951 total reads
Pinalawak ng mga organizer ng World Youth Day 2027 sa Seoul, South Korea, ang paghahanda para sa mga kabataang may kapansanan sa pandinig sa pamamagitan ng paglalabas ng apat na bersyon ng opisyal na theme song gamit ang sign language.
Tampok sa mga video ang Korean Sign Language at International Sign interpretations ng awiting Confidite, Ego Vici Mundum o Take Courage! I Have Overcome the World, sa Classic at Pop versions.
Ayon sa Local Organizing Committee, layunin nitong matulungan ang mga kabataang may problema sa pandinig na makiisa sa mga espirituwal na paghahanda para sa pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataang Katoliko.
Isinagawa ang proyekto katuwang ang Catholic Peace Broadcasting Corporation at si Fr. Benedict Min-seo Park, isang paring may kapansanan sa pagdinig na naglilingkod sa parokya para sa mga mananampalatayang hindi nakaririnig sa Archdiocese of Seoul.
Mayroon ding mga caption sa mga video na naglalarawan sa musika at tunog ng mga instrumento upang mas maiparating ang mensahe at damdamin ng awitin.
Bahagi ito ng mas malawak na hakbang ng mga organizer upang matiyak na walang kabataang maiiwan sa pagdiriwang dahil sa kanilang kapansanan.
Noong Setyembre 2026, bumuo rin ang komite ng Accessibility Task Force upang tugunan ang mga posibleng hadlang sa komunikasyon, transportasyon, matutuluyan at mga lugar na pagdarausan ng mga aktibidad.
Nakatakdang idaos ang World Youth Day 2027 sa Seoul, South Korea na gaganapin sa August 3-8.




