264 total views
May 5, 2020, 3:38PM
Dismayado si Ozamiz Archbishop Martin Jumoad sa desisyon ng gobyerno na muling buksan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa ngunit pinagbabawalan ang pagbubukas ng mga simbahan.
Sa mensahe ng arsobispo, hinamon nito ang mga opisyal ng pamahalaan na pag-isiping mabuti ang mga hakbang na gagawin alang-alang sa kapakanan ng mamamayang Filipino lalo na sa negatibong epekto ng pagsusugal.
“I challenged the government leaders to change their position because that will lead our countrymen to the brink of death,” pahayag ni Archbishop Jumoad sa Radio Veritas.
Ikinalungkot ni Archbishop Jumoad ang desisyon lalo’t ang Pilipinas ang natatanging Kristiyanong bansa sa Asya.
Hinaing ng arsobispo na mas dapat pinapayagan ang pagbubukas sa mga simbahan sapagkat ito ay makatutulong sa paghubog sa mamamayan lalo sa kabataan sa pagkakaroon ng mabuting asal at mapalalim ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa halip na pairalin ang sugal.
“Bakit pinapayagan ang pagbubukas ng POGO? From the Philippines the only Christian nation in the Far East ngadto (tungo) sa the Philippines the gambling capital in the far East. Asa man (nasaan) ang separation of Church and State?” dagdag ng arsobispo.
Naunang inihayag ng Malakanyang ang pagbubukas ng POGO sa pagtatapos ng ECQ na batay sa paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque ito ay kabilang sa hanay ng Business Process Outsourcing.
Ayon naman sa Philippine Amusement and Gaming Corp (PAGCOR) 600 milyong pisong kita ang nawawala sa bansa kada buwan sa paghinto ng operasyon ng POGO na aniya’y makatutulong sa pagpondo ng mga programang tumutugon sa paglaban sa COVID 19.
Samantala, iginiit ni Archbishop Jumoad na dapat prayoridad ng gobyerno ang gawaing para sa Diyos sa halip na ang pagsusugal.
“God first in everything, that must be the priority of our government leaders aron ang mga katawhan, mga kabataan mamahimong Pro God [para ang mga kabataan at mamamayan magiging Pro God],” saad ni Archbishop Jumoad.
Umaasa ang arsobispo na magbago ang isip at desisyon ng mga namumuno sa bansa at magiging Pro God sa bawat hakbang na ipinatutupad at unahin ang Diyos sa lahat.