12,314 total views
Homiliya para sa Misa ng Huling Hapunan ng Panginoon
Huwebes Santo 2025
Mga kapatid, ngayong gabing ito, ipinagdiriwang natin ang tatlong malalalim na biyayang iniwan sa atin ng Panginoon sa Huling Hapunan: ang Eukaristiya, ang Pagpapari, at ang Utos ng Pag-ibig sa pamamagitan ng paglilingkod.
Pero nais kong pagtuunan ng pansin ngayong gabi ang isang napakatinding paanyaya ng Panginoon: ang “Kainin ninyo ito, ito ang aking katawan. Inumin ninyo ito, ito ang aking dugo.”
Sa Unang Pagbasa, narinig natin ang utos ng Diyos kay Moises: “Kumuha kayo ng isang kordero, ihanda ito, lutuin, at kainin ng buong sambahayan.” Ito ang naging ritwal ng Paskuwa ng mga Israelita. Ang dugo ng kordero ang naging tanda ng kanilang kaligtasan sa gabi ng paglaya mula sa Egipto. Kaya’t sa ating pananampalataya, ang korderong iyon ay inangkin ng ating tradisyong Kristiyano bilang larawan ni Hesus, ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.
Ngunit isipin ninyo ito: ano ang pakiramdam ng kainin ang isang taong itinuturing mong kaibigan, guro, Panginoon? Ang nagsabi ng “Kainin ninyo ito” ay mismong taong minamahal mo. Paano mo kakainin ang kaibigan mo?
Naalala ko tuloy ang isang kuwento ng aking kapatid na si Nestor. Noon, bumili si Nanay ng biik. Pinalaki niya ito para ibenta sa nalalapit naming pista sa aming bayan. Pero si Nestor, naaliw at napamahal sa biik. Inalagaan niya ito, pinaliguan, pinakain, nilambing. Binigyan pa nga niya ito ng pangalan. Kaibigan na ang turing niya sa biik.
Dumating ang araw ng pista. Ibinenta na ang baboy, at bilang bahagi ng kabayaran, may kaunting karne na dinala si Nanay pauwi. Niluto niya ito bilang ulam sa hapunan. Nang malaman ni Nestor kung sino ang laman ng sinigang, tumayo siya, lumabas ng bahay, at tumangging kumain. “Hindi ko kayang kainin ang kaibigan ko,” aniya.
Ganyan din ang naging damdamin ni Pedro nang nilapitan siya ni Hesus upang hugasan ang kanyang mga paa. “Huwag, Panginoon. Hindi ko kayang payagan ito.” At ganoon din marahil ang damdamin ng mga taong tumiwalag kay Hesus nang marinig nilang sinabi niya, “Ang aking laman ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin.”
Napakalakas ng dating. Sino ang hindi mabibigla o maiiskandalo sa ganitong pangungusap?
Pero ito nga ang diwa ng Eukaristiya: ang lubos na pagbibigay ng sarili ng isang umiibig. Ang isang tunay na nagmamahal, handang ialay ang kanyang katawan at dugo—ang kanyang buong pagkatao.
Hindi sapat kay Hesus na sabihin lang na mahal niya tayo. Ibinigay niya ang sarili niya mismo sa atin—bilang pagkain, bilang inumin, bilang buhay na nagbibigay-buhay.
At bakit? Dahil hindi tayo puwedeng makibahagi sa kanyang misyon kung hindi muna tayo makikibahagi sa kanyang buhay.
Kung hindi natin siya tatanggapin sa ating pagkatao, paano natin siya maipapamalas sa ating kapwa?
Sa bawat pagtanggap natin ng Eukaristiya, sinasabi ng Panginoon:
“Hindi mo lang ako tinitingnan, hindi mo lang ako pinapakinggan. Tanggapin mo ako. Kainin mo ako. Hayaan mong busugin ka ng aking laman at dugo. Sa ganitong paraan, magiging bahagi ka ng aking katawan. At bilang kabahagi ng aking katawan, ikaw ay magiging katuwang sa aking misyon ng pagtubos sa sangkatauhan.”
Kaya’t ngayong gabi, habang isinasagawa natin ang paghuhugas ng paa, tandaan natin—ito ang tanda ng pagkaing tinanggap natin: na tayo rin ay magiging tagapaghugas ng paa ng ating kapwa. Hindi ito seremonyas lang. Ito ay pagsasabuhay ng Eukaristiya.
Mga kapatid, huwag tayong matakot sa lalim ng pag-ibig ng Diyos. Huwag nating atrasan o tanggihan ang paanyaya ni Hesus.
Kaya nasabi niya kay Simon Pedro, kung hindi mo ako pahihintulutang hugasan ka, hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.
Ngunit kung tatanggapin mo ako, ikaw man ay magiging tagapaghugas ng paa, tagapagpasan ng krus, at tagapagbahagi ng buhay.
Kaya’t ngayong gabi, habang binabasbasan natin ang tinapay at alak, habang hinuhugasan natin ang paa ng isa’t isa, muling umuukit ang Panginoon ng kanyang utos sa ating puso:
“Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa akin.”
Alalahanin natin siya—hindi lamang sa panalangin, kundi sa ating pakikibahagi sa kanyang buhay, sa kanyang pag-ibig, at sa kanyang misyon.
Amen.