagsusulong ng katotohanan, pagpapanagot, katarungan, at kapayapaan. 

Sumainyo ang Katotohanan.

Walang saysay ang kayamanan kung nawawala ang kaluluwa-Archbishop Uy

 3,610 total views

Nagpaalala si Cebu Archbishop Alberto Uy sa mga mananampalataya na ang tagumpay ay biyaya, subalit hindi dapat makamit kapalit ng pamilya, katapatan at ugnayan sa Diyos.

Sa kanyang pagninilay sa Ebanghelyo ni San Mateo, sinabi ng arsobispo na walang saysay ang pagkakaroon ng maraming salapi at ari-arian kung mawawala naman ang ating kaluluwa.

“My dear brothers and sisters, success is a blessing—but not if it costs us our soul,” ayon kay Archbishop Uy.

Ayon sa pastol ng simbahan hindi masama ang magsikap, magtrabaho at mangarap para sa magandang buhay, subalit mahalagang tiyakin na hindi dapat nakakalimutan ang pamilya, ang kapwa at ang Diyos.

“Jesus is not saying that success is bad. He is not against hard work, business, or earning a living. On the contrary, He wants us to use our talents well and provide for our families,” ayon sa pagninilay ni Archbishop Uy sa facebook post ng Archdiocese of Cebu

Paalala pa ni Archbishop Uy, darating ang panahon na maiiwan natin ang ating pera, ari-arian, posisyon at mga tagumpay.

Ang tunay na kayamanan ay ang pagmamahal na naibigay, mga taong natulungan at ang katapatan sa Diyos.

Kaya hinikayat niya ang lahat na magsikap at gamitin nang mabuti ang kanilang mga talento, ngunit huwag hayaang ang pera at tagumpay ang mangibabaw sa ating buhay.

Paalala pa ng arsobispo, “We are all just passing through this world. This life is not our final destination. If we spend all our time collecting things that cannot last, we may forget to seek the One who lasts forever.”

Sinabi ni Archbishop Uy na ang pinakamahalagang tagumpay ay ang buhay na puno ng pagmamahal at nananatiling tapat kay Kristo.

Pagiging ganap na diyosesis ng Calapan, isang malaking hamon at pananagutan

 19,945 total views

Nanindigan si Calapan Bishop Moises Cuevas na ang pagiging ganap na diyosesis ay hindi simpleng pagkilala sa paglago ng lokal na simbahan kundi pagtanggap sa mas malaking hamon at pananagutang ipagpatuloy ang misyong sinimulan ng mga naunang misyonero.

Sa kanyang pagninilay sa Misa para sa canonical erection ng Diocese of Calapan nitong August 7 sa Calapan Cathedral, sinabi ng unang obispo ng diyosesis na ang bagong katayuan ng lokal na Simbahan ng Oriental Mindoro ay bunga ng mahabang kasaysayan ng pananampalataya at paglilingkod.

“Ganap na natin itong minana. Minana natin ang sakripisyo ng mga misyonero. Minana natin ang pawis ng mga katekista. Minana natin ang mga panalangin ng mga lolo at lola. Minana natin ang katatagan at kababaang-loob ng mga Mangyan. Minana natin ang paglilingkod ng mga pari, madre, at mga layko. Mga kapatid, ang mana ay isang misyon. Ang mina ay misyon,” ayon kay Bishop Cuevas.

Ayon sa obispo, ang pag-angat ng Apostolic Vicariate of Calapan bilang isang ganap na diyosesis ay nangangahulugang mas malawak na pagpapalawak at pagpapaigting ng misyon ni Kristo sa Mindoro.

“Tayo ay naging diyosesis upang lalo pang palawakin ang misyon ni Kristo—palalimin ang pananampalataya; paglingkuran ang mahihirap; ihain ang kabataan; samahan ang mga Mangyan; ipagtanggol ang dignidad ng bawat tao at ng pamilya; itaguyod ang katarungan at kapayapaan; at pangalagaan ang ating iisang tahanan,” giit ni Bishop Cuevas.

Sinariwa rin ng obispo ang tala sa diary ni Bishop William Duschak, SVD noong 1962, kung saan isinulat niya ang katagang “Auf dem Weg zum Bistum Mindoro” o “On the way to the Diocese of Mindoro” na aniya’y sa kasalukuyan ay ganap nang natupad makalipas ang mahigit anim na dekada.

