2,147 total reads
Nanawagan si Alaminos Bishop Emeritus Jesus Cabrera sa mga mananampalataya na isuko ang mga sarili sa paggabay ng Espiritu Santo upang higit na mahubog ang kanilang buhay kay Kristo at maisabuhay ang tunay na pag-ibig sa kapwa.
Sa kanyang homiliya sa huling araw ng National Spiritual Direction Conference ng CHARIS Philippines sa Liloan, Cebu, iginiit ng obispo na ang pagtalikod sa sariling kagustuhan at pagbibigay-daan sa pagkilos ng Espiritu Santo ay hindi tanda ng kahinaan, kundi isang mahalagang hakbang tungo sa paglagong espirituwal.
“When we empty ourselves day by day, moment by moment, the Holy Spirit takes over. He takes control,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Cabrera.
Binigyang-diin ng obispo na kailangang matutong makinig ang bawat mananampalataya sa tinig ng Espiritu Santo sa bawat sandali ng kanilang buhay at maging handang sumunod sa Kanyang kalooban.
Aniya, sa patuloy na pagtalima sa Banal na Espiritu ay higit na nagiging buhay ang presensiya ni Kristo sa mga mananampalataya, kung saan naipagpapatuloy at napapalawak ang Kanyang misyon sa pamamagitan ng kanilang mga salita at pagkilos.
Ipinaliwanag din ng obispo na ang tunay na pagkilos ng Espiritu Santo ay dapat makita sa konkretong pagsasabuhay ng pag-ibig, lalo na sa pakikitungo sa kapwa.
“If there is one thing we ought to do, it is this: love. The measure of our love for others is now the same measure with which Christ has loved us,” ayon kay Bishop Cabrera.
Hinimok ng obispo ang mga kalahok sa pagtitipon na huwag limitahan ang kanilang pananampalataya sa mga espirituwal na karanasan, kundi ipakita ito sa pamamagitan ng paglilingkod, pagpapatawad, at pagdadamayan.
Binigyang-diin din ni Bishop Cabrera na ang tunay na pagsunod kay Kristo ay nangangailangan ng araw-araw na pagtanggi sa sarili at pagtanggap sa krus.
“Surrender is not a sign of weakness. No, it is a sign of strength,” aniya.
Iginiit ng obispo na nagiging bukas ang tao sa higit na pagkilos ng Espiritu Santo kapag natututuhang talikuran ang labis na pagkapit sa sariling kagustuhan at ipaubaya sa Diyos ang direksiyon ng buhay.
Pinaalalahanan ng pastol ang bawat isa na ang bawat mananampalataya ay templo ng Espiritu Santo, na patuloy na gumagabay, nagpapalakas, umaaliw, at nagbibigay-liwanag sa kanilang paglalakbay sa pananampalataya.
Hinimok ni Bishop Cabrera ang mga kalahok na patuloy na manalangin para sa isa’t isa at magdamayan sa pagdadala ng mga pasanin, lalo na sa kanilang sama-samang paglilingkod sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos.
Si Bishop Cabrera ay kabilang sa 165 delegado sa conference kasama ang mga pari na itinalagang spiritual directors ng mga charismatic groups at mga lay leaders.




