312 total views
Mga Kapanalig, isang taon na ang nakalipas nang maganap ang tinaguriang “Kidapawan massacre.” Kung inyo pong matatandaan, ito ay ang araw kung saan naging marahas at madugo ang komprontasyon sa pagitan ng mga pulis at mga magsasaka sa lungsod ng Kidapawan sa probinsya ng North Cotabato.
Nagsimula ang pagkilos tatlong araw bago ang massacre, kung saan may nasa 500 magsasaka ang sumugod sa panlalawigang imbakan at tanggapan ng National Food Authority o NFA. Nais nilang magpamahagi ang ahensya ng bigas upang may maipakain sila sa mga pamilya nilang nagugutom. Kasagsagan noon ng matinding El Niño sa Mindanao at walang maani ang mga magsasaka. Sa ikalawang araw, hinarang ng mga magsasaka ang pangunahing highway, at nagsimula na ring magdagsaan ang iba pang magsasaka at mga grupong sumusuporta sa kanila. Sa ikatlong araw at sa pahintulot umano ng gobernador ng probinsya, tinangka ng mga pulis na paalisin ang mga magsasaka. Ngunit bigla na lamang nagpaputok ng baril ang mga pulis sa mga walang kalaban-labang magsasaka. Tatlong magsasaka ang naiulat na namatay. Isandaan naman sa magkabilang panig ang sugatan. Mayroon ding mga magsasakang misteryosong nawala at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita.
Lehitimo ang daíng nila sa pamahalaan: sila ay mga magsasaka, ngunit bakit wala silang makain?
Ang hinaing ng mga magsasaka sa pamahalaan ay kahawig ng tanong ng mga Hudyo kay Moises sa Exodo 17:3-7: “Bakit mo kami isinampa rito mula sa Ehipto? Upang patayin mo kami sa uhaw, at ang aming mga anak at ang aming kawan?” Sa kaso ng mga magsasaka, ang gutom at kawalan ng tugon ng pamahalaan ang nagtulak sa kanilang maging desperado.
Idinulog ni Moises sa Panginoon ang hinaing ng mga tao sa kanya. At bilang isang Amang minamahal ang kanyang mga anak, tiniyak ng Panginoong may kaginhawahan at kalayaang naghihintay para sa mga Hudyo. Habilin niya kay Moises, “Dumaan ka sa harap ng bayan, at ipagsama mo ang mga matanda sa Israel; at ang iyong tungkod na iyong ipinalo sa ilog, ay tangan mo sa iyong kamay, at yumaon ka. Narito, Ako’y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong papaluin ang bato, at lalabasan ng tubig, upang ang bayan ay makainom.”
Sa kaso ng mga magsasakang dumaraing ng gutom, bala sa halip na bigas ang naging tugon ng kinauukulan. Sa halip na abutan ang mga magsasaka ng solusyong nagbibigay-buhay, ng solusyong papawi sa kanilang gutom at pagkauhaw, karahasang nauwi sa kamatayan ang inilatag sa kanilang tugon.
Maraming nagsabing ang ugat ng mailap na kapayapaan sa maraming bahagi ng Mindanao ay ang kawalan ng katarungan o injustice. At isa sa mga indikasyon ng kawalan ng katarungan ay ang kakulangan sa pagkain ng mga magsasaka, samantalang ang mga nasa kalungsuran at nakaririwasa ay sagana sa pagkain at inaaksaya pa ito.
Kaya nga’t magandang paalala sa atin ang sinabi noon ni Pope Paul VI: “If you want peace, work for justice.” Kung nais natin ng kapayapaan, kumilos tayo para sa katarungan. Kung nais natin ng kapayapaan sa mga kanayunan, tiyakin dapat ng pamahalaan, bilang tagapangasiwa ng kaban ng bayan, na ang mga magsasaka at mahihirap ay may makakain. Kung nais natin ng tunay na kapayapaan, tayong mga mamamayan ay dapat na sumusuporta sa mga pagkilos tungo sa mas makatarungang pamamahagi ng yaman ng ating bansa. Walang kapayapaan kung mananatili tayong manhid sa pagdurusa ng ating kapwa.
Ano na nga bang nabago matapos ang Kidapawan massacre? May napanagot ba? Mas handa na ba ngayon ang mga magsasaka sa epekto ng matinding tag-init? Mas may malasakit na ba tayo sa mga kababayan nating walang maihain sa kanilang hapag? Patuloy pa rin tayong nagtatanong, mga Kapanalig.
Sumainyo ang katotohanan.