187 total views
Itinuturing ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na tunay na mukha ng buhay OFW ang nagviral sa social media na eksena sa airport ng isang batang ayaw paalisin ang kanyang ama para magtrabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng kumisyon, ang eksena ay isang malaking hamon sa pamahalaan at simbahan na magtulungan upang magkaroon ng maraming trabaho dito sa Pilipinas.
Inihayag ni Bishop Santos na tunay na malaking sakripisyo sa bawat magulang na umaalis ng bansa para magtrabaho sa malalayong lugar dahil sa lubhang kahirapan at kawalan ng oportunidad sa trabaho sa bansa.
Iginiit ng Obispo na sumasalamin din ito sa kakayahan ng isang ama o ina na lumayo, magtiis, mangulila at harapin ang mga panganib mabigyan lamang ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
“kung inyo pong napanuod yung nasa facebook viral video yung bata na kumakapit, ayaw paalisin ang kanyang tatay, dalawang aral ang ating makikita dito. Una yung tatay, isang magulang handang magtiis, handang mangulila, handang masaktan para lamang bigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang anak kahit mapalayo, mapalayo sa pagmamahal, sa pagtingin sa bata upang siguruhin lamang na may pagkain sa mesa, may panustos sa pag-aaral, mayroong maitustos sa pangangailangan ng mga anak.”pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas
Binigyan diin ng Obispo na pagsalamin din ito sa pagmamahal ng anak sa kanyang magulang at ang kagustuhan nilang makapiling lagi ang kanyang ama at ina
“at sa bata talagang mahal na mahal ang kanyang mga magulang. Kailangan nila at gusto ng bata na makasama at makapiling ang kanyang magulang at ito ay panawagan natin sa ating pamahalaan at sa simbahan na makalikha at gumawa ng trabaho dito sa Pilipinas upang hindi na sila lumisan o umalis ng hindi na sila magkakahiwalay, magkalayo layo ang pamilya.”paliwanag ng Obispo
Sa datos ng pamahalaan nitong taong 2016, umaabot sa 6,092-libo ang umaalis na Overseas Filipino Workers ang umaalis kada araw sa Pilipinas hindi pa kasama ang mga illegal migrants mula sa ibat-ibang panig ng mundo.