1,859 total reads
Kinundena ng People’s Budget Coalition ang panukalang 2027 national budget na inaprubahan ng Kamara de Representantes sa huli at ikatlong pagbasa dahil sa sinasabing malalaking insertion kakulangan sa transparency, at pagbawas sa mahahalagang serbisyong panlipunan.
Ayon sa panayam kay Abigail Modales national coordinator ng People’s Budget Coalition sa programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas, umabot sa 200-bilyong piso ang insertions sa bersyon ng panukalang budget ng Kamara batay sa committee report tungkol sa Budget Amendment Review and Sub-committee (BARC).
Sinabi ni Modales na 84-bilyong piso sa budget insertion ay hindi natalakay sa aktuwal na pagdinig ng B-A-R-C.
Kabilang sa mga binatikos ng grupo ang mahigit 11-bilyong pisong dagdag sa mga lokal na proyektong pang-imprastraktura ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Ang lagi naming sinasabi ay ang pork barrel ay bumabalik lamang ng ibang anyo. Kapag nadeklara po itong unconstitutional noong 2013 to 2014 ang pork barrel, naghanap po ito ng bagong mukha sa hitsura ng unprogrammed appropriations. Ngayon po ay mayroon po kaming binabantayang bagong mukha ng pork, ito naman po ’yung local government support fund. Iba lamang ang anyo nito at iba lamang ang line item na ito, pero the same purpose po. Kaya patuloy ang civil society sa pag-call out ng mga red flags na ito,” ayon sa panayam kay Modales sa programang Veritas Pilipinas.
Ibinunyag din ni Modales na sa 100-bilyong pisong alternatibong panukalang budget ng civil society, anim na bilyong piso lamang ang napondohan ng Kamara.
Kabilang sa mga tinukoy niyang naapektuhan ang pagpapalawak ng busway project, ang 900-libong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na hindi mapopondohan sa susunod na taon, at ang 84-porsiyentong pagbawas sa budget ng Health Promotion Bureau ng Department of Health.
Nanawagan ang People’s Budget Coalition na gawing bukas sa civil society ang bicameral conference committee at ilathala ang mga detalye ng mga proyekto, kabilang ang mga nagmungkahi at nag-apruba ng mga pagbabago sa budget.
Dahil sa kuwestiyunableng budget insertion ng Kamara, mas gustuhin ng P-B-C na magkaroon ng reenacted budget.
“Dapat tayo po ay patuloy na magbantay at magmatiyaga, panawagan natin sa House of Representatives at sa mga miyembro sa Kongreso na mahiya naman kayo. Dapat kabahan sila at talagang mahiya sila sa pagbibigay sa atin ng isa na namang budget na hindi nakakatulong sa mga Pilipino.” pahayag ni Modales sa Radyo Veritas.




