4,635 total reads
Dapat tiyakin ng Pilipinas na magbubunga ng pangmatagalang benepisyong pang-ekonomiya, diplomatiko at pangseguridad ang pagho-host ng bansa sa ASEAN Summit, sa kabila ng tinatayang ₱22 bilyong piso na ginastos ng pamahalaan para sa mahigit 500 na mga kaugnay na pagpupulong.
Sa panayam sa programang Barangay Sambayanan, iginiit ni Dr. Christopher C. Mantillas, Associate Professor ng Institute for Governance and Rural Development ng University of the Philippines Los Baños, na higit sa agarang pakinabang sa turismo at exposure ng mga produktong Pilipino ang dapat pagtuunan ng pansin, lalo na ang pagpapalawak ng pangmatagalang ugnayang pangkalakalan at diplomatiko sa ibang mga bansa.
“Sabihin na lang natin na ito ay isang kapital para sa isang bansa na gustong palawigin ang kanyang relationship, trading relationship, mostly economic, social, and political relationship with our neighboring countries,” Bahagi ng pahayag ni Mantillas sa Radyo Veritas.
Binigyang-diin ni Mantillas na kailangang matukoy ng pamahalaan ang mga produktong Pilipino na maaaring higit pang isulong sa pandaigdigang merkado, gayundin ang mga sektor na maaaring makinabang sa mga kasunduan, kabilang ang food security at renewable energy.
Sa usapin naman ng seguridad sa rehiyon, sinabi ni Mantillas na mahalagang maisakatuparan ang Code of Conduct sa West Philippine Sea dahil sa mga usapin sa hangganang pandagat at magkakaibang posisyon ng mga bansang sangkot.
“Maganda sanang paraan para sabihin na it is a breakthrough sa Pilipinas at sa ASEAN na nagkaroon finally nito ng mga susundin na mga protocol. Kaya lang mukhang may mga issue pa po na dapat nilang plantsahin,” Dagdag pa ni Mantillas.
Gayunman, hindi aniya dapat isantabi ang epekto ng patuloy na tensiyon sa West Philippine Sea sa mga mangingisda at yamang-dagat.
“Dapat tingnan natin kung ano na ‘yung nagiging impact nito sa ating mga mangingisda, sa kabuhayan nila, at do’n po sa mga buhay na nasa ilalim ng dagat,” Ayon pa kay Mantillas.
Nilinaw ni Mantillas na mahalaga ang pagpapanatili ng malayang paglalayag sa West Philippine Sea at pagpapalakas ng ugnayan sa Estados Unidos, Japan, Australia at India upang mapanatili ang balanse ng kapangyarihan sa rehiyon.
Gayunman, pinaalalahanan niya ang pamahalaan na tiyaking may malinaw na pakinabang ang Pilipinas sa mga kasunduang pangseguridad, kabilang ang technology transfer at pagsasanay sa sandatahang lakas.
“Dapat maging mautak din tayo sa paggamit niyan, dahil alam natin na dapat may iba pa tayong mga advantages na makuha mula dito, at hindi na tayo gagamitin bilang kanilang mga bases,” Ani Mantillas.
Binigyang-diin din ni Mantillas ang mga hakbang na ito ay dapat manatiling bahagi ng paghahanda sa seguridad at diplomasya, at hindi paghahangad ng digmaan.
“Sana ay ito ay mga bagay na parte lang ng ating diplomasya at security preparation. At hindi naman sana tayo naghahangad ng malakihang gulo, pero dapat din po tayong maging handa dahil ang realidad ay nagbabago po ang mundo,” Dagdag pa ni Mantillas.
Sa pananaw ng Simbahan, nararapat na magsilbi sa kapayapaan, katarungan at kabutihang panlahat ang ugnayan ng mga bansa, upang matiyak na ang mga kasunduang pang-ekonomiya at pangseguridad ay tunay na nagtatanggol sa dignidad, kabuhayan at karapatan ng mamamayan.




