609 total views
Mga Kapanalig, simula sa darating na Linggo, ika-16 ng Hulyo, ang mga minimum wage workers dito sa Metro Manila ay makatatanggap ng karagdagang ₱40 sa kanilang arawáng sahod. Mula sa ₱533 hanggang ₱570, itinaas ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang daily minimum wage sa ₱573 hanggang ₱610. Inaasahang nasa 1.1 milyong minimum wage earners sa Metro Manila ang makikinabang sa umento sa kanilang sahod.
Barya ito kung ituring ng Gabriela Women’s Party. Hindi nga raw kakasya ang ₱40 na pambili ng isang kilong bigas. Malayo pa rin ito sa tinatawag na living wage o ang sahod na sasapat para magkaroon ng desenteng standard of living ang isang manggagawa at ang pamilyang kanyang sinusuportahan. Ang living wage, sa kuwenta ng grupong IBON Foundation, ay nasa ₱1,160 kada araw.
Samantala, bagamat “welcome” para sa Federation of Free Workers (o FFW) ang taas-sahod, sinabi nilang nakadidismaya pa rin ito para sa mga manggagawa. Kulang daw ang kuwarenta pesos para makaagapay sila sa matataas pa ring presyo ng mga bilihin. Para naman sa Partido ng Manggagawa, ang makatwirang taas-sahod sana ay nasa isandaang piso.
Gaya ng inaasahan, ikinabahala ng ilang grupo ng employers ang dagdag sa minimum wage sa Metro Manila. Makaapekto raw ito sa mga maliliit na negosyo, ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP). Bagamat susundin ng kanilang mga miyembro ang kautusang dagdagan ang sahod ng kanilang mga manggagawang minimum wage earners, ikinatatakot ng ECOP na may mga micro enterprises na hindi na magdadagdag ng tauhan o pipiliin na lang magsara. May mga nagsasabing ang pagtataas ng minimum wage sa Metro Manila ay magdudulot ng pagsipang muli ng inflation rate.
Masalimuot ang usaping pasahod. Kailangang balansehin ang interes ng mga manggagawa at ng mga nag-e-empleyo. Sa isang banda, dapat lamang na makatanggap ang mga manggagawa ng sapat na sahod para sa trabahong kanilang ginagawa. Sa kabilang banda, kailangan din ng mga negosyo ang kumita upang patuloy silang makapagpasahod at makapagbigay ng trabaho.
Ngunit sa kalagayan natin ngayon, bagamat sinasabi ng gobyernong sumisigla nang muli ang ating ekonomiya matapos ang matinding epekto ng pandemya, hindi maikakailang nahihirapan ang marami sa ating makaagapay sa mataas na presyo ng mga bilihin, pamasahe, tubig, kuryente, at maraming iba pa. At ito ang pangunahing dahilan kung bakit ayon sa survey ng Social Weather Stations, nasa 51% ng mga Pilipino ang nagsabing “mahirap” sila. Sa NCR, ang self-rated poverty ay nasa 40% o apat sa bawat sampung pamilya sa rehiyon.
Matagal nang naninindigan ang Simbahan para sa pagkakaroon ng living wage ng mga manggagawa. Sa Catholic social teaching na Rerum Novarum na inilabas noon pang 1891, kinikilala ng Santa Iglesia ang karapatan ng bawat manggagawang tumanggap ng sahod na sapat para sustentuhan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Kung hindi kasi makasasapat ang sahod ng isang manggagawa para sa pangangailangan ng kanyang pamilya, mapipilitan silang maghigpit ng sinturon gaya ng hindi na pagkain nang sapat, paghinto sa pag-aaral ng mga bata, o hindi na lang gumastos para magpatingin sa doktor kung mayroong may sakit. Sa ibang pamilya naman, napipilitan ang mga ina at mga anak na maghanapbuhay para lamang mairaos ang isang araw.
Mga Kapanalig, sa huli, ang mga patakaran tungkol sa sahod ng mga manggagawa ay dapat na alinsunod sa katarungan. Hindi ito dapat na idinidikta lamang ng tinatawag na market forces o ng kapritso ng mga nasa poder. Hindi natin dapat “ipagkait ang kaukulang bayad sa nangangailangang manggagawa,” wika nga sa Deuteronomio 24:14. Hindi barya ang katumbas ng dignidad ng mga manggagawa. Ang paggalang sa kanilang mga karapatan ang dapat na pundasyon ng ating ekonomiya.
Sumainyo ang katotohanan.