35,658 total views
Mga Kapanalig, gaano kalayo ang kayang takbuhin ng isang tao para makaiwas sa pananagutan? Sa kaso ng dating tagapagsalita ni dating Pangulong Duterte na si Atty Harry Roque, mukhang hanggang sa Netherlands.
Humaharap sa kasong human trafficking dito sa Pilipinas si Atty Roque. Nag-ugat ang kasong ito sa isinagawang imbestigasyon ng Kongreso ukol sa mga Philippine offshore gaming operators o POGO, mga kumpanyang nag-aalok ng online gambling sa mga dayuhang kliyente. Kinakailangan kumuha ng mga ito ng lisensya mula sa PAGCOR upang ligal na makapag-operate. Bagamat may mga hakbang ang PAGCOR para i-regulate at bantayan ang mga POGO, lumitaw na hindi sapat ang mga ito. Sa mga isinagawang raid ng pulisya, nakita ang koneksyon ng POGO sa mga krimeng gaya ng cyberscam, illegal detention, human trafficking, torture, at kidnapping. Sa lahat ng ito, ang human trafficking ang pinakamarami.
Hinalungkat ng ating mga mambabatas: sinu-sino ang sangkot sa mga iligal na operasyong ito? Isa sa mga pangalang lumitaw sa pagsalakay sa Lucky South 99, isang malaking POGO hub sa Tarlac, ay ang pangalan ni Atty Roque. Dahil dito, ipinatawag siya ng Kongreso. Mariin niyang itinanggi ang anumang ugnayan niya sa kumpanya. Ngunit nang pagpaliwanagin siya tungkol sa biglaan at kahinahinalang pagdami ng kanyang mga ari-arian, walang imik si Atty Roque. Ilang buwan ang lumipas, nakita na lamang siya sa Netherlands, kung saan kasalukuyang iniimbestigahan ng International Criminal Court si dating Pangulong Duterte.
Nitong nakaraang buwan, inilabas ng korte ang mga arrest warrants laban kina Atty Roque at maraming iba pa para sa kasong qualified human trafficking na naganap sa Lucky South 99. Kumilos na rin ang gobyerno upang mapauwi si Atty Roque; ipinakakansela na ng Department of Justice ang kanyang pasaporte.
Tinawag ni Atty Roque na political persecution ng administrasyong Marcos ang ginagawa sa kanya. Ginamit niya itong dahilan para humingi ng asylum sa Netherlands. Pero linawin natin: ang political persecution ay sistematikong pagsikil at panunupil sa mga taong kumokontra o bumabatikos sa pamahalaan. Una, si Atty Roque mismo ang ayaw humarap at magpaliwanag. Pangalawa, kahit si Atty Salvador Panelo—na dati ring legal counsel ni Pangulong Duterte—ay nagsabing mas malalakas pa ang batikos ng iba sa administrasyon pero hindi sila kinakasuhan. Kaya’t mali ang paggamit ni Atty Roque sa katagang political persecution.
Alam nating paulit-ulit ang panawagan ni Atty Roque at iba pang tagasuporta ng dating administrasyon na pauwiin sa Pilipinas ang tinatawag nilang Tatay Digong. Pero ibalik natin sa kanya ang panawagan: bumalik ka na rin, Atty Roque.
Ang paghahanap niya ng asylum ay malinaw na pag-iwas sa pananagutan. Kung wala siyang itinatago, hindi siya dapat matakot humarap sa batas. Katulad ng sinasabi sa Lucas 8:17, “Walang natatago na ‘di malalantad, at walang lihim na ‘di mabubunyag.” May itinatago ba siya? Ang tanong tungkol sa kanyang biglang pagyaman at ang papel niya sa operasyon ng Lucky South 99 ay hindi pribadong isyu; usaping pampubliko ang mga ito. Karapatan ng mga Pilipinong malaman ang totoo, lalo na’t buhay at kapakanan ng mga kapwa nating Pilipino ang nalagay sa alanganin sa mga krimeng may kinalaman sa POGO.
Mga Kapanalig, patuloy nating panagutin ang mga opisyal ng ating gobyerno, dati man o kasalukuyang naglilingkod. Napakabigat na usapin ang pagkakasangkot ng sinuman sa kanila sa human trafficking na labag sa buhay at dignidad ng tao. Gaya rin ng sinabi ni Pope John Paul II, ang mga hukuman ay may tungkuling magpataw ng kaukulang parusa upang hadlangan ang mga gawing mapanira sa karapatang pantao. Kaya’t napakahalagang ang mga sangkot sa mga iligal na gawaing katulad ng human trafficking ay mapanagot sa batas at, kung mapatutunayan, humarap sa karampatang parusa.
Sumainyo ang katotohanan.