Ipinaliwanag din ng obispo na higit pa sa pinagmulan ng pangalang Mina de Oro ang tunay na kayamanan ng Mindoro.

“Maliwanag po sa ating mga pagbasa, at maging sa diary ni Bishop Duschak na ang tunay na ginto ng Mindoro ay ang Espiritu Santo na patuloy na kumikilos sa sambayanang ito,” ani Bishop Cuevas.

Kasabay nito, hinimok ng pastol ang mga pari, mga relihiyoso at mga layko na pangalagaan at panatilihin ang pagbubuklod bilang mga mananampalataya.

“Huwag nating hayaang magkawatak-watak tayo. Huwag nating sirain ang pagkakaisang binigkis ng Espiritu Santo,” paalala ng obispo.

Sa kasaysayan, nagsimula ang Kristiyanismo sa isla noong 1600s sa pamamagitan ng pagmimisyon ng mga Augustinian, Franciscan, Jesuit, Recollect, at SVD.

1936 nang maging Apostolic Prefecture, 1961 nang maging Apostolic Vicariate, at makalipas ang 75 taon ay ganap na itong naging diyosesis.
Isa sa mga tanyang na misyonerong naglingkod sa diyosesis si San Ezekiel Moreno na naging kura paroko ng Sto Nino Church o ang kasalukuyang cathedral ng diyosesis.

Sa kasalukuyan, mayroong 40 parokya ang diyosesis at isang personal parish na nakatuon sa paglilingkod sa mga katutubong Mangyan sa lugar.
Sa kabuuang populasyon ng lalawigan na halos isang milyon, mahigit sa 800,000 dito ay mga Katoliko.

Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang pagluklok kay Bishop Cuevas bilang kauna-unahang obispo ng diyosesis, katuwang si Lipa Archbishop Gilbert Garcera, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.

Mahigit sa 30 obispo mula sa iba’t ibang diyosesis sa bansa ang dumalo sa pagtitipon kasama si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

CONFIDENTIAL FUND

 42,586 total views

 42,586 total views Kapanalig, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, naging malinaw sa madlang bayan na ang “confidential fund” ay isang public fund o

Read More »

Karapatan sa disenteng tahanan

 115,307 total views

 115,307 total views Mga Kapanalig, karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng disenteng tahanan. Para masabing disente, dapat itong sapat, ligtas, may seguridad, at nagbibigay-daan sa

Read More »

Hindi nakatutuwang biro

 146,589 total views

 146,589 total views Mga Kapanalig, mabuti pa si Japanese Ambassador to the Philippines na si Endo Kazuya, maraming pagpipiliang bahay dito sa Pilipinas.  Sa isang privilege

Read More »

Sino ang papasan ng system-loss?

 178,605 total views

 178,605 total views Mga Kapanalig, isa sa mga umani ng masigabong palakpakan sa State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ay

Read More »

KULANG SA SONA NI PBBM

 328,706 total views

 328,706 total views Kapanalig, sa anumang hakbang., planong gagawin., polisiyang ipapatupad.,mga pangakong binitiwan, o mga usapin na sadyang iniiwasan. Lagi itong may kulang. Hindi ibig sabihin,

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

CONFIDENTIAL FUND

 42,588 total views

 42,588 total views Kapanalig, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, naging malinaw sa madlang bayan na ang “confidential fund” ay isang public fund o

Read More »

Karapatan sa disenteng tahanan

 115,309 total views

 115,309 total views Mga Kapanalig, karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng disenteng tahanan. Para masabing disente, dapat itong sapat, ligtas, may seguridad, at nagbibigay-daan sa

Read More »

Hindi nakatutuwang biro

 146,591 total views

 146,591 total views Mga Kapanalig, mabuti pa si Japanese Ambassador to the Philippines na si Endo Kazuya, maraming pagpipiliang bahay dito sa Pilipinas.  Sa isang privilege

Read More »

Sino ang papasan ng system-loss?

 178,607 total views

 178,607 total views Mga Kapanalig, isa sa mga umani ng masigabong palakpakan sa State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ay

Read More »
Scroll to Top