338 total views
Kapanalig, tag-ulan na naman sa ating bayan. At kapag tag-ulan, kakambal na nito ang pagbaha. Itong pagdaan ng Bagyong Paeng sa ating bayan ay nagpamukha muli sa atin kung gaano ka-bulnerable ang ating bayan sa pagbaha.
Isa sa mga sinasabing dahilan ng mabilis na pagtaas ng baha sa ating bayan nitong mga nakaraang taon ay ang pagkawala ng mga puno sa ating paligid. Marami ng eksperto ang nagsasabi na kapag maraming puno sa ating paligid, hindi tayo masyado mag-aalala sa pagbaha at pag-guho ng luha. Ang mga puno ay nag-aabsorb o sumisipsip ng tubig. Sila din ang mahigpit na kumakapit sa lupa na tumutulong sa pag-iwas sa erosion.
Kaya lamang, paunti na ng paunti ang mga puno sa ating bayan, lalo na sa mga urban areas. Ayon na sa Global Forest Watch, ang Pilipinas ay nawalan ng 158,000 hektarya ng primary forest mula 2002 hanggang 2021. Ang total tree cover loss ng bansa mula 2002 hanggang 2021 ay umabot na ng 1.34 million hektarya.
Kapanalig, mainam sana na kahit pa bumibilis ang urbanisyon sa bansa, ang ating mga puno ay hindi nasasakripisyo. Hindi kailangang mawala ang mga puno kahit pa dumarami ang mga gusali at subdibisyon sa bayan. We should build with nature, kapanalig, not against it.
Ang ‘Building with Nature’ ay isang pilosopiya kung saan ang pagtatayo ng mga istraktura at imprastraktura ay naka-disensyo ayon sa mga natural ecosystem. Nirerespeto nito ang kalikasan at ginagamit ang kapaligiran bilang natural na disensyo at panangga laban sa climate change. Ang konsepto na ito ay dapat isulong sa ating bayan dahil nakagawian natin na sirain ang paligid, putulin ang mga puno, at angkinin ang mga daluyang tubig para lamang makapagtayo ng mga bahay o gusali.
May magandang paalala ang Pacem in Terris ukol sa destruksyon na dinadala ng tao sa kalikasan na dapat nating isapuso: “Due to an ill-considered exploitation of nature, humanity runs the risk of destroying it and becoming in turn a victim of this degradation.” Hindi ba’t ironic kapanalig, na sa ating pagtatayo ng ating mga tirahan, sa halip na tayo ay mabigyang proteksyon, nilalagay pa natin ang ating mga sarili sa kamay ng delubyo dahil sa paraan ng ating konstruksyon?
Protect us, protect our home -ito ang ang laging panawagan natin sa ating pamahalaan, sa ating mga LGUs, at sa ating barangay kada may sakuna. Hindi ba tayo nagsasawa na tila lagi na lamang tayo helpless o walang magawa kapag matindi ang pag-ulan?
Kapanalig, ang proteksyon sa ating buhay at bahay ay hindi lamang dapat mangyari sa panahon ng sakuna, kailangan sa plano pa lamang, naisali na natin ito. If we build with nature kapanalig, hindi lamang ang kalikasan ang protektado, ang kalikasan mismo ang mangangalaga at magliligtas sa iyo.
Sumainyo ang Katotohanan.