176 total views
Sa ating bansa ngayon, kapag sinabing adik, kadalasan, sa droga natin ito inuugnay. Ngunit, kapanalig, may mga ibang uri ng adiksyon na mas nakakamatay sa ating bayan. Isa na rito ay ang adiksyon sa kapangyarihan.
Kapanalig, sa ating bansa, ang pagkapit sa kapangyarihan ay lumang ideya. Isang praktis na tanggap ng maraming Pilipino kahit pa labag ito sa ating Konstitusyon. Ayon sa 1987 Constitution, Article 2, Section 26: “The State shall guarantee equal access to opportunities for public service and prohibit political dynasties as may be defined by law.”
Ayon sa isang pag-aaral na mula sa Asian Institute of Management (AIM) Policy Center noong 2012, 70% ng 15th Philippine Congress ay mula sa mga political dynasties at malaking bahagi ng lahat ng pangunahing partidong politikal ay binubuo ng mga dynastic families. Walumpung porsyento rin ng mga pinakabatang congressmen na may edad 26 hanggang 40 ay mula sa mga dynastic clans. Karaniwan, mas maraming mga dinastiya sa mga rehiyon kung saan mataas ang antas ng karalitaan at mas mababa ang human development.
Ayon naman sa isang pag-aaral na ginawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong August 2015, lalong pinalala na mga political dynasties ang kahirapan sa ating bansa. Laganap ang dynasties, ayon sap ag-aaral, sa sampung pinakamahirap na probinsya sa bansa.
Maraming mga implikasyon ang paglaganap ng dinastiya sa Pilipinas. Unang una, isa itong malaking hadlang sa paghikayat ng mas bibong partisipasyon ng mga mamamayan sa mga prosesong pampolitikal. Nagiging monopoliya ng iilang pamilya ang pamamahala. Nagiging personality-based din ang eleksyon, at nabubulag ang mga botante sa mga nararapat na batayan sa pagpili ng mga pinuno. Nababawasan din ang checks and balances sa pamahalaan.
Noong huling Kongreso, may mga panukalang batas sa Senado at Lower House na naglalayon na sugpuin ang political dynasties sa ating bansa. Mahalaga sana na maipasa ang mga ganitong panukala dahil ito ay magbubukas ng maraming oportunidad para sa karaniwang Pilipino. Babaguhin nito ang ating political landscape, at maari magdala ng malawakang pagbabago sa ating mga political parties, na base na rin sa ating karanasan nitong nakaraang eleksyon, ay tila behikulo na lamang ng pansariling interes kaysa ng prinsipyo at integridad.
Kapanalig, ang isyu ng political dynasties ay hindi lamang isyung pang-eleksyon. Base na rin sa mga bagong pag-aaral ngayon, ito ay isyu na kaugnay ng kahirapan. Ito rin ay isyu na kadikit ng ating tunay na kalayaan at dangal. Paalala ng Gaudium et Spes, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan: Ang ating lipunan ay dapat magkaroon ng mga struktura o mekanismo na magbibigay ng pagkakataon sa mamamayan na malayang makilahok sa politika, sa pamamahala, sa pagtatalaga ng mga layunin ng mga ahensya, at sa pagpili ng kanilang mga pinuno.