1,905 total views
Ang digital divide ay tumutukoy sa mga hindi pantay na oportunidad sa pag-access at paggamit ng mga teknolohiya. Sa Pilipinas, malawak ang digital divide. Kita natin ito sa kawalan ng edukasyon, at kawalan ng access sa mga teknolohiya ng marami nating mamamayan.
Sa kasalukuyan, hindi lahat ng mga Pilipino ay may access sa mga teknolohiya at internet. Ayon nga sa Philippine Digital Economy Report 2020 ng National Economic Development Authority at World Bank, mahigit pa sa kalahati ng mga kabuuang kabahayan sa bansa ay walang internet access at ang fixed at mobile Internet penetration sa ating bayan ay mababa, kumpara sa ating mga karatig bansa sa Southeast Asia.
Isa sa mga rason nito ay ang kawalan ng mga imprastraktura sa malalayong lugar at kawalan ng kakayahang makabili ng mga gamit sa teknolohiya. Arkipelago ang ating bansa, kapanalig, at maraming mga bayan ang malalayo at remote. Sa mga malalayong lugar na ito, matumal ang trabaho at malawig ang kahirapan. Ang mga maykaya lamang ang may access sa internet at teknolohiya.
Ang digital divide ay nagdudulot ng mga epekto sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Sapul nito ang edukasyon, kalusugan, at oportunidad sa trabaho. Ang mga hindi makapag-access ng mga teknolohiya ay hindi nakakatugon sa mga online na klase o kurso at hindi nakakakuha ng impormasyon ng mga pangangailangan nila sa kalusugan. Ang mga trabahong digital o online ay hindi na umaabot dito, at kung umabot man, wala namang kahandaan ang mga mamamayan na tangkilikin dito dahil sa kawalan ng kasanayan sa teknolohiya. Klarong-klaro, kapanalig. Ang digital divide ay iniipit sa kahirapan ang marami nating mga mamamayan. Dahil dito, marami sa ating mga kababayan ang napapag-iwananan na ng panahon.
Upang malutas ang digital divide sa Pilipinas, ang gobyerno ay dapat maglaan ng mga programang makatutulong sa pagbibigay ng access sa mga teknolohiya at internet. Malaking tulong ang mga free wifi access sa mga pampublikong lugar. Dapat din magkaroon ng mga public-private partnership upang makatulong sa mabilis na pagtataguyod ng mga impratrakturang kailangan para sa internet access ng lahat. Sa ganitong paraan, maaaring magkaroon ng mas pantay na oportunidad sa pag-access sa mga teknolohiya sa Pilipinas. Ang pagsulong ng maralita gamit ang teknolohiya ay pagsulong nating lahat. Ayon nga sa Populorum Progressio: The advancement of the poor constitutes a great opportunity for the moral, cultural and even economic growth of all humanity.
Sumainyo ang Katotohanan